Yunit
III Aralin 2
PAGSUNOD
AT PAGGALANG SA MAGULANG, NAKATATANDA AT NASA KAPANGYARIHAN
Ikaw ay napaliligiran ng tao. Kahit saang panig ka tumingin,
makikita mong napakaraming iba-ibang tao ang iyong nakasasalamuha sa bawat
araw. May kanya-kanyang ugali, asal, pangangailangan, gusto, pangarap at
pananaw.
Isa sa kasanayan na dapat mong matutuhan ay ang pakitunguhan ang
bawat isa sa kanila na walang pagkiling at diskriminasyon. Ito ay sa
pamamagitan ng pagsasaalang-alang na ang lahat ng tao ay pantay-pantay sa
lipunan at sa paningin ng Diyos; na ang lahat ay kailangang makatanggap ng
paggalang mula sa kanyang kapwa.
Sapat na ba ang paggamit ng “po” at “opo” upang ikaw ay matawag na
magalang? Ito ba ay sa pamamagitan ng pagmamano at paghalik sa noo? Kailangan
mong maunawaan na hindi sapat ang ganitong mga pamamaraan upang maipakita ang
paggalang.
Sa araling ito, mauunawaan mo kung gaano kahalaga ng birtud na ito.
Ang birtud na kinikilala bilang
pinakamahalaga at pinakamakapangyarihan at itinuturing na ina ng lahat ng iba
pang mga birtud.
Sa yugto ng pagbibinata/pagdadalaga, mas nagkakaroon ng malalim na
kahulugan at kabuluhan ang kanilang pagtingin sa paggalang. Ito ay dahil
unti-unti nagiging malinaw sa kanila ang kanilang pagkakakilanlan, nagsisimula
na nilang maunawaan kung ano ang kahulugan ng paggalang saibang tao at paggalang sa kanilang sarili. Kaya lamang, may mga
pagkakataon na labis ang pagnanais ng isang kabataan na siya ay igalang ng
kanyang kapwa. Lagi nila itong hinahanap mula sa mga tao sa kanilang paligid.
Gusto nila na laging igalang ang kanilang mga pagpapasya, ang kanilang pag-iisa, ang kanilang pribadong buhay. Ngunit
kapansin-pansin naman na hindi sila sensitibo sa kanilang pagkukulang na
ipakita ang paggalang sa kanilang kapwa.
Ang paggalang ay hindi patungo lamang sa iisang direksyon. Kung gusto itong makamit kailangang
matutuhan muna itong ibigay sa ibang
tao. Mahalagang maunawaan na ang pagbibigay sa isang tao ng paggalang o
respeto ay katumbas ng pagpapahalaga sa kanila bilang tao at sa kanilang
kaisipan at damdamin. Kasama rin dito ang pagkilala sa kanila, pagiging tapat
sa kanila at pagtanggap sa kanila bilang sila, sa kabila ng kanilang mga
kahinaan at pagkakamali.
Kailangan din na maging malinaw na ang bawat isa ay may karapatan na
ituring at kilalanin ng kanyang kapwa bilang siya, bilang anak ng Diyos. Ito ay
pagkilala na ang lahat ng tao ay pantay-pantay. Kasabay din na dapat
isaalang-alang na ang bawat indibidwal ay may pansariling
katayuan sa lipunan at kalagayan at dahil dito dapat na igalang siya
ng ibang tao sa paraang nararapat para sa kanya.
Makatutulong sa iyo
ang babasahin na ito upang magabayan ka sa tamang pamamaraan ng paggalang sa
ilang mahahalagang tao sa iyong paligid
PAGGALANG SA
MAGULANG
Ang iyong
mga magulang ay kaparat-dapat sa iyong paggalang dahil sila ang nagdala sa iyo
dito sa mundo, nagbigay sa iyo ng edukasyon at sila ang binigyan ng Diyos ng
awtoridad upang iyong sundin at igalang.
