Monday, February 4, 2013

Esp II Yunit 3 Aralin 4

Pakikipagkaibigan sa Katapat na Kasarian

Mga uri ng Pakikipagkaibigan sa katapat na kasarian (Cross-sex Friendship)ayon kina Laura Guerero at Alan Chavez(2005)
1.Kapwa nagnanais na matungo ang pagkakaibigan sa isang romantikong relasyon( Examined mutual romance). Ginagamit ang pagkakaibigan bilang tuntungan patungo sa isang romantikong relasyon at upang mas makilala ang isa’t-isa. Nakikita kung may posibilidad na lumago ang ugnayan patungo sa isang romantikong relasyon o kung mananatili na lamang sa pagkakaibigan.
2.Kapwa nagnanais na mapanatili ang pagkakaibigan (Strictly Platonic). Naninindigan ang bawat isa na mapatatag ang kanilang ugnayan bilang magkaibigan.
3.Ang isa sa magkaibigan ay naghahangad ng isang romantikong pakikipag-ugnayan (desires or rejects romance). Ang isa sa dalawang magkaibigan ay nakakaramdam ng atraksyon o pagmamahal sa kanyang kaibigan ngunit pilit niya itong pinagtatakpan dahil naniniwala siyang hindi kapareho ang nararamdaman ng kanyang kaibigan para sa kanya. Ipinakikita ang labis na pag-iingat upang hindi masira ang pagkakaibigan.

Apat na hamon na kinakaharap ng pakikipagkaibigan sa katapat na kasarian

1.Hamon sa Emosyonal na pagkakabuklod- (Emotional Bond Challenge)-mga pagkakataong inaakalang ang labis na pagiging malapit sa isa’t-isa at ilang pagkagusto sa ilang mga katangian ay nagpapahiwatig na ng isang romantikong relasyon.
2.Hamon sa Pagharap sa Publiko(Public Presentation Challenge). Mahirap na mabasa ang magiging puna ng mga tao sa mga pagkakataong nakikita ang dalawang magkaibigan na palaging magkasama at magka-usap.
3. Hamong Sekswal(Sexual Challenge). Tunay na ang isang babae at lalaki ay nilikha upang magbuklod bilang isa ngunit hindi ito angkop sa lahat ng pagkakataon. Kailangan laging pairalin ang katatagan upang mapaglabanan ang anumang tukso na maaaring dumaan sa ugnayan.
4. Hamon sa Pagkakapantay (Equality Challenge).Kailangang maging bahagi ang bawat isa sa mga pagpapasya at mahalagang ituring ang isa na kapantay ang halaga upang mapalago ang pagkakaibigan.

Mga payo upang mas mapatatag ang pakikipagkaibigan sa katapat na kasarian.
1.       Kailangang unawain ang tunay na kahulugan ng pagkakaibigan.
2.       Isaisip na hindi lahat ng pagkakataon , na ang dahilan ng pagkikipagkaibigan ng lalaki ay magkaroon ng tuntungan para sa isang malapit na ugnayan.
3.       Kailangang maunawaan ang pantay na pagtingin na dapat at nakalaan sa isang babae at lalaki sa lipunan sa kasalukuyan.
4.       Maging malawak ang pag-iisip sa posilbilidad na magkaroon ng relasyon bilang magkaibigan ang lalaki at babae.
5.       Unawain ang mga dahilan kung bakit nais maging magkaibigan ang isang babae at lalaki.
6.       Unawain na ang isang babae at lalaki ay magkaiba sa paraan ng pakikipag-usap
7.       Mas bigyan ng pagkakataon ang mga lalaki na magbigay solusyon sa mga problema.
8.       Kailangan maglaan ng panahon ang babae sa pakikinig sa mga hinaing o suliranin ng lalaki.
9.       Pag-usapan ang magiging limitasyon ng pagkakaibigan.
10.   Kailangang maunawaan na ang mga lalaki ay maalaga at may posibilidad na maging seloso.

