Narito ang mga nakapaloob sa
Pandaigdig na Pagpapahayag ng mga Karapatan ng Tao ng mga Nagkakaisang Bansa
(Universal Declaration of Human Rights) :
Artikulo 1
Ang lahat ng tao'y isinilang na malaya at
pantay-pantay sa karangalan at mga karapatan. Sila'y pinagkalooban ng katwiran
at budhi at dapat magpalagayan ang isa't isa sa diwa ng pagkakapatiran.
Artikulo 2
Ang bawat tao'y karapat-dapat sa lahat ng
karapatan at kalayaang nakalahad sa Pahayag na ito, nang walang ano mang uri ng
pagtatangi, gaya ng lahi, kulay, kasarian, wika, relihiyon, kuro-kurong
pampulitika o iba pa, pinagmulang bansa o lipunan, ari-arian, kapanganakan o
iba pang katayuan.
Bukod dito, walang pagtatanging gagawin batay sa
katayuang pampulitika, hurisdiksiyunal o pandaigdig na kalagayan ng bansa o
teritoryong kinabibilangan ng isang tao, maging ito ay nagsasarili,
itinitiwala, di-nakapamamahala sa sarili o nasa ilalim ng ano mang katakdaan ng
soberanya.
Artikulo 3
Ang bawat tao'y may karapatan sa buhay, kalayaan
at kapanatagan ng sarili.
Artikulo 4
Walang sino mang aalipinin o bubusabusin;
ipagbabawal ang ano mang anyo ng pang-aalipin at ang pangangalakal ng alipin.
Artikulo 5
Walang sino mang pahihirapan o lalapatan ng
malupit,di-makatao o nakalalait na pakikitungo at parusa.
Artikulo 6
Ang bawat tao'y may karapatang kilalanin saan
mang dako bilang isang tao sa harap ng batas.
Artikulo 7
Ang lahat ay pantay-pantay sa harap ng batas at may karapatan sa walang
pagtatangi ng pangangalaga ng batas. Ang lahat ay may karapatan sa pantay na
pangangalaga laban sa ano mang pagtatangi-tanging nalalabag sa Pahayag na ito
at laban sa ano mang pagbubuyo sa gayong pagtatangi-tangi.
Artikulo 8
Ang bawat tao'y may karapatan sa
mabisang lunas ng karampatang mga hukumang pambansa tungkol sa mga gawang
lumalabag sa pangunahing mga karapatan na ipinagkaloob sa kanya ng saligang
batas o ng batas.
Artikulo 9
Walang sino mang ipaiilalim sa
di-makatwirang pagdakip, pagpigil o pagpapatapon.
Artikulo 10
Ang bawat tao'y may karapatan sa
ganap na pagkakapantay-pantay, sa isang makatarungan at hayag na paglilitis ng
isang hukumang malaya at walang kinikilingan, sa pagpapasiya ng kanyang mga
karapatan at panangutan at sa ano mang paratang na kriminal laban sa kanya.
Artikulo 11
1. Ang bawat taong
pinararatangan ng pagkakasalang pinarurusahan ay may karapatang ituring na
walang-sala hanggang di-napatutunayang nagkasala alinsunod sa batas sa isang
hayag na paglilitis na ipinagkaroon niya ng lahat ng garantiyang kailangan sa
kanyang pagtatanggol.
2. Walang taong ituturing na
nagkasala ng pagkakasalang pinarurusahan dahil sa ano mang gawa o pagkukulang
na hindi isang pagkakasalang pinarurusahan, sa ilalim ng batas pambansa o
pandaigdig, noong panahong ginawa iyon. Hindi rin ipapataw ang parusang lalong
mabigat kaysa nararapat nang panahong magawa ang pagkakasalang pinarurusahan.
Artikulo 12
Walang taong isasailalim sa
di-makatwirang panghihimasok sa kanyang pananhimik, pamilya, tahanan o
pakikipagsulatang ni sa tuligsa sa kanyang karangalan at mabuting pangalan. Ang
bawat tao'y may karapatan sa pangangalaga ng batas laban sa gayong mga
panghihimasok o tuligsa.
Artikulo 13
1. Ang bawat tao'y may karapatan
sa kalayaan ng pagkilos at paninirahan sa loob ng mga hanggahan ng bawat
estado.