Ngunit dumarami pa rin ang mga kabataan na hindi na kakikitaan ng
paggalang sa kanilang mga magulang. Anak na sumasagot nang pabalang, hindi tumutugon
sa mga utos o tagubilin, walang pagsasaalang-alang sa kanilang damdamin, walang
pakundangang pagbabahagi sa kanyang kaibigan ng kahinaan ng sariling mga magulang
at marami pang iba. Natural lamang na dadaloy ang paggalang sa pagitan ng magulang at ng
kanilang mga anak kung nasa kanilang gitna ang tunay at wagas na pagmamahal.
Kung wala ang pagmamahal, imposibleng
maisabuhay ang birtud ng paggalang.
Ang paggalang sa kapwa ay maituturing lamang na dalisay kung ito ay
isinasagawa dahil sa pagkilala na ang tao ay anak ng Diyos. Iginagalang ng mga anak
ang kanilang mga magulang dahil alam nilang sila ang pinili ng Diyos upang
mapunta sa posisyon na ito. Sila ang pinagkatiwalaan ng Diyos upang magpalaki
at mag-aruga sa kanya. Alam ng lahat na ang ating mga magulang ay katulad ng
kahit na sinong pangkaraniwang tao, hindi sila perpekto.
Sila rin ay nagkakamali dahil sa kanilang mga kahinaan. Ang mga
bagay na ito ang dapat na maisapuso ng lahat ng anak. Oo nga at hindi tayo
binigyan ng pagkakataon ng Diyos na mamili ng ating sariling mga magulang.
Ngunit hindi sapat na dahilan na dahil hindi sila ang mga magulang na ating hinahangad
na maging upang hindi na natin sila igalang at mahalin.
Hindi ang katangian ng ating
mga magulang ang sukatan ng lalim ng pagmamahal at paggalang natin sa kanila
kundi ang pagkilala sa kanila bilang biyaya ng Diyos na binigyan Niya ng
awtoridad upang hubugin, bantayan at palakasin ang ating mga halaga.
Ang mga kabataan sa kasalukyan ay madalas na nag-iisip na mayroon
silang karapatan na mag-isip at ikilos ang kahit ano na kanilang nais sa harap
ng kanilang mga magulang. Kung minsan inaabuso ng mga kabataan ang kahulugan ng
kalayaan. May mga pagkakaton pa na mapapansin na talagang hinahamon ng mga
kabataan ang kanilang mga magulang upang magalit at masaktan, ito ay isang
gawaing tunay na nagpapakita ng kawalan ng paggalang.
Kailangang
maging malinaw para sa isang kabataan na katulad mo na, habang ikaw ay nakatira
sa iisang bubong kasama ang iyong mga magulang, mayroon kang tungkuling igalang
at sundin ang mga ito. Kapag naabot mo na
ang sapat na gulang, ang tungkuling upang sila ay sundin ay maaaring humihinto
ngunit ang sila ay igalang ay mananatili.
Ang
paggalang at pagsunod sa magulang ay kinakailangang laging nasa isip at puso ng
lahat. Hindi ibinibigay lamang kapag sila ay nariyan
at tatalikuran sa mga pagkakataong sila ay wala na sa ating harapan. Ang
paggalang at pagsunod sa ganitong paraan at mapagpaimbabaw, kulang ng sinseridad
at maituturing na walang kabuluhan. Halimbawa, sa kasalukuyan, palaki nang
palaki ang bahagdan ng mga magulang na napipilitang maghanap-buhay sa ibang
bansa para matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Sa mga pagkakataong
ganito, nawawala na ba ang tungkulin ng isang anak na igalang at sundin ang kanyang sariling mga magulang?
Sa ganitong mga pagkakataon, mas kailangan na iparamdam ng mga anak
ang
kanilang paggalang at pagsunod sa kanilang mga magulang. Hindi biro
ang sakripisyo na ibinibigay ng mga magulang para sa kapakanan ng kanilang pamilya,
lalo’t higit para sa kanilang mga anak. Hindi biro ang malayo sa pamilya at
hindi magkaroon ng pagkakataon na masubaybayan ang paglaki ng kanilang mga
anak. Ang tanging kapalit na maibibigay ng isang anak sa ganitong pagkakataon
ay ang kapanatagan ng damdamin ng kanilang mga magulang kahit na sila ay nasa
malayong lugar na ang kanilang mga tagubilin ay buong katapatang sinusunod ng
kanilang mga anak.
