PASASALAMAT SA
GINAWANG KABUTIHAN NG KAPWA
Ang pagpapasalamat, madaling sabihin pero bakit
parang sa ilan napakahirap itong bitawan. May mga pagkakataon marahil na may
nakaharap ka na isang bata o mas nakatatanda sa iyo na hindi mo ikinatuwa dahil
sa kabila ng kahit maliit lamang na bagay na nagawa mo para sa kanya ay hindi
manlamang nagpakita ng damdamin ng pasasalamat. Parang wala lang… Nakalulungkot
di ba? Minsan nga nakakaiinis. At sinabi mo sa sarili mo na kahit na kailan
hindi mo na siya tutulungan ulit.
Ano nga ba ang kahalagahan ng pagpapasalamat?
Bakit nga ba marami nang tao sa ngayon, lalo na mga kabataan, ang nakalilimutan
na yata ang magpasalamat? Tama bang pangangatwiran na hindi ka na tumulong
dahil hindi ka napasalamatan? Bago natin sagutin ang mga tanong na ito, linawin
muna natin kung ano nga ba ang kahulugan ng pasasalamat.
Ang salitang pasasalamat
na sa salitang Ingles ay “gratitude” ay
ngangahulugang damdamin ng pasasalamat at katuwaan bilang tugon sa pagtanggap
ng isang regalo o kaloob – karapat-dapat man ito o hindi para sa iyo, materyal
man o simpleng kabutihan mula sa iyong kapwa. Ang pasasalamat ay isang pagpapasya. Ito ay laging nariyan, hindi
nawawala o hindi namamatay, ngunit ang tao pa rin ang mamimili kung lagi itong
isasama bilang bahagi ng kanyang buhay.
Paano nga ba taglayin ang damdamin ng pasasalamat?
Mahalagang
simulan ito sa ating sarili. Minsan kasi masyado tayong sensitibo sa paghahangad
ng pasasalamat mula sa iba ngunit hindi tayo sensitibo sa pagbibigay ng
pasasalamat sa ating kapwa. Tandaan mo na hindi mo kayang
ibigay ang anomang wala sa iyo. Kung kaya sa araling ito sisimulan
natin ang pagtuturo sa ating sarili na maging mapagpasalamat. Ang asal at kilos
ng isang tao ay naiimpluwensyahan ng
kanyang pansariling mga pananaw. Sumusunod ang ating kilos batay sa takbo ng
ating isip. Kung mulat ang ating mga mata at isipan sa dami ng mga magagandang
bagay na mayroon tayo sa araw-araw: pagkain sa mesa, damit na maisusuot,
pamilya, kaibigan, kalusugan at edukasyon, saka pa lamang natin mapahahalagahan
ang pagiging mapagpasalamat.
Kaya lang kung minsan, marami tayong hinahangad, masyadong malayo
ang ating paningin kung kaya nalalampasan natin ang mga tao at bagay na malapit
sa atin. Sa ganitong mga pagkakataon,
nakaliligtaan natin ang magpasalamat. Huwag mo sanang kalilimutan na
ang tunay na kasiyahan at kaligayahan ay hindi nakabatay sa yaman o kasikatan. Kasi
kung ang mga ito ang nakapagpapaligaya sa tao, bakit maraming milyonaryo at mga
artista ang nagpapakamatay, nalululong sa droga at nasisira ang pamilya?
Nabubulag ang maraming tao sa kinang ng salapi at nalulunod sa ibinibigay na
paghanga kung kaya nakalilimutan nilang pahalagahan ang maliliit ngunit makabuluhang bagay sa kanilang paligid. Hindi natin
maitutuon ang ating pansin sa halaga ng pagiging mapagpasalamat kung ang ating
isip at puso ay puno ng mga paghahangad at kagustuhan. Kailangan natin maging
masaya sa kung ano ang mayroon tayo ngayon upang magkaroon tayo ng pagkakataon
na makita ang tunay na ganda ng buhay. Ang lahat ay dito nagsisimula. Dito
nakasalalay kung paano rin tayo magiging mapagpasalamat sa anomang bagay na ginagawa sa atin ng ating kapwa.
Isa ka ba sa mga bulag sa ganda ng buhay? Hindi ba maganda ang iyong
pananaw sa mundo kung kaya hindi rin maganda ang pananaw mo sa mga tao sa iyong
paligid? Kailangang mabago ito, kung ang iyong nais ay tunay na maging
makabuluhan ang iyong buhay.
