Tuesday, December 8, 2015

Kabataan

   Musika ng Kahapon    
       
         
           Minsan lang dumaan ang kabataan sa buhay ng isang tao. Minsan din lamang mararanasan ang mga karanasang hindi na muling maibabalik pa. Mga bahagi ng buhay na anupa't kahit anumang pagnanais na muling balikan ay mananatili na lamang sa ala-ala...sa mga lugar, kasayahan, pananamit, pagkain, balita, pangyayari, musika at maraming iba pa..
          Pana-panahon...ang pagkakataon..maibabalik pa ba ang kahapon...sabi nga ng isang awit.
Sa pagbuklat ng mga ala ala ng ating kabataan..duon makikita natin ang mga minsa'y itinangi at binigyan ng importansiya..mga bahagi na mananatili na lamang sa kanyang kinalalagyan. Di na muling mabalikan..
          Sa mga tulad kong mahilig sa musika...masarap pakinggan ang mga awiting kinalakhan natin...paminsan minsan...kasama pa rin natin at pilit na ibinabalik sa ating mga pandinig.
          Ang mga kabataan ngayon ay may sariling uri ng musika...kaiba sa kinalakhan ng kanilang mga magulang at matatanda sa kanila. Kalimitan ay ito ang isa sa hindi pinagkakaintindihan ng dalawang may magkaibang henerasyong kinalakhan. Oldies na ang dating bagong awit. Ang bago noon ay lumang luma na ngayon. Classic na ang mga bago noon. At "in" ang mga bago ngayon. Kapag makikinig ka ngayon ng mga '70s na awitin...tatanungin ka ng mga anak mo kung," Linggo ba ngayon?" kahit Biyernes pa lang. Kaipala'y tuwing linggo na lang pinapatugtog sa radyo ang mga 70s at 80s...pambihira.
          Hindi natin sila masisisi dahil ganuon din tayo noon sa ating mga magulang...madalas nga na nakikipagbangayan ako sa kung sino ang mas sikat at mas magaling..ang mga sikat noong 70s o ang mga bago ng 1980s. Sapagkat ako'y naging teenager nang mga panahong iyon. Ito ang isyu namin ng aking mga pinsan at mga matatanda sa pamilya.
           Sa ngayon, lubos kong naiintindihan kung bakit may hindi pagkakaunawaan ang mga matatanda at mga kabataan sa halos iba't-ibang larangan. At dahil dito mas mabuti na marahil na sa halip makipag-diskusyon pa sa kanila kung bakit kailangan pahinaan ang TV kapag nanonood ng mga paborito nilang palabas o kung bakit hindi ako naaaliw sa malakas na tugtog ng cd ng paborito nilang singer...sa halip na ihiwalay ng lalagyan ang mga koleksyon nila ng pelikula at musikang makabago sa aking koleksyon ng 'ika nila'y makaluma...sa halip na ipalagay sa kwarto nila ang mga gadget nilang pangmusika...sa halip...
Balang araw...sa malao't madali...maiintindihan din nila kung bakit...