2. Ang bawat tao'y may
karapatang umalis sa alin mang bansa, pati na sa kanyang sarili, at bumalik sa
kanyang bansa.
Artikulo 14
1. Ang bawat tao'y may
karapatang humanap at magtamasa sa ibang bansa ng pagpapakupkop laban sa
pag-uusig.
2. Ang karapatang ito'y hindi mahihingi sa mga pag-uusig na tunay na
nagbubuhat sa mga pagkakasalang di-pampulitika o sa mga gawang nasasalungat sa
mga layunin at simulain ng mga Bansang Nagkakaisa.
Artikulo 15
1. Ang bawat tao'y may karapatan
sa isang pagkamamamayan.
2. Walang sino mang aalisan ng
kanyang pagkamamamayan ng walang katwiran ni pagkakaitan ng karapatang magpalit
ng kanyang pagkamamamayan.
Artikulo 16
1. Ang mga lalaki't babaeng may
sapat na gulang ay may karapatang mag-asawa at magpamilya nang walang ano mang
pagtatakda dahil sa lahi, bansang kinabibilangan o relihiyon. Nararapat sila sa
pantay-pantay na karapatan sa pag-aasawa, sa panahong may asawa at
pagpapawalang bisa nito.
2. Ang pag-aasawa'y papasukan
lamang sa pamamagitan ng malaya at lubos na pagsang-ayon ng mga nagbabalak
magkapangasawahan.
3. Ang pamilya ay likas at
pangunahing pangkat sa sangay ng lipunan at karapat-dapat sa pangangalaga ng
lipunan at ng Estado.
Artikulo 17
1. Ang bawat tao'y may
karapatang mag-angkin ng ari-arian nang mag-isa gayon din na kasama ng iba.
2. Walang sino mang aalisan ng
kanyang ari-arian nang walang katwiran.
Artikulo 18
Ang bawat tao'y may karapatan sa
kalayaan ng pag-iisip, budhi at relihiyon; kasama sa karapatang ito ang
kalayaang magpalit ng kanyang relihiyon o paniniwala maging nag-iisa o kasama
ang iba sa pamayanan upang ipakilala ang kanyang relihiyon o paniniwala sa
pagtuturo, pagsasagawa,pagsamba at pagtalima.
Artikulo 19
Ang bawat tao'y may karapatan sa
kalayaan ng pagkukuro at pagpapahayag; kasama ng karapatang ito ang kalayaan at
kuru-kuro nang walang panghihimasok at humanap, tumanggap at magbigay ng
impormasyon at kaisipan sa pamamagitan ng alin mang paraan ng pagkakalat at
walang pagsasaalang-alang ng mga hanggahan.
Artikulo 20
1. Ang bawat tao'y may karapatan
sa kalayaan sa mapayapang pagpupulong at pagsasamahan.
2. Walang sino mang pipiliting
sumapi sa isang kapisanan.
Artikulo 21
1. Ang bawat tao'y may
karapatang makilahok sa pamahalaan ng kanyang bansa, sa tuwiran o sa
pamamagitan ng mga kinatawang malayang pinili.
2. Ang bawat tao'y may karapatan sa pantay na pagpasok sa paglilingkod
pambayan ng kanyang bansa.
3.
Ang kalooban ng bayan ang magiging saligan ng kapangyarihan ng pamahalaan; ang
kaloobang ito'y ipahahayag sa tunay na mga halalan sa pana-panahon sa
pamamagitan ng pangkalahatan at pantay-pantay na paghahalal at idaraos sa
pamamagitan ng lihim na balota o sa katumbas na pamamaraan ng malayang pagboto.
Artikulo 22
Ang bawat tao, bilang kasapi ng
lipunan, ay may karapatan sa kapanatagang panlipunan at nararapat na makinabang
sa pamamagitan ng pambansang pagsisikap at pakikipagtulungang pandaigdig at
alinsunod sa pagkakabuo at mga mapagkukunan ng bawat Estado, sa mga karapatang
pangkabuhayan, panlipunan at pangkalinangan na lubhang kailangan para sa
kanyang karangalan at sa malayang pagpapaunlad ng kanyang pagkatao.
Artikulo 23
1. Ang bawat tao'y may karapatan
sa paggawa, sa malayang pagpili ng mapapasukang hanapbuhay, sa makatarungan at
kanais-nais na mga kalagayan sa paggawa at sa pangangalaga laban sa kawalang
mapapasukang hanap-buhay.