Reference:
 Gabay sa Pagtuturo sa Edukasyon sa Pagpapahalaga II
2010 Secondary Education Curriculum.




Thursday, January 24, 2013

EsP II Yunit III Aralin 2


Yunit III Aralin 2
PAGSUNOD AT PAGGALANG SA MAGULANG, NAKATATANDA AT NASA KAPANGYARIHAN
Ikaw ay napaliligiran ng tao. Kahit saang panig ka tumingin, makikita mong napakaraming iba-ibang tao ang iyong nakasasalamuha sa bawat araw. May kanya-kanyang ugali, asal, pangangailangan, gusto, pangarap at pananaw.
Isa sa kasanayan na dapat mong matutuhan ay ang pakitunguhan ang bawat isa sa kanila na walang pagkiling at diskriminasyon. Ito ay sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang na ang lahat ng tao ay pantay-pantay sa lipunan at sa paningin ng Diyos; na ang lahat ay kailangang makatanggap ng paggalang mula sa kanyang kapwa.

Sapat na ba ang paggamit ng “po” at “opo” upang ikaw ay matawag na magalang? Ito ba ay sa pamamagitan ng pagmamano at paghalik sa noo? Kailangan mong maunawaan na hindi sapat ang ganitong mga pamamaraan upang maipakita ang paggalang.

Sa araling ito, mauunawaan mo kung gaano kahalaga ng birtud na ito. 

Ang birtud na kinikilala bilang pinakamahalaga at pinakamakapangyarihan at itinuturing na ina ng lahat ng iba pang mga birtud.
Sa yugto ng pagbibinata/pagdadalaga, mas nagkakaroon ng malalim na kahulugan at kabuluhan ang kanilang pagtingin sa paggalang. Ito ay dahil unti-unti nagiging malinaw sa kanila ang kanilang pagkakakilanlan, nagsisimula na nilang maunawaan kung ano ang kahulugan ng paggalang saibang tao at paggalang sa kanilang sarili. Kaya lamang, may mga pagkakataon na labis ang pagnanais ng isang kabataan na siya ay igalang ng kanyang kapwa. Lagi nila itong hinahanap mula sa mga tao sa kanilang paligid. Gusto nila na laging igalang ang kanilang mga pagpapasya, ang kanilang pag-iisa, ang kanilang pribadong buhay. Ngunit kapansin-pansin naman na hindi sila sensitibo sa kanilang pagkukulang na ipakita ang paggalang sa kanilang kapwa.

Ang paggalang ay hindi patungo lamang sa iisang direksyon. Kung gusto itong makamit kailangang matutuhan muna itong ibigay sa ibang tao. Mahalagang maunawaan na ang pagbibigay sa isang tao ng paggalang o respeto ay katumbas ng pagpapahalaga sa kanila bilang tao at sa kanilang kaisipan at damdamin. Kasama rin dito ang pagkilala sa kanila, pagiging tapat sa kanila at pagtanggap sa kanila bilang sila, sa kabila ng kanilang mga kahinaan at pagkakamali.

Kailangan din na maging malinaw na ang bawat isa ay may karapatan na ituring at kilalanin ng kanyang kapwa bilang siya, bilang anak ng Diyos. Ito ay pagkilala na ang lahat ng tao ay pantay-pantay. Kasabay din na dapat isaalang-alang na ang bawat indibidwal ay may pansariling
katayuan sa lipunan at kalagayan at dahil dito dapat na igalang siya ng ibang tao sa paraang nararapat para sa kanya.

Makatutulong sa iyo ang babasahin na ito upang magabayan ka sa tamang pamamaraan ng paggalang sa ilang mahahalagang tao sa iyong paligid

PAGGALANG SA MAGULANG
Ang iyong mga magulang ay kaparat-dapat sa iyong paggalang dahil sila ang nagdala sa iyo dito sa mundo, nagbigay sa iyo ng edukasyon at sila ang binigyan ng Diyos ng awtoridad upang iyong sundin at igalang.

