Lesson 35
Lahat ng tao ay nais maging matagumpay sa mga gawain na kanilang ginagampanan.Pero paano nga ba ito magaganap? Basahin at pagmunihan ang mensahe ng tulang ito:
Be The Best of Whatever you Are
If you can't be a pine tree on the top of the hill
Be a scrub in the valley-but be
The best little scrub by the side of the hill
Be a bush if you can't be a tree.
If you can't be a highway, then just be a trail
If you can't be a sun, be a star...
It isn't in size that you win or fail-
Be the best of whatever you are.
Ano ang ibig sabihin ng tula? Paano mo ito maiuugnay sa pagtatagumpay ng iyong gawain sa kasalukuyan at sa hinaharap?
Konsepto ng Pagpapahalaga
Ang pagtatagumpay ay hindi mahirap para sa taong nagpapakita ng kagalingan at nagbibigay ng pinakamabuti nilang magagawa sa kanilang mga gawain. Ang pag-abot sa tagumpay ay isang hamon para sa lahat ng may pangarap sa buhay. Subalit ito ay isang bagay na nakalaan lamang para sa mga taong may pagpapahalaga sa uri at kalidad ng kanilang gawain. Ang pagpapakita ng kahusayan sa gawain ay dapat na maging layunin ng bawat isa na naghahangad ng tagumpay sa kanilang kasalukuyang gawain at maging propesyon sa hinaharap.
Ang pagtatagumpay sa propesyon ay hindi kusang dumarating. Mas magandang paghandaan ito ngayon pa lamang. Kung gusto mong magtagumpay, makakatulong ang mga sumusunod na puntos upang maihanda mo ang iyong sarili para sa layuning pagtatagumpay ng iyong buhay sa hinaharap.
Una, kung gusto mong magtagumpay, alamin kung ano ang iyong nais gawin at layunin. Ito ay makakatulong upang lagyan ng pokus ang mga gawain mo sa kasalukuyan. Ang kaalaman sa direksyon na nais mong tahakin ang magsasabi kung ano ang mga gawain na dapat at hindi mo dapat gawin. Kung ang iyong ginagawa ay hindi makapagdadala sa iyo sa iyong mithiin, mas makabubuting iwanan o isantabi ang mga ito. Hanapin ang mga gawain na magdadala sa iyo sa direksyon na nais mo.
Ikalawa, kung gusto mong magtagumpay, pagbutihin ang iyong sarili. Paunlarin mo ang mga katabgian at kakayahan na makakatulong sa iyo upang makamit ang tagumpay.
Ikatlo, kung gusto mong magtagumpay, alamin ang pagtataya ng ibang tao sa iyong gawain. Ang impormasyon na maibibigay nila ay magandang simula ng pagpapaunlad ng iyong sarili. Maging bukas sa anumang puna o papuri na ibibigay ng iba ukol sa iyong gawain.....ang taong humihingi ng opinyon ng iba ay tanda ng pagnanasang matuto at lumago....
Ikaapat,kung gusto mong magtagumpay, magkaroon ng positibong kaisipan. Magtiwala sa sariling kakayahan at ilagay sa isipan na magiging mahusay ka sa iyong gagawin at magtatagumpay ka sa hinaharap.
Ikalima, kung gusto mong magtagumpay, magsimula ka ngayon. Ang pagtatagumpay at kagalingan ay dapat na simulan sa mga bagay na ginagawa mo sa kasalukuyan.Sa lahat ng iyong gawain sa paaralan o sa tahanan man, snayin mo ang iyong sarili na maibigay ang pinakamabuti mong magagawa. Gawin mong layunin ang pagtatagumpay sa anumang gawain na iyong kinasasangkutan. Ang lahat ng ito ay maliliit na hakbang patungo sa kagalingan at pagtatagumpay na hinahangad mo sa iyong propesyon sa hinaharap.. Hindi dapat ipagpabukas o ipagpaliban pa ang paghahangad ng tagumpay
Huwag hayaang magsisi sa dakong huli dahil sa hindi mo nagawa agad ang mga bagay na dapat mong simulan ngayon pa lamang. Hindi iglap ang pagtatagumpay. Nangangailangan ito ng mahabang panahon ng paghahanda at pagsasagawa.
Reference: Kaganapan sa Paggawa III
Twila Punsalan atbp.ph.231-235.