Saturday, August 31, 2013

Pila po!


         Isa sa mga gawaing natutunan ng sinuman mula pa siguro pagkabata ay ang pumila... itinuturo ang tamang pagpila sa tahanan, sa paaralan at kahit saang lugar. Ang masaklap nito, malaking bahagi ng ating oras ang nagugugol lamang sa pagpila.
         Gusto kong balikan ang isang karanasan tungkol sa pagpila.
         Kailangan kong pumunta sa Baguio upang mag-renew ng aking lisensya. Gumising ako ng maaga upang maaga akong makaalis. Medyo malayo din ang Baguio City mula sa aming lugar. Kung gaano kaaga akong nagising ay ganoon din ang mga kasama ko sa bahay upang pumasok sa eskwela at trabaho. Kailangan kong pumila sa bathroom…may nauna na sa akin! Pagkatapos kumain ng agahan ay mabilis na akong nagbihis para magbyahe. Marami ng pasaherong naghihintay ng van pa-Baguio ng alas sais ng umaga. May nauna na sa akin kaya kailangan kong pumila sa dulo ng medyo mahaba nang pila!
        Pangalawa na ito Lord, sa isip isip ko.
        Nakaalis din ang van sa wakas.
        Pagdating ng toll gate…pila ang inabot namin …kahit pa sabihin mong limang sasakyan lang naman ang sinusundan ay pila pa ring matatawag. Huh! Pangalawang toll gate…ganoon din ang pila…salamat na lang at hindi naman masyadong mahaba…minuto lang naman…Pang-apat na ito Lord!
      Pasado alas  nuwebe na marahil nang makarating ako sa opisinang dapat kong puntahan. Siyempre ano pa nga ba ang dapat kong asahan kundi ang pumila? Sa pagkuha ng application form…..window 7 pila….window 8 pila…window so and so pila….balik uli sa window 8 pila… kailangan ko pa pala ng picture with name tag!
       "Nasaan ba ang pinakamabilis na photo lab ading?"  Sa wakas , sa dami ng pinagtanungan ko…pinakamabilis ang sa tantiya ko ay ang magpunta sa SM na medyo malapit lang naman….kaya pa naman marahil ang maglakad hanggang doon…pataas ng konti…pero kaya!
     Sa isang photo shop sa SM Baguio ako humantong baby ko!
      Ano pa ang dapat kong asahan kundi ang pumila pagkat hindi lang naman ako ang umakyat ng Baguio! Fifteen to forty five minutes plus ang aking nagugol na oras sa picture lang naman, pero mabuti na 'yon kesa abutin ng gabi dito sa Baguio.
     Ginutom  po ako dahil mag-aalas dose na pala. Diyata't hindi pa ako natatapos sa aking pakay ay nangalahating araw na ako.
     Kailangang kumain kung ayaw kong matumba sa gutom. Ang ginaw pa naman…at kailangan ang kape  talaga.!  Saan ba ang magandang lugar? Iyong wala nang pila…pero sa oras na ganito ay bihira ang kainan na walang tao. Lahat ay may pila…sa Jolibee..sa Mc Do…Greenwich…KFC…mamahalin o hindi…may pila at ang hahaba pa! Gutom na gutom ang mga tao sa pakiwari ko. Umakyat ako…tama ba? Sa foodcourt…baka konti ang tao…pero laking pagkakamali dahil mas makapal pa pala ang pila dito.
Baba uli…sa labas..sa gilid ng SM…may mga kainan din ... pero pareho lang…wala po akong nagawa kundi ang pumila. Para lang sa isang choco drink at simpleng pagkain…isang oras lang naman baby ko!
      Ala una nang bumalik ako sa opisinang sinadya. Isa-submit ko lang naman na ang mga requirements…madali na siguro…okay na. Kailangan ko pa ring pumila sapagkat sabi ko nga, hindi lang ako ang umakyat ng Baguio upang mag-renew ng lisensya.
       Ang pagpila ay bahagi na ng buhay ng tao. Kaayusan ang dulot nito. Sa tahanan, sa paaralan o kahit saan man ay itinuturo ang maayos na pagpila upang magkaroon ng maayos na daloy ng pagpasok, paglabas, maiwasan ang pagsisikip, paggigitgitan, tulakan o anupamang aksidente na matatamo ng bawat isa.
      Kung may kabutihan ay mayroon din namang di-magandang hatid ito. Marahil ay hindi lang natin pinapansin.
      Nakakairita at nakaka-ubos oras ang dami ng pilang pwedeng maranasan sa isang araw. At kung kwentahin ang kabuuang oras na ginugol sa pagpila...matutuklasan na hindi nalalayo o kaya'y  higit na marami kaysa sa oras na ginugol sa makabuluhang bagay.
       Hindi ko maubos maisip kung paano kita makukumbinsi dito. Kung marahil ay hindi ko naranasan at madalas maranasan ang mga pangyayaring katulad ay hindi ko mabubuo ang artikulong ito.


Ang pagpila ay tanda ng disiplina!

      

No comments:

Post a Comment