Ngunit dumarami pa rin ang mga kabataan na hindi na kakikitaan ng paggalang sa kanilang mga magulang. Anak na sumasagot nang pabalang, hindi tumutugon sa mga utos o tagubilin, walang pagsasaalang-alang sa kanilang damdamin, walang pakundangang pagbabahagi sa kanyang kaibigan ng kahinaan ng sariling mga magulang at marami pang iba. Natural lamang na dadaloy ang paggalang sa pagitan ng magulang at ng kanilang mga anak kung nasa kanilang gitna ang tunay at wagas na pagmamahal.

Kung wala ang pagmamahal, imposibleng maisabuhay ang birtud ng paggalang.

Ang paggalang sa kapwa ay maituturing lamang na dalisay kung ito ay isinasagawa dahil sa pagkilala na ang tao ay anak ng Diyos. Iginagalang ng mga anak ang kanilang mga magulang dahil alam nilang sila ang pinili ng Diyos upang mapunta sa posisyon na ito. Sila ang pinagkatiwalaan ng Diyos upang magpalaki at mag-aruga sa kanya. Alam ng lahat na ang ating mga magulang ay katulad ng kahit na sinong pangkaraniwang tao, hindi sila perpekto.

Sila rin ay nagkakamali dahil sa kanilang mga kahinaan. Ang mga bagay na ito ang dapat na maisapuso ng lahat ng anak. Oo nga at hindi tayo binigyan ng pagkakataon ng Diyos na mamili ng ating sariling mga magulang. Ngunit hindi sapat na dahilan na dahil hindi sila ang mga magulang na ating hinahangad na maging upang hindi na natin sila igalang at mahalin.
 Hindi ang katangian ng ating mga magulang ang sukatan ng lalim ng pagmamahal at paggalang natin sa kanila kundi ang pagkilala sa kanila bilang biyaya ng Diyos na binigyan Niya ng awtoridad upang hubugin, bantayan at palakasin ang ating mga halaga.

Ang mga kabataan sa kasalukyan ay madalas na nag-iisip na mayroon silang karapatan na mag-isip at ikilos ang kahit ano na kanilang nais sa harap ng kanilang mga magulang. Kung minsan inaabuso ng mga kabataan ang kahulugan ng kalayaan. May mga pagkakaton pa na mapapansin na talagang hinahamon ng mga kabataan ang kanilang mga magulang upang magalit at masaktan, ito ay isang gawaing tunay na nagpapakita ng kawalan ng paggalang.

Kailangang maging malinaw para sa isang kabataan na katulad mo na, habang ikaw ay nakatira sa iisang bubong kasama ang iyong mga magulang, mayroon kang tungkuling igalang at sundin ang mga ito. Kapag naabot mo na ang sapat na gulang, ang tungkuling upang sila ay sundin ay maaaring humihinto ngunit ang sila ay igalang ay mananatili.

Ang paggalang at pagsunod sa magulang ay kinakailangang laging nasa isip at puso ng lahat. Hindi ibinibigay lamang kapag sila ay nariyan at tatalikuran sa mga pagkakataong sila ay wala na sa ating harapan. Ang paggalang at pagsunod sa ganitong paraan at mapagpaimbabaw, kulang ng sinseridad at maituturing na walang kabuluhan. Halimbawa, sa kasalukuyan, palaki nang palaki ang bahagdan ng mga magulang na napipilitang maghanap-buhay sa ibang bansa para matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Sa mga pagkakataong ganito, nawawala na ba ang tungkulin ng isang anak na igalang at sundin ang kanyang sariling mga magulang?