Upang manatili
ang paggalang sa loob ng pamilya, mahalaga na palaging bukas ang komunikasyon. Ang mga miyembro ng pamilya ay kailangang matapat sa isa’t isa at
bukas sa pagsasabi ng totoo kahit pa masakit ito. Kung palagiang bukas ang
komunikasyon at buhay ang pagtitiwala sa lahat ng pagkakataon mas magiging
madali para sa isang pamilya ang isabuhay ang paggalang sa bawat isa.
Madalas na nagiging suliranin sa loob ng pamilya sa pagitan ng
magulang at ng anak ay ang kakulangan sa komunikasyon. Halimbawa, Madalas na iniisip
ng mga bata ang hindi patas na pagtingin ng mga magulang. Marahil, nagkakaroon
ng paghahambing sa pamamaraan ng pagdisiplina ng mga magulang ng kanilang mga
kaibigan o kamag-aral o maging sa iba pang mga kapatid. Sa halip na ito ay
iparating sa kanyang mga magulang ay nagkikimkim ng sama ng loob sa kanyang
dibdib na sa paglipas ng panahon ay lumalalim at nagiging galit. Hindi
nauunawaan ang panig ng kanyang sariling mga magulang dahil hindi naman ito
nabigyan ng pagkakataon upang ipaliwanag ang kanilang panig. May mga sitwasyon
kasi na kaya ganito kahigpit ang mga magulang ay dahil ayaw nilang mangyari sa
kanilang mga anak ang mga pagkakamaling kanilang nagawa noong sila ay mga bata
pa.
Kung ang ganitong sitwasyon ay madadaan sa maayos na usapan sa pagitan
ng magulang at mga anak, hindi magkakaroon ng puwang ang pagkawala ng paggalang
sa isat’ isa. Huwag hayaang mawala ang sigla at liwanag sa loob ng tahanan
dahil lamang sa hindi pagkakaunawaan. Kung
nais mong ikaw ay igalang matuto ka ring ibigay ito at huwag ipagkait sa sarili
mong mga magulang.
PAGGALANG
SA NAKATATANDA
Sinoman na
nakatatanda sa iyo ay kailangang igalang.
Isa ito sa napakagandang bahagi ng kultura ng mga Pilipino. Ang lahat ng
bata sa simula pa lamang ay tinuturuan na na gumamit ng po at opo sa kanilang
pakikipag-usap sa sinomang nakatatanda. Ito ay ginagawa hindi lamang sa mga
kapamilya kundi sa lahat ng tao. Ang pagmamano ay isa ring katangi-tangi kaugaliang Pilipino na
nararapat na manatiling buhay hanggang sa kasalukuyan. Ang gawaing ito ay isang palatandaan ng
pagkilala sa kanila bilang mahalagang bahagi ng iyong buhay at ng lipunan.
Lalo’t higit na nangangailangan ng iyong paggalang ang mga
matatanda. Ano na nga ba ang kalagayan ng matatanda sa ating lipunan?
Nakalulungkot na sa kasalukuyan ang silbi ng tao sa lipunan ay
nakabatay na lamang yata sa magiging kontribusyon niya sa pagpapa-unlad ng kalagayan
ng ekonomiya. Kapag tumatanda na at wala nang kakayahang maghanap-buhay at
kumita para sa kanyang pamilya, lumalamlam na ang
paggalang sa kanila. Kapag may matanda sa daan para bang hindi man
lang sila paglalaanan ng pangalawang tingin ng mga taong nagdaraan. Sa pagsakay
sa jeep, nilalagpasan na lamang, ang katwiran, sagabal dahil mabagal kumilos,
ang mga tao tuloy natatakot nang tumanda.
Tama ba na ganito ang maging damdamin ng tao sa pagtanda? May
hangganan ba ang pagbibigay ng paggalang?