Narito ang ilang mga mungkahi upang mabago ang
ating pananaw at asal gamit ang pasasalamat (gratitude).
1. Gamitin mo ito upang hindi
mabigyang-puwang ang anomang negatibong damdamin. Minsan, hindi maganda ang gising mo sa umaga, parang wala kang gana
kumilos, mag-isip at makihalubilo. Upang mawala ang damdaming ito, mag-isip ka
ng kahit isang bagay lang na dapat mong ipagpasalamat. Ang simpleng magising ka pa para sa isa na namang
araw ay napakalaking biyaya na dapat ipagpasalamat. Dito mo madalas na ituon
ang iyong pansin sa buong araw, lalo na kung bumabalik na naman ang damdamin ng
pagkabagot at kawalang-gana. Hayaan mong burahin ng pagpapasalamat ang anomang hindi magandang damdamin. Ikaw
lamang ang makagagawa nito, ikaw ang magdidikta sa iyong isip ng kung ano ang
iyong iisipin.
2. Simulan mong magpasalamat sa lahat ng
tao na iyong nakasasalamuha sa bawat araw. Mayroon
ka bang kaklase na sa iyong palagay ay sinusubok ang iyong pasensya sa madalas
na pagkakataon? Kapag may ganito kang damdamin, mag-isip ka ng anomang bagay na
taglay ng taong ito na karapat-dapat mong ipagpasalamat. Lagi mong ipaalala sa
iyong sarili na ang lahat ng tao ay mayroong positibo at negatibong katangian.
Lagi mong ituon ang iyong pansin sa mga positibong katangian ng iyong kapwa at
mapapansin mong mababago nito ang iyong paraan ng pakikitungo sa kanila.
3. Sa tulong ng pagiging mapagpasalamat
mas matutuon ang iyong pansin sa mga mabubuting bagay sa iyong paligid. May mga pagkakataon ba na tinatalo ng negatibong pag-iisip ang iyong
tiwala? Kahit pa naglaan ka ng sapat na panahon sa pag-eensayo, kapag nakita mo
ang iyong mga makakalaban sa paligsahan, natatakot ka na matalo. Hindi ito magandang
palatandaan. Sa halip dapat mong isipin na, “ginagawa ko ang lahat upang ako ay
maging mahusay. Ang lahat ng aking sakripisyo ay magbubunga. Ako ay labis na
nagpapasalamat sa ganitong talentong ibinigay sa akin ng Diyos. Sa tulong ng ganitong pag-iisip matutuon
lamang ang iyong pansin sa pag-iisip na magandang pagkakataon ito upang ibahagi
sa iba ang iyong talento na biyaya ng Diyos. Mawawala ang pag-aalinlangan.
Mapapawi ang takot. Sa ganitong proseso, magiging malaking bahagi ng iyong
pang-araw-araw na buhay ang pagpapasalamat. Tandaan mo na ito ay pinipili, ikaw lamang ang magpapasya kung talagang nais mong maging ganito ang
takbo ng iyong buhay. Lagi mong isaisip at isapuso ang dalawang mahalagang bagay kung iyong mapagpasyahang simulan na
gawing bahagi ito ng iyong buhay.
Una, ilagay mo sa gitna
ng iyong buhay ang pagiging mapagpasalamat at pangalawa, hanapin mo ang kahit pinakamaliit na bagay na dapat mong
ipagpasalamat sa iyong pag-iral, lahat ng iyong karanasan at pakikipagugnayan. Ngunit
kung minsan siguro naiisip mo, paano ako magpapasalamat kung ang lahat na yata
ng nangyayari sa buhay ko ay hindi naaayon sa gusto ko? Paano kung parang mali
yata ang maraming aspeto sa aking buhay?