Sa ganitong mga pagkakataon, mas kailangan na iparamdam ng mga anak ang
kanilang paggalang at pagsunod sa kanilang mga magulang. Hindi biro ang sakripisyo na ibinibigay ng mga magulang para sa kapakanan ng kanilang pamilya, lalo’t higit para sa kanilang mga anak. Hindi biro ang malayo sa pamilya at hindi magkaroon ng pagkakataon na masubaybayan ang paglaki ng kanilang mga anak. Ang tanging kapalit na maibibigay ng isang anak sa ganitong pagkakataon ay ang kapanatagan ng damdamin ng kanilang mga magulang kahit na sila ay nasa malayong lugar na ang kanilang mga tagubilin ay buong katapatang sinusunod ng kanilang mga anak.

Upang manatili ang paggalang sa loob ng pamilya, mahalaga na palaging bukas ang komunikasyon. Ang mga miyembro ng pamilya ay kailangang matapat sa isa’t isa at bukas sa pagsasabi ng totoo kahit pa masakit ito. Kung palagiang bukas ang komunikasyon at buhay ang pagtitiwala sa lahat ng pagkakataon mas magiging madali para sa isang pamilya ang isabuhay ang paggalang sa bawat isa.

Madalas na nagiging suliranin sa loob ng pamilya sa pagitan ng magulang at ng anak ay ang kakulangan sa komunikasyon. Halimbawa, Madalas na iniisip ng mga bata ang hindi patas na pagtingin ng mga magulang. Marahil, nagkakaroon ng paghahambing sa pamamaraan ng pagdisiplina ng mga magulang ng kanilang mga kaibigan o kamag-aral o maging sa iba pang mga kapatid. Sa halip na ito ay iparating sa kanyang mga magulang ay nagkikimkim ng sama ng loob sa kanyang dibdib na sa paglipas ng panahon ay lumalalim at nagiging galit. Hindi nauunawaan ang panig ng kanyang sariling mga magulang dahil hindi naman ito nabigyan ng pagkakataon upang ipaliwanag ang kanilang panig. May mga sitwasyon kasi na kaya ganito kahigpit ang mga magulang ay dahil ayaw nilang mangyari sa kanilang mga anak ang mga pagkakamaling kanilang nagawa noong sila ay mga bata pa.

Kung ang ganitong sitwasyon ay madadaan sa maayos na usapan sa pagitan ng magulang at mga anak, hindi magkakaroon ng puwang ang pagkawala ng paggalang sa isat’ isa. Huwag hayaang mawala ang sigla at liwanag sa loob ng tahanan dahil lamang sa hindi pagkakaunawaan. Kung nais mong ikaw ay igalang matuto ka ring ibigay ito at huwag ipagkait sa sarili mong mga magulang.

PAGGALANG SA NAKATATANDA
Sinoman na nakatatanda sa iyo ay kailangang igalang. Isa ito sa napakagandang bahagi ng kultura ng mga Pilipino. Ang lahat ng bata sa simula pa lamang ay tinuturuan na na gumamit ng po at opo sa kanilang pakikipag-usap sa sinomang nakatatanda. Ito ay ginagawa hindi lamang sa mga
kapamilya kundi sa lahat ng tao. Ang pagmamano ay isa ring katangi-tangi kaugaliang Pilipino na nararapat na manatiling buhay hanggang sa kasalukuyan. Ang gawaing ito ay isang palatandaan ng pagkilala sa kanila bilang mahalagang bahagi ng iyong buhay at ng lipunan.

Lalo’t higit na nangangailangan ng iyong paggalang ang mga matatanda. Ano na nga ba ang kalagayan ng matatanda sa ating lipunan?
Nakalulungkot na sa kasalukuyan ang silbi ng tao sa lipunan ay nakabatay na lamang yata sa magiging kontribusyon niya sa pagpapa-unlad ng kalagayan ng ekonomiya. Kapag tumatanda na at wala nang kakayahang maghanap-buhay at kumita para sa kanyang pamilya, lumalamlam na ang
paggalang sa kanila. Kapag may matanda sa daan para bang hindi man lang sila paglalaanan ng pangalawang tingin ng mga taong nagdaraan. Sa pagsakay sa jeep, nilalagpasan na lamang, ang katwiran, sagabal dahil mabagal kumilos, ang mga tao tuloy natatakot nang tumanda.