PAGGALANG
SA NASA KAPANGYARIHAN
Walang
lipunan ang maaaring mabuhay o umiral kung walang awtoridad. Ang lahat ng tao ay napasasailalim sa mga taong nasa
kapangyarihan. Kahit pa ang pinakamataas na tao sa lipunan ay nasa ilalim ng
isang makapangyarihan. Ngunit may mga pagkakataong nakalilimutan na yata ng tao
ang paggalang sa mga nasa kapangyarihan. Madalas lalo na sa edad mo ngayon, ayaw mo na mayroong tao na
magdidikta sa iyo kung ano ang iyong nararapat na gawin at kung paano gagawin
ang mga bagay-bagay. Sa iyong palagay ay sapat na ang iyong nalalaman upang
makapagpasya ka para sa iyong sarili. O kung minsan ang pinaniniwalaan mo
lamang ay yaong mga taong nagbibigay ng mga pagpapasyang naaayon sa iyong
kagustuhan.
Hindi ganito ang nararapat na maging paniniwala. Maraming mga tao ang inatasan ng Diyos at binigyan ng kapangyarihan
upang ikaw ay gabayan. Inaasahan Niya na ibibigay mo ang iyong paggalang at
pagsunod sa kanila. Hindi naman ito nangangahulugan na kinakailangan mong
sundin ang lahat ng kanilang mga iniuutos o itinatagubilin at makiayon sa lahat
ng kanilang mga pagpapasya. Pero ito ay nangangahulugan na kailangan mong
ipakita ang iyong paggalang lalo na sa kanilang posisyon at karugtong nito ang
taong may hawak ng posisyon na ito. Kailangan mong tanggapin na ang sinomang
tao na may kapangyarihan ay may kakayahang mag-utos at magdikta at may
karapatang humingi ng paggalang mula sa mga tao sa ilalim ng kanyang
kapangyarihan. Ang pagsunod sa kanila ay nararapat na dahil sa paggalang at
hindi sa takot o pagbibigay lamang.
Ngunit sa paglipas ng panahon, marami na ang nababago, lalo na sa
pananaw at paniniwala ng mga tao. Sa kasalukuyan ang mga tao ay labis ang
paglaban para sa kanilang kalayaan upang ipahayag ang kanilang damdamin. Kung
minsan ay nawawalan na ng konsiderasyon sa damdamin ng taong tatanggap nito.
Sa mga nagdaang panahon, nakikita natin ang mga taong tahasan ang
binibigay na pagpuna sa mga pinuno ng pamahalaan, sa sistema ng pamahalaan, sa
kalagayan ng bansa at kahit ano pa na hindi naaayon sa kanilang sariling
paniniwala. Kung minsan, nakalulungkot isipin na lumalagpas na sila sa
nararapat at nawawala ang konsiderasyon sa paggalang sa kanila bilang isang
taong may damdamin at anak ng Diyos.
Hindi naman sinasabi na mali ang ipahayag ang damdamin ngunit ang
mahalaga, sa pagsasagawa nito lagi pa ring may pagsasaalang-alang sa kanilang pagkatao
bilang tao.
Paano nga
ba lubos na maipakikita ang paggalang sa mga nasa kapangyarihan?
Narito ang
ilan sa mga pamamaraan (Wolff)
1.
Magbasa at pag-aralan ang tunay na tagubilin ng Diyos sa paggalang sa nasa
kapangyarihan.
Pinagkatiwalaan ng Diyos ang
mga taong nasa kapangyarihan dahil alam ng Diyos ang kanilang mga kakayahan at
ang malaki nilang magiging kontribusyon sa iyo at sa lipunan. Kung uunawain mo ang mga bagay na ito, mas magiging maluwag sa iyo na tanggapin na
karapat-dapat sila sa iyong lubos na paggalang.
2. Lagi
mong ipagdasal ang lahat ng tao na may kapangyarihan sa iyo.
Sila ay tao rin na katulad mo. Ang pagkakaiba lamang ay may nakaatas
sa kanilang balikat na mga tungkulin na napakahalaga upang ikaw ay gabayan
tungo sa iyong paglago. Katulad mo, mas kailangan nila ng gabay mula sa Diyos
upang maisakatuparan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin at upang kanilang
maunawaan ang napakahalaga at napakakritikal nilang tungkulin sa paghubog ng
iyong kabuuan.
3. Maging
isang buhay na halimbawa sa mga tao sa iyong paligid.
