Sunday, April 23, 2017

Pamilya

Ang Pamilya Bilang Likas Na Institusyon ( Part 1)
        Ang artikulong ito ay hango sa Edukasyon sa Pagpapakatao 8-Modyul ng Mga Mag-aaral ph.11 hanggang 22.

     Ang paksa tungkol sa pamilya marahil ang pinakanakapupukaw na pag-usapan sa maraming pagkakataon. masaya man ito o minsan ay malungkot. Magandang pag-usapan ang magagandang ala-ala tulad ng pamamasyal, at kahit ang mga simpleng aktibidad ng pamilya tulad ng tawanan, kwentuhan, mga kulitan ng magkakapatid. Kapag nagkita ang dalawang magkaibigan pagkatapos ng mahabang pagkawalay ay ang pamilya pa rin ang unang pinag-uusapan. Ano na ang nangyari sa tatay, sa nanay , mga kapatid at kung ilan na ang anak at marami pang iba tungkol sa kani-kanilang pamilya.
     Ang isang kabataang katulad mo ay nararapat lang na magkaroon ng mas malalim na pagkilala at pang-unawa sa pamilya sapagkat ikaw ay nagmula sa isang pamilya.

      Ano ang Pamilya? Ayon kay Pierangelo Alejo(2004) ang pamilya ang pangunahing institusyon sa lipunan na nabuo sa pamamagitan ng pagpapakasal ng isang lalaki at babae dahil sa kanilang walang pag-iimbot, puro at romantikong pagmamahal- kapwa nangakong magsasama hanggang sa wakas ng kanilang buhay, magtutulungan sa pag-aaruga at pagtataguyod ng edukasyon ng kanilang mga magiging anak. Ayon pa rin sa kanya, ang pamilya ay isang konkretong pagpapahayag ng aspeto ng pagmamahal sa kapwa sa pamamagitan ng kawanggawa, kabutihang-loob at paggalang o pagsunod.

Basahin mo ang Marriage Vows sa ibaba at pagkatapos ay maaaring gumawa ng isang repleksyon tungkol dito.

Marriage Vows

I take you my love...
To have and to hold;
From this day forward.
For better, for worse,
For richer, for poorer,
In sickness and in health,
To love and to cherish,
'till death do us part.
according to God's holy law.
And this is my solemn vow.

Tuesday, December 8, 2015

Kabataan

   Musika ng Kahapon    
       
         
           Minsan lang dumaan ang kabataan sa buhay ng isang tao. Minsan din lamang mararanasan ang mga karanasang hindi na muling maibabalik pa. Mga bahagi ng buhay na anupa't kahit anumang pagnanais na muling balikan ay mananatili na lamang sa ala-ala...sa mga lugar, kasayahan, pananamit, pagkain, balita, pangyayari, musika at maraming iba pa..
          Pana-panahon...ang pagkakataon..maibabalik pa ba ang kahapon...sabi nga ng isang awit.
Sa pagbuklat ng mga ala ala ng ating kabataan..duon makikita natin ang mga minsa'y itinangi at binigyan ng importansiya..mga bahagi na mananatili na lamang sa kanyang kinalalagyan. Di na muling mabalikan..
          Sa mga tulad kong mahilig sa musika...masarap pakinggan ang mga awiting kinalakhan natin...paminsan minsan...kasama pa rin natin at pilit na ibinabalik sa ating mga pandinig.
          Ang mga kabataan ngayon ay may sariling uri ng musika...kaiba sa kinalakhan ng kanilang mga magulang at matatanda sa kanila. Kalimitan ay ito ang isa sa hindi pinagkakaintindihan ng dalawang may magkaibang henerasyong kinalakhan. Oldies na ang dating bagong awit. Ang bago noon ay lumang luma na ngayon. Classic na ang mga bago noon. At "in" ang mga bago ngayon. Kapag makikinig ka ngayon ng mga '70s na awitin...tatanungin ka ng mga anak mo kung," Linggo ba ngayon?" kahit Biyernes pa lang. Kaipala'y tuwing linggo na lang pinapatugtog sa radyo ang mga 70s at 80s...pambihira.
          Hindi natin sila masisisi dahil ganuon din tayo noon sa ating mga magulang...madalas nga na nakikipagbangayan ako sa kung sino ang mas sikat at mas magaling..ang mga sikat noong 70s o ang mga bago ng 1980s. Sapagkat ako'y naging teenager nang mga panahong iyon. Ito ang isyu namin ng aking mga pinsan at mga matatanda sa pamilya.
           Sa ngayon, lubos kong naiintindihan kung bakit may hindi pagkakaunawaan ang mga matatanda at mga kabataan sa halos iba't-ibang larangan. At dahil dito mas mabuti na marahil na sa halip makipag-diskusyon pa sa kanila kung bakit kailangan pahinaan ang TV kapag nanonood ng mga paborito nilang palabas o kung bakit hindi ako naaaliw sa malakas na tugtog ng cd ng paborito nilang singer...sa halip na ihiwalay ng lalagyan ang mga koleksyon nila ng pelikula at musikang makabago sa aking koleksyon ng 'ika nila'y makaluma...sa halip na ipalagay sa kwarto nila ang mga gadget nilang pangmusika...sa halip...
Balang araw...sa malao't madali...maiintindihan din nila kung bakit...