Tama ba na ganito ang maging damdamin ng tao sa pagtanda? May hangganan ba ang pagbibigay ng paggalang?

PAGGALANG SA NASA KAPANGYARIHAN
Walang lipunan ang maaaring mabuhay o umiral kung walang awtoridad. Ang lahat ng tao ay napasasailalim sa mga taong nasa kapangyarihan. Kahit pa ang pinakamataas na tao sa lipunan ay nasa ilalim ng isang makapangyarihan. Ngunit may mga pagkakataong nakalilimutan na yata ng tao ang paggalang sa mga nasa kapangyarihan. Madalas lalo na sa edad mo ngayon, ayaw mo na mayroong tao na magdidikta sa iyo kung ano ang iyong nararapat na gawin at kung paano gagawin ang mga bagay-bagay. Sa iyong palagay ay sapat na ang iyong nalalaman upang makapagpasya ka para sa iyong sarili. O kung minsan ang pinaniniwalaan mo lamang ay yaong mga taong nagbibigay ng mga pagpapasyang naaayon sa iyong kagustuhan.

Hindi ganito ang nararapat na maging paniniwala. Maraming mga tao ang inatasan ng Diyos at binigyan ng kapangyarihan upang ikaw ay gabayan. Inaasahan Niya na ibibigay mo ang iyong paggalang at pagsunod sa kanila. Hindi naman ito nangangahulugan na kinakailangan mong sundin ang lahat ng kanilang mga iniuutos o itinatagubilin at makiayon sa lahat ng kanilang mga pagpapasya. Pero ito ay nangangahulugan na kailangan mong ipakita ang iyong paggalang lalo na sa kanilang posisyon at karugtong nito ang taong may hawak ng posisyon na ito. Kailangan mong tanggapin na ang sinomang tao na may kapangyarihan ay may kakayahang mag-utos at magdikta at may karapatang humingi ng paggalang mula sa mga tao sa ilalim ng kanyang kapangyarihan. Ang pagsunod sa kanila ay nararapat na dahil sa paggalang at hindi sa takot o pagbibigay lamang.

Ngunit sa paglipas ng panahon, marami na ang nababago, lalo na sa pananaw at paniniwala ng mga tao. Sa kasalukuyan ang mga tao ay labis ang paglaban para sa kanilang kalayaan upang ipahayag ang kanilang damdamin. Kung minsan ay nawawalan na ng konsiderasyon sa damdamin ng taong tatanggap nito.
Sa mga nagdaang panahon, nakikita natin ang mga taong tahasan ang binibigay na pagpuna sa mga pinuno ng pamahalaan, sa sistema ng pamahalaan, sa kalagayan ng bansa at kahit ano pa na hindi naaayon sa kanilang sariling paniniwala. Kung minsan, nakalulungkot isipin na lumalagpas na sila sa nararapat at nawawala ang konsiderasyon sa paggalang sa kanila bilang isang taong may damdamin at anak ng Diyos.

Hindi naman sinasabi na mali ang ipahayag ang damdamin ngunit ang mahalaga, sa pagsasagawa nito lagi pa ring may pagsasaalang-alang sa kanilang pagkatao bilang tao.

Paano nga ba lubos na maipakikita ang paggalang sa mga nasa kapangyarihan?
Narito ang ilan sa mga pamamaraan (Wolff)
1. Magbasa at pag-aralan ang tunay na tagubilin ng Diyos sa paggalang sa nasa kapangyarihan.
 Pinagkatiwalaan ng Diyos ang mga taong nasa kapangyarihan dahil alam ng Diyos ang kanilang mga kakayahan at ang malaki nilang magiging kontribusyon sa iyo at sa lipunan. Kung uunawain mo ang mga bagay na ito, mas magiging maluwag sa iyo na tanggapin na karapat-dapat sila sa iyong lubos na paggalang.