2. Ang bawat tao'y may karapatan
sa kapantay na bayad ng kapantay na gawain, nang walang ano mang pagtatangi.
3. Ang bawat taong gumagawa ay
may karapatan sa makatarungan at nababatay sa kabayarang tumitiyak sa kanyang
sarili at sa kanyang pamilya ng kabuhayang karapat-dapat sa karangalan ng isang
tao, at pupunan, kung kailangan, ng iba pang paraan ng pangangalangang
panlipunan.
4. Ang bawat tao'y may
karapatang magtatag at umanib sa mga unyon ng manggagawa para sa pangangalaga
ng kanyang mga kapakanan.
Artikulo 24
Ang bawat tao'y may karapatan sa
pamamahinga at paglilibang, kasama ang mga makatwirang pagtatakda ng mga oras
ng paggawa at may sahod sa mga pana-panahong pista opisyal.
Artikulo 25
1. Ang bawat tao'y may karapatan
sa isang pamantayan ng pamumuhay na sapat para sa kalusugan at kagalingan ng
kanyang sarili at ng kanyang pamilya, kasama na ang pagkain, pananamit,
paninirahan at pagpapagamot at kinakailangang mga paglilingkod panlipunan, at
ng karapatan sa kapanatagan sa panahong walang gawain, pagkakasakit,
pagkabalda, pagkabalo, katandaan at iba pang kakapusan sa ikabubuhay sa mga
di-maiiwasang pangyayari.
2. Ang pagkaina at pagkabata ay nararapat sa tanging kalinga at tulong.
Ang lahat ng bata, maging anak na lehitimo o di-lehitimo, ay magtatamasa ng
gayon ding pangangalagang panlipunan.
Artikulo 26
1. Ang bawat tao'y may karapatan
sa edukasyon. Ang edukasyon ay walang bayad, doon man lamang sa elementarya at
pangunahing antas. Ang edukasyong elementarya ay magiging sapilitan. Ang
edukasyong teknikal at propesyonal ay gagawing maabot ng lahat at ang lalong
mataas na edukasyon ay ipagkakaloob nang pantay-pantay sa lahat batay sa
pagiging karapat-dapat.
2. Ang edukasyon ay itutungo sa
ganap na pagpapaunlad ng pagkatao at sa pagpapalakas ng paggalang sa mga
karapatan ng tao at mga pangunahing kalayaan. Itataguyod nito ang
pagkakaunawaan, pagbibigayan, at pagkakaibigan ng lahat ng bansa, mga pangkat
na panlahi o panrelihiyon, at palawakin ang mga gawain ng mga Bansang
Nagkakaisa sa ikapapanatili ng kapayapaan.
3. Ang mga magulang ay may
pangunahing karapatang pumili ng uri ng edukasyong ipagkaloob sa kanilang mga
anak.
Artikulo 27
1. Ang bawat tao'y may
karapatang makilahok nang malaya sa buhay pangkalinangan ng pamayanan, upang tamasahin
ang mga sining at makihati sa mga kaunlaran sa siyensiya at sa mga pakinabang
dito.
2. Ang bawat tao'y may karapatan
sa pangangalaga ng mga kapakanang moral at materyal bunga ng alin mang
produksiyong pang-agham, pampanitikan o pansining na siya ang may-akda.
Artikulo 28
Ang bawat tao'y may karapatan sa
kaayusang panlipunan at pandaigdig na ang mga karapatan at mga kalayaang
itinakda sa Pahayag na ito ay ganap na maisasakatuparan.
Artikulo 29
1. Ang bawat tao'y may mga
tungkulin sa pamayanan sa ikaaari lamang ng malaya at ganap na pagkaunlad ng
kanyang pagkatao.
2. Sa paggamit ng kanyang mga
karapatan at mga kalayaan, ang bawat tao'y masasaklaw lamang ng mga katakdaan
gaya ng ipinapasya ng batas ng tanging sa layunin lamang ng pagtatamo ng
kaukulang pagkilala at paggalang sa mga karapatan at mga kalayaan ng iba at sa
pagtugon sa makatarungang kahilingan ng moralidad, kaayusang pambayan at ng
pangkalahatang kagalingan sa isang demokratikong lipunan.
Edukasyon sa
Pagpapakatao, Baitang 9, Modyul 6