Ipakita mo sa lahat kung
paano ang tamang paggalang sa mga nasa kapangyarihan.
Huwag mong ipakita sa iyong mga kamag-aral ang pakikipagtalo sa
iyong mga guro, ang pagsuway sa mga panuntunan ng paaralan, ang pagsasalita ng
masama laban sa guwardiya ng paaralan at marami pang iba. Lagi mong tatandaan
na maliit lamang ang pagitan ng pagbibigay ng puna at kritisismo sa kawalan ng paggalang. Ang pagsasabi ng iyong puna o
kritisismo ay maaaring maisagawa na hindi nawawala ang paggalang. Kailangang siguraduhin
na masabi ito sa maayos na pamamaraan, na laging isinasaisip ang magiging
damdamin ng taong tatanggap nito.
4. Alamin
at unawain sa una pa lamang na hindi lahat ng pagpapasya ay magiging kaaya-aya para sa iyo
upang ito ay iyong sundin.
Hindi perpekto ang lahat ng taong nasa kapangyarihan. May kapasidad
silang magkamali paminsan-minsan. May mga pagkakataon na talagang
magkakabanggaan ang inyong mga prinsipyo at hindi magiging kapaki-pakinabang at
katanggap-tanggap para sa iyo ang kanilang mga pagpapasya. At sa ganitong mga pagkakataon
madalas na nakaliligtaan ang paggalang sa kanilang kapangyarihan at sa kanila
bilang tao. Walang bagay na hindi madadaan sa maayos at mahinahon na usapan.
Ang paraan ng pagbabahagi ng iyong reaksyon sa mga maling pagpapasya ay mahalagang
laging bigyan ng tuon upang hindi masakripisyo ang paggalang sa isa’t isa.
Darating at darating ang panahon na ikaw naman ang bibigyan ng Diyos
ng kapangyarihan sa ibang tao. Hindi mo rin nanaisin na hindi makuha ang paggalang
mula sa mga tao na nasa ilalim ng iyong kapangyarihan. Hindi mo makakayang ibigay ang isang bagay na wala sa iyo.
Kung kaya ngayon pa lamang simulan mo ng pag-aralang tumugon, sumunod at
gumalang.
Ngunit paano nga ba natin maisasabuhay ang paggalang na ginagabayan
ng katarungan at pagmamahal? Ang mga sumusunod ay mga mungkahi mula sa aklat ni
Isaacs na Character Building:
1.
Panatilihing buhay at nag-aalab ang pagkakaunawaan at pagtanggap sa pamilya at
sa lipunan. Maraming mga maliliit na pamamaraan upang mapagtagumpayan ang
layuning ito. Halimbawa, pakikinig nang mabuti habang may nagsasalitang ibang
tao, pag-iwas sa mga hindi naman makatutulong na mga puna, pagiging maingat sa
pananalita at kilos upang hindi makasakit ng damdamin ng kapwa. Gawin mo ang
iyong kontribusyon upang maakit ang iba na ibalik din ito sa iyo.
2. Kilalanin
na ang lahat ng tao ay may kakayahang umunlad. Lahat ng tao bata man o matanda ay may
kapasidad na magkamali. Palatandaan lamang na ang tao ay hindi perpekto. Lahat
ng tao ay mayroong mga kahinaan. Dahil dito ang lahat ng tao ay binigyan ng
Diyos na pagkakataon na umunlad. Ang paghusga sa isang tao dahil sa kanyang
mga pagkakamali ay nagpapahiwatig na hindi mo na binibigyan ng pagkakataon ang
iyong kapwa na magbago at umunlad. Ikaw din ay nagkakamali, at hindi rin
magiging kalugod-lugod sa iyo kung ikaw ay basta na lamang huhusgahan dahil
dito. Marapat lamang na ang lahat ay bigyan ng pagkakataon upang itama ang
kanyang mga pagkakamali. Mahalaga ang kakayahan na ito para sa ganap na
pagsasabuhay ng paggalang.
3. Kumilos
na ang palaging layunin ay ang makatulong sa kapwa.