2. Lagi mong ipagdasal ang lahat ng tao na may kapangyarihan sa iyo.
Sila ay tao rin na katulad mo. Ang pagkakaiba lamang ay may nakaatas sa kanilang balikat na mga tungkulin na napakahalaga upang ikaw ay gabayan tungo sa iyong paglago. Katulad mo, mas kailangan nila ng gabay mula sa Diyos upang maisakatuparan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin at upang kanilang maunawaan ang napakahalaga at napakakritikal nilang tungkulin sa paghubog ng iyong kabuuan.

3. Maging isang buhay na halimbawa sa mga tao sa iyong paligid.
 Ipakita mo sa lahat kung paano ang tamang paggalang sa mga nasa kapangyarihan.
Huwag mong ipakita sa iyong mga kamag-aral ang pakikipagtalo sa iyong mga guro, ang pagsuway sa mga panuntunan ng paaralan, ang pagsasalita ng masama laban sa guwardiya ng paaralan at marami pang iba. Lagi mong tatandaan na maliit lamang ang pagitan ng pagbibigay ng puna at kritisismo sa kawalan ng paggalang. Ang pagsasabi ng iyong puna o kritisismo ay maaaring maisagawa na hindi nawawala ang paggalang. Kailangang siguraduhin na masabi ito sa maayos na pamamaraan, na laging isinasaisip ang magiging damdamin ng taong tatanggap nito.

4. Alamin at unawain sa una pa lamang na hindi lahat ng pagpapasya ay magiging kaaya-aya para sa iyo upang ito ay iyong sundin.
Hindi perpekto ang lahat ng taong nasa kapangyarihan. May kapasidad silang magkamali paminsan-minsan. May mga pagkakataon na talagang magkakabanggaan ang inyong mga prinsipyo at hindi magiging kapaki-pakinabang at katanggap-tanggap para sa iyo ang kanilang mga pagpapasya. At sa ganitong mga pagkakataon madalas na nakaliligtaan ang paggalang sa kanilang kapangyarihan at sa kanila bilang tao. Walang bagay na hindi madadaan sa maayos at mahinahon na usapan. Ang paraan ng pagbabahagi ng iyong reaksyon sa mga maling pagpapasya ay mahalagang laging bigyan ng tuon upang hindi masakripisyo ang paggalang sa isa’t isa.

Darating at darating ang panahon na ikaw naman ang bibigyan ng Diyos ng kapangyarihan sa ibang tao. Hindi mo rin nanaisin na hindi makuha ang paggalang mula sa mga tao na nasa ilalim ng iyong kapangyarihan. Hindi mo makakayang ibigay ang isang bagay na wala sa iyo. Kung kaya ngayon pa lamang simulan mo ng pag-aralang tumugon, sumunod at gumalang.