Ayon kay Terrance McConnel, ang pinakamahalagang bagay na nararapat mong gawin ay ang
tanggapin ang pananagutan sa kung anoman ang nangyayari sa iyong buhay. Ikaw
lang naman talaga ang nagpapatakbo ng iyong buhay. Hindi tama na iasa mo na
lamang lahat sa ibang tao ang mga pagpapasya mo sa buhay at ang isisi mo sa
ibang tao ang iyong mga pagkakamali. Anoman ang mali sa buhay mo ngayon ay
bunga ng mga pagkakamali mo sa nakaraan. Ito ay bunga ng hindi mo pagiging maingat
sa iyong mga pagpapasya at kilos. Kung ikaw ang dahilan sa anomang bagay na
nangyayari sa iyo sa kasalukuyan, ikaw din ang maaaring makapag-ayos nito. Ang kailangan
lamang ay tanggapin mo ito
Ang bawat pangyayari o karanasan sa iyong buhay ay parang isang
“guidepost” na nagsasabi sa iyo kung ikaw ba ay nasa tamang landasin patungo sa
iyong mithiin. Ito rin ang nagsasabi sa iyo kung mayroong kailangang mabago sa
iyong mga pananaw upang iwasan na ang makagawa pa ng isa pang pagkakamali. Mahalagang kilalanin at ipakita mo ang
pagpapasalamat dahil ang lahat ng nangyayari sa iyong buhay ay isang milagro,
ito ay isang likha na walang ibang gumawa kundi ikaw lamang.
Bahagi na ng ating pagkabata ang pagtuturo sa atin ng ating mga
magulang na maging mapagpasalamat sa mga ginagawang mabuti sa atin ng ating
kapwa. Kung kaya mabilis para sa atin ang magsabi ng SALAMAT dahil ito ay
bahagi ng turo sa atin ng kagandang-asal. Ang ating kakayahang magpasalamat
kahit na sa napakaliit na bagay na nagawa para sa atin ng ating kapwa ay
palatandaan tayo ay nahubog ng ating mga magulang na taglay ang pagpapahalaga.
Mahalagang ibalik natin ang nararapat
para sa taong nagbigay ng tulong sa atin;
makasarili ang taong ipagsasawalang-bahala ang tulong na ibinibigay ng kapwa. Ang
ating mga magulang halimbawa, alam natin na ang kanilang ginagawa para sa atin
ay hindi naghihintay ng anomang kapalit o kabayaran. Taos sa kanilang puso ang
tayo ay paglingkuran bilang kanilang anak. Ngunit hindi ito nangangahulugan na
sila ay hindi na pasasalamatan. Mas nararapat
na sila ay pasalamatan dahil sa kanilang pagmamahal at pag-aaruga sa
atin hanggang sa ating paglaki.
Makatataba ng kanilang puso ang makitang sinusuklian mo ang kanilang
pagmamahal at pag-aaruga. Narito ang ilan sa mga makabuluhang paraan kung paano
mo maipakikita ang iyong pasasalamat sa loob ng tahanan: (International Association of
Character Cities, 2000)
_ Paggawa ng mga gawain sa tahanan nang kusa o
kahit hindi inuutusan. Ito ay makababawas sa gawain ng iyong mga magulang. Ang panahong
gugugulin nila para rito ay maaari nang ilaan para sa iba pang gawain o sa
pagpapahinga. Tandaan lamang na ito ay dapat na ginagawa nang may pagmamahal at
pananagutan
_ Pagsasabi sa mga magulang at kapamilya ng
pagkalugod dahil naging bahagi sila ng iyong buhay. Sa paraang ito, maipadarama
mo sa kanila na hindi ka magiging buo kung wala sila sa iyong buhay
_ Pagsasabi ng salitang “salamat” sa bawat
masarap na pagkain na kanilang niluto, sa mga damit na kanilang nilabahan, sa
regalong iyongAng bawat pangyayari o karanasan sa iyong buhay ay parang isang
“guidepost” na nagsasabi sa iyo kung ikaw ba ay nasa tamang landasin patungo sa
iyong mithiin. Ito rin ang nagsasabi sa iyo kung mayroong kailangang mabago sa
iyong mga pananaw upang iwasan na ang makagawa pa ng isa pang pagkakamali.
Ang pagpapasalamat ay isang moral na obligasyon. Ang sinomang
nagbibigay ay nararapat lamang na pasalamatan. Kailangan nating ibalik sa ating
kapwa ang nararapat lamang para sa kanya. Hindi ito namimili, hindi nakabatay
sa kalagayan sa buhay o sa estado sa lipunan. Asahan mo na ang
lahat ng ito ay babalik sa iyo. Sabi nga ni McConnel ang
pagpapasalamat ay parang isang malaking magnet na mag-aanyaya pa ng maraming
biyaya na iyong ipagpapasalamat. Ikaw, nakahanda ka na bang tumanggap ng
maraming mga biyaya mula sa pasasalamat?
Note: Ang artikulong ito ay hango sa Gabay sa Pagtuturo ng Edukasyon sa Pagpapahalaga II /UBD ; 2010 SEC.