Wednesday, December 17, 2014

Pasko

"Jesus is the reason of the season! Happy birthday Jesus! We love You!


Ang pagdating ng pasko ay panahon ng pagsasaya sa maraming Pilipino. Dito na sa Pilipinas ang pinakamahabang pagdiriwang, sa pakiwari ko.
 Ang mga magulang ay abala sa pagbili ng mga aginaldo para sa mga anak, kamag-anak at lalo sa mga inaanak.
Magagandang damit , at siyempre ay ang di mawawalang mga pagkain para sa noche buena at bagong taon.
Pinagkakaabalahan din ang iba't-ibang palamuti sa loob ng bahay. Ang kalinisan ng tahanan ay pinananatili kaipala'y anumang oras ay may mga bisitang darating mula sa kung saan.  Idagdag pa rito ang paghahanda sa mga taunang reunion ng pamilya, at mga magkakaklase noong mga nakaraan.

 Kaliwa't kanan na paggastos...kung may panggastos..sabi ng iba. Sa iba naman ay sukdulang mangutang para may ipanghanda. Kaliwa't kanan din ang kontribusyon dito at doon. Mall dito... at doon. Pasyal...bakasyon. Naku...nakakapagod kung iisipin mo.
 Kulang pa ang dalawang linggong bakasyon para magawa lahat ang mga gawain sa Christmas season.

Ngunit hindi ninyo ba napuna kung ano ang kulang sa itaas...sa lahat ng nabanggit ko sa itaas na pinagkakabalahan ng tao tuwing pasko...wala ang esentiya kung bakit nagdiriwang tayo.

Nakakalungkot dahil tila ilan lang ang nakakaalala sa dahilan ng ating pagdiriwang. Ang iba ay pinipiling mag-videoke na lang kaysa magsimba sa gabi. Umattend sa reunion kaysa pumunta sa simbahan. Magbigay ng regalo sa inaanak kaysa abuloy sa simbahan.
Hindi naman masama ang mag-videoke, maki-reunion, magbigay ng regalo, mamili, kumain ng masarap. Sana lang ay huwag makalimutan ang tunay na diwa ng pasko. Pagsisimba...pag-aalala sa kapanganakan ng Panginoong Hesus at pagbabahagi ng mga biyayang natanggap para sa iba.

Tuesday, December 9, 2014

Modyul 9 Katarungang Panlipunan

Kung kawalang katarungan ang pagpatay, ang buhay ay katarungan.
Kung kawalang katarungan ang pang-aagaw ng lupa, katarungan ang gumalang sa pagmamay-ari.
Kung kawalang katarungan ang pang-aapi, katarungan ang pagkalinga at paggalang sa dignidad ng tao.


Ang katarungan ay umiikot sa dalawang libel.
1. Pagkilala sa tao bilang tao- ito ay tungkol sa taong tumatayo bilang isang indibidwal na may sariling pagka-siya.
2. Pagkilala sa karapatan ng tao- ito ay tungkol sa ginagalawang ugnayan ng tao sa kapwa at lipunan.

Katarungan sa sarili- ito ang paglalagay sa ayos ng sarili. Ang wastong pagpili ang pinakapundamental na prinsipyo ng katarungan sa sarili.