Ngunit paano nga ba natin maisasabuhay ang paggalang na ginagabayan ng katarungan at pagmamahal? Ang mga sumusunod ay mga mungkahi mula sa aklat ni Isaacs na Character Building:
1. Panatilihing buhay at nag-aalab ang pagkakaunawaan at pagtanggap sa pamilya at sa lipunan. Maraming mga maliliit na pamamaraan upang mapagtagumpayan ang layuning ito. Halimbawa, pakikinig nang mabuti habang may nagsasalitang ibang tao, pag-iwas sa mga hindi naman makatutulong na mga puna, pagiging maingat sa pananalita at kilos upang hindi makasakit ng damdamin ng kapwa. Gawin mo ang iyong kontribusyon upang maakit ang iba na ibalik din ito sa iyo.
2. Kilalanin na ang lahat ng tao ay may kakayahang umunlad. Lahat ng tao bata man o matanda ay may kapasidad na magkamali. Palatandaan lamang na ang tao ay hindi perpekto. Lahat ng tao ay mayroong mga kahinaan. Dahil dito ang lahat ng tao ay binigyan ng Diyos na pagkakataon na umunlad. Ang paghusga sa isang tao dahil sa kanyang mga pagkakamali ay nagpapahiwatig na hindi mo na binibigyan ng pagkakataon ang iyong kapwa na magbago at umunlad. Ikaw din ay nagkakamali, at hindi rin magiging kalugod-lugod sa iyo kung ikaw ay basta na lamang huhusgahan dahil dito. Marapat lamang na ang lahat ay bigyan ng pagkakataon upang itama ang kanyang mga pagkakamali. Mahalaga ang kakayahan na ito para sa ganap na pagsasabuhay ng paggalang.
3. Kumilos na ang palaging layunin ay ang makatulong sa kapwa.
Nilikha tayo ng Diyos bilang isang panlipunang nilalang. Pahiwatig ito na kailangan natin
ang isa’t isa upang mahanap ang kaganapan ng pagkatao. Sa ating pagkilos, kailangan na ang ating layunin ay nakatuon sa pagtulong sa ating kapwa. Nakalulugod isipin na ikaw ay kabahagi ng ibang tao sa paghahanap ng bahagi ng kanyang sarili. Hindi mo dapat tinitingnan ang iyong kapwa bilang balakid sa iyong paglago. Nariyan sila dahil may bahagi silang gagampanan sa iyong buhay at nariyan ka dahil may bahagi kang gagampanan sa kanilang buhay.
4. Gawin lamang ang anomang kilos na hindi makasasakit ng kapwa.
Lahat ng tao ay may damdamin na nasasaktan. Sabi nga nila mas medaling maghilom ang sakit na dulot sa katawan kaysa sa damdamin. Kung kaya bilang isang kabataan kailangang laging isaalang-alang sa bawat pananalita at kilos ang pagiging maingat upang hindi makasakit ng kapwa. Minsan, dahil sa kakulangan sa pag-iingat, hindi na tayo nagiging sensitibo sa damdamin ng ating kapwa.

Halimbawa, sa silid-aralan lalo na sa mga oras na wala ang guro, may mga mag-aaral na sasamantalahin ang pagkakataon upang makuha ang atensyon ng marami. Ang kanyang intensyon ay ang makapagpasaya ngunit ang kanyang pamamaraan ay ang gawing tampulan ng tawanan ang kahinaan ng isang kamag-aral. Maaaring nakapagpapasaya ito ng marami ngunit ito ay labis na kawalang paggalang sa isang taong labis na nasasaktan. Hindi ito makatarungan, ito ay tunay na dapat ikondena. Ngunit minsan din naman may mga pagkakataon na maganda ang ating layunin sa ating kapwa ngunit hindi natin alam na makasasakit pa rin ito. Halimbawa, Nabalitaan mo na ang isa mong kamag-aral ay may tubercolosis. Naawa ka sa kanya at nais mo siyang tulungan. Naisip mong magpunta sa lahat ng silid-aralan upang sabihin ang kalagayan ng iyong kamag-aral, na ang layunin ay makakalap ng tulong pinansyal mula sa mga ito. Ngunit ang naging bunga nito ay iniiwasan na siya ng maraming mga mag-aaral dahil nalaman ng mga ito ang kanyang karamdaman. Marahil ay makararamdam ka ng pagsisisi dahil sa iyong ginawa ngunit alam mo naman na wala kang anomang masamang intensyon. Marahil, nakaligtaan mo lamang na isipin nang mabuti ang maaaring maging kahihinatnan ng iyong pagtulong. Sa ating mga pananalita at pagkilos, kailangang laging isaalang-alang ang prudensya upang matiyak natin na hindi tayo makasasakit ng ating kapwa.
5. Unawain na ang lahat ng tao ay magkakaiba kung kaya nagkakaroon din ng pagkakaiba sa paraan ng pagpapakita sa kanila ng paggalang.
 Iba ang paraan ng paggalang na iyong ibinibigay sa iyong mga magulang kaysa sa iyong mga guro. Iba para sa nakatatanda at iba rin para sa mga taong nasa kapangyarihan.
Halimbawa, maaaring sapat na para sa isang guro ang batiin mo siya ng magandang umaga sa tuwing makakasalubong mo siya at ang ibigay mo sa kanya ang iyong buong atensyon sa oras ng kanyang klase.
Hindi lamang ganito ang paraan ng pagpapakita mo ng paggalang sa iyong mga magulang, kailangan mong sundin ang kanilang mga paala-ala at utos, igalang ang kanilang mga pasya, mahalin sila ng walang kondisyon at marami pang iba. Kailangang maging mulat ka sa iba’t ibang mga pamamaraang ito upang hindi ito magdulot ng suliranin sa hinaharap.
6. Bago mag-alay ng tulong sa kahit na sinoman, siguraduhin na ganap na nauunawaan kung ano ang kanilang tunay na kalagayan.
Mulat ka ba sa tunay na pangangailangan ng taong nais mong tulungan? Kailangan mong alaming mabuti ang kanilang tunay na sitwasyon o kalagayan bago mo isagawa ang pagtulong sa kanila. Ito ay upang masiguro mo na tama at tunay na makatutulong sa kanya ang anomang iyong ibibigay.