Nilikha tayo ng Diyos bilang isang panlipunang nilalang. Pahiwatig
ito na kailangan natin
ang isa’t isa upang mahanap ang kaganapan ng pagkatao. Sa ating
pagkilos, kailangan na ang ating layunin ay nakatuon sa pagtulong sa ating
kapwa. Nakalulugod isipin na ikaw ay kabahagi ng ibang tao sa paghahanap ng
bahagi ng kanyang sarili. Hindi mo dapat tinitingnan ang iyong kapwa bilang balakid sa iyong paglago. Nariyan sila dahil may bahagi silang
gagampanan sa iyong buhay at nariyan ka dahil may bahagi kang gagampanan sa kanilang
buhay.
4. Gawin
lamang ang anomang kilos na hindi makasasakit ng kapwa.
Lahat ng tao ay may damdamin na nasasaktan. Sabi nga nila mas medaling maghilom ang sakit na dulot sa katawan
kaysa sa damdamin. Kung kaya bilang isang kabataan kailangang laging
isaalang-alang sa bawat pananalita at kilos ang pagiging maingat upang hindi
makasakit ng kapwa. Minsan, dahil sa kakulangan sa pag-iingat, hindi na tayo
nagiging sensitibo sa damdamin ng ating kapwa.
Halimbawa, sa silid-aralan lalo na sa mga oras na wala ang guro, may
mga mag-aaral na sasamantalahin ang pagkakataon upang makuha ang atensyon ng
marami. Ang kanyang intensyon ay ang makapagpasaya ngunit ang kanyang
pamamaraan ay ang gawing tampulan ng tawanan ang kahinaan ng isang kamag-aral.
Maaaring nakapagpapasaya ito ng marami ngunit ito ay labis na kawalang
paggalang sa isang taong labis na nasasaktan. Hindi ito makatarungan, ito ay
tunay na dapat ikondena. Ngunit minsan din naman may mga pagkakataon na maganda
ang ating layunin sa ating kapwa ngunit hindi natin alam na makasasakit pa rin
ito. Halimbawa, Nabalitaan mo na ang isa mong kamag-aral ay may tubercolosis. Naawa ka
sa kanya at nais mo siyang tulungan. Naisip mong magpunta sa lahat ng
silid-aralan upang sabihin ang kalagayan ng iyong kamag-aral, na ang layunin ay
makakalap ng tulong pinansyal mula sa mga ito. Ngunit ang naging bunga nito ay
iniiwasan na siya ng maraming mga mag-aaral dahil nalaman ng mga ito ang
kanyang karamdaman. Marahil ay makararamdam ka ng pagsisisi dahil sa iyong
ginawa ngunit alam mo naman na wala kang anomang masamang intensyon. Marahil,
nakaligtaan mo lamang na isipin nang mabuti ang maaaring maging kahihinatnan ng
iyong pagtulong. Sa ating mga pananalita at pagkilos, kailangang laging
isaalang-alang ang prudensya upang matiyak natin na hindi tayo makasasakit ng
ating kapwa.
5.
Unawain na ang lahat ng tao ay magkakaiba kung kaya nagkakaroon din ng
pagkakaiba sa paraan ng pagpapakita sa kanila ng paggalang.
Iba ang paraan ng paggalang na iyong ibinibigay sa iyong mga
magulang kaysa sa iyong mga guro. Iba para sa nakatatanda at iba rin para sa
mga taong nasa kapangyarihan.
Halimbawa, maaaring sapat na para sa isang guro ang batiin mo siya
ng magandang umaga sa tuwing makakasalubong mo siya at ang ibigay mo sa kanya
ang iyong buong atensyon sa oras ng kanyang klase.
Hindi lamang ganito ang paraan ng pagpapakita mo ng paggalang sa iyong
mga magulang, kailangan mong sundin ang kanilang mga paala-ala at utos, igalang
ang kanilang mga pasya, mahalin sila ng walang kondisyon at marami pang iba.
Kailangang maging mulat ka sa iba’t ibang mga pamamaraang ito upang hindi ito
magdulot ng suliranin sa hinaharap.
6. Bago
mag-alay ng tulong sa kahit na sinoman, siguraduhin na ganap na nauunawaan kung
ano ang kanilang tunay na kalagayan.