Katarungang panlipunan- ay ang pag-iingat sa sarili ng komunidad upang makagawa, makabuo at makalikha.

Katarungan- ito ay dapat makita ng bawat isa na isang pagpapahalagang kailangang pagsikapang panatilihin sa bawat sandali.

Upang makamit ang Katarungang Panlipunan, kailangan ang,___.
1. Batas- upang maingatan ang mga karapatan ng tao.
2. Pamahalaan- upang masiguro ang patas na pagbabahagi ng yaman ng bansa.
3. Pulis/Awtoridad- upang magbantay sa kalayaan ng tao.

Halimbawa ng Katarungan:
1. Tumawid sa tamang tawiran
2. Maging malinis sa itinitindang pagkain.
3.Magbayad ng buwis.
4. Pagsunod sa batas trapiko.
5. Maging tapat sa pagsusulit.
6.Aminin sa sarili ang totoo.

Pagsusulit:
1. Saan mo nakikita sa iyong paligid ang katarungan? Ipaliwanag.
2. Saan mo nasasaksihan ang kawalan ng katarungan? Ano ang ginagawa mo para mapuksa ito?

Sanggunian: Learners' Manual in Edukasyon sa Pagpapakatao Grade 9

Thursday, November 27, 2014

Dinggin mo , O Diyos

Aking panginoon
Buksan ang puso at isip,
Nang madamang higit
Ang pag-ibig mo.

Sa iyo'y lumalapit
Dinggin mo O Diyos, ang nais.
At mapawi ang pait
Ng paghihirap ko.

Panginoong Diyos,
Ako'y iyong pagpalain.
Ingatan mo,
Ako't patawarin.

Ang nais ko'y
Lagi kitang kapiling.
Laging makasama ka.
Laging mangunguna
Sa aking buhay.


eam/11-17-2014



Wednesday, November 19, 2014

Pilikmata

            Isang malugod na pagbati sa mga nanalo sa paligsahan ng Pag-awit at Pagsayaw sa nakaraang kompetisyon na ginanap sa Balungao National High School, Balungao, Pangasinan,  petsa 7 ng buwang kasalukuyan.
            Ang naturang selebrasyon ng Buwan ng mga Pagpapahalagang Filipino ay kinatatampukan ng Tagis Talino at Poster Making at ang nabanggit sa itaas. Sa 19 na kalahok sa Pag-awit/Pagsayaw, ang Mataas Na Paaralang Juan C. Laya , San Manuel ay maswerteng nakakuha ng pangalawa at pangatlong pwesto. Sa Tagis Talino naman ay masuwerteng nasungkit nito ang pangatlong pwesto. Muling magtutunggali ang mga nagwagi dito, sa pagkakataong ito ay kalahok na rin ang iba pang nanalo sa iba't-ibang klaster ng buong Dibisyon ng Pangasinan II, sa ika-21 ng Nobyembre 2014, gaganapin sa SM City Rosales, ang Division Level Competition.
             Muli ang malugod na pagbati at nawa'y muling makasungkit ng higit pang gantimpala!


Pilikmata

Paggawa (Esp 9 Modyul 7)

Paggawa-ito ay isang aktibidad ng tao. Maaari itong mano-mano, o nasa larangan ng ideya. Ito ay resulta ng pagkilos ng tao na may layuning makatugon sa pangangailangan ng kapwa.
               Ito ay gawain ng tao na nangangailangan ng orihinalidad, pagkukusa at pagkamalikhain; at ang produkto nito, materyal man o hindi ay magbubunga ng pagbabago sa anumang bagay.
               Ayon kay Pope John Paul II sa kanyang akda na Laborem Exercens..ang paggawa ay anumang gawain, pangkaisipan man ito o manwal, anuman ang kanyang kalikasan o kalagayan, makatao at nararapat para sa tao bilang anak ng Diyos.

Mga Layunin ng Paggawa
1. Ang tao ay gumagawa upang kitain ang pera na kailangan upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan.
2. Makapag-ambag sa patuloy na pag-angat at paglago ng agham at teknolohiya.
3. Maiangat ang kultura at moralidad ng lipunang kinabibilangan.
4. Pagtulong sa mga nangangailangan.
5.Ang paggawa ay nagbibigay ng dahilan sa pag-iral ng tao.