Mulat ka ba sa tunay na pangangailangan ng taong nais mong tulungan?
Kailangan mong alaming mabuti ang kanilang tunay na sitwasyon o kalagayan bago
mo isagawa ang pagtulong sa kanila. Ito ay upang masiguro mo na tama at tunay
na makatutulong sa kanya ang anomang iyong ibibigay.
Ang isang pulubi sa lansangan halimbawa ay hindi nararapat na bigyan
ng pera bilang limos. May mga sitwasyon kasi na hindi nila ito ginagamit upang
ipambili ng pagkain bagkus upang ipambili ng rugby o kaya naman ay upang ibigay
sa kanyang mga magulang upang gamitin sa pagsusugal. Sa ganitong pamamaraan, hindi
natin tunay na natulungan ang bata, mas naakay pa siya sa kasamaan.
7. Ibigay sa
sinoman ang paggalang na nararapat lamang para sa kanya.
Ang paggalang ay walang pinipiling tao, lugar, oras o pagkakataon. Lahat
ng tao ay anak ng Diyos na karapat-dapat sa paggalang ng sinoman. Maaaring
magkakaiba ang pamamaraan ng pagpapakita ng paggalang sa kapwa, nakabatay sa
kanyang posisyon sa lipunan ngunit mula sa pinakamataas hanggang sa pinakapayak
na tao sa lipunan marapat sila sa iyong paggalang.
8. Sa
pakikipag-usap sa ibang tao, iwasan ang paglalahat sa paghuhusga sa tao, walang
pagsasaalang-alang na kritisismo at anomang uri ng diskriminasyon.
Madalas kapansin-pansin ang kawalan ng paggalang sa kapwa sa paraan
ng pakikipag-usap sa mga ito. Masyado tayong mabilis na magbitaw ng mga salita.
Hindi na natin naipagsasaalang-alang ang damdamin ng ating kausap; humuhusga
tayo sa ating kapwa nang hindi natin ganap kakilala, nagbibigay tayo ng ating puna na hindi naman kailangan at
hindi naman nakatutulong, minamaliit natin ang ating kapwa dahil lamang sa katayuan
niya sa buhay. Nakalulugod ang isang taong mas pinipiling manahimik kaysa sa
magbitaw ng masamang salita sa kanyang kapwa.
9. Isipin
kung paano maibibigay ang pinakamahusay na paglilingkod sa kapwa na may
pagsasaalang-alang na walang iisang tuntunin na maaaring sundin na aangkop para
kanino man.
Hindi tayo dapat na masiyahan sa “pwede
na”. Madalas, kapag nagbibigay tayo sa ating kapwa
tinitingan lang natin ito bilang isang obligasyon na kailangang isakatuparan. Ang
pagtulong na hindi nilakipan ng pagmamahal ay walang kabuluhan. Kailangang
siguraduhin na ang pinakamahusay ang laging ibigay para sa kapwa. Ngunit
kailangan ding bigyan ng tuon ang pagkakaiba-iba ng bawat tao. Kailangang
bigyan ng paggalang ang kanilang indibidwalidad. Kailangang bigyan din ito
ng konsiderasyon dahil may mga pagkakataon na ang sapat para sa isa ay maaring hindi
sapat para sa iba.
Gawin mo sa iyong kapwa ang nais mong gawin sa iyo. Mahalaga ang kawikaang ito upang ipaunawa sa bawat isa na ang
paggalang ay nararapat na nagmumula sa iyo. Hindi ito hinihingi bilang limos at
hindi ito nabibili ng anomang halaga. Ito ay makukuha lamang kung ikaw ay
karapat-dapat, kung ikaw ay marunong ding gumalang sa iyong kapwa. Walang
pinakamagandang regalong makukuha mula sa ibang tao kundi ang kanilang
taos-pusong paggalang.
Nakahanda ka na bang makatanggap ng regalong ito?
Note: Ang Leksyong ito sa EP II ay hango sa 2010 Secondary Education
Curriculum;
Gabay sa Pagtuturo sa Edukasyon sa Pagpapahalaga II ph.136-145.