Ang isang pulubi sa lansangan halimbawa ay hindi nararapat na bigyan ng pera bilang limos. May mga sitwasyon kasi na hindi nila ito ginagamit upang ipambili ng pagkain bagkus upang ipambili ng rugby o kaya naman ay upang ibigay sa kanyang mga magulang upang gamitin sa pagsusugal. Sa ganitong pamamaraan, hindi natin tunay na natulungan ang bata, mas naakay pa siya sa kasamaan.
7. Ibigay sa sinoman ang paggalang na nararapat lamang para sa kanya.
Ang paggalang ay walang pinipiling tao, lugar, oras o pagkakataon. Lahat ng tao ay anak ng Diyos na karapat-dapat sa paggalang ng sinoman. Maaaring magkakaiba ang pamamaraan ng pagpapakita ng paggalang sa kapwa, nakabatay sa kanyang posisyon sa lipunan ngunit mula sa pinakamataas hanggang sa pinakapayak na tao sa lipunan marapat sila sa iyong paggalang.
8. Sa pakikipag-usap sa ibang tao, iwasan ang paglalahat sa paghuhusga sa tao, walang pagsasaalang-alang na kritisismo at anomang uri ng diskriminasyon.
 Madalas kapansin-pansin ang kawalan ng paggalang sa kapwa sa paraan ng pakikipag-usap sa mga ito. Masyado tayong mabilis na magbitaw ng mga salita. Hindi na natin naipagsasaalang-alang ang damdamin ng ating kausap; humuhusga tayo sa ating kapwa nang hindi natin ganap kakilala, nagbibigay tayo ng ating puna na hindi naman kailangan at hindi naman nakatutulong, minamaliit natin ang ating kapwa dahil lamang sa katayuan niya sa buhay. Nakalulugod ang isang taong mas pinipiling manahimik kaysa sa magbitaw ng masamang salita sa kanyang kapwa.
9. Isipin kung paano maibibigay ang pinakamahusay na paglilingkod sa kapwa na may pagsasaalang-alang na walang iisang tuntunin na maaaring sundin na aangkop para kanino man.
Hindi tayo dapat na masiyahan sa “pwede na”. Madalas, kapag nagbibigay tayo sa ating kapwa tinitingan lang natin ito bilang isang obligasyon na kailangang isakatuparan. Ang pagtulong na hindi nilakipan ng pagmamahal ay walang kabuluhan. Kailangang siguraduhin na ang pinakamahusay ang laging ibigay para sa kapwa. Ngunit kailangan ding bigyan ng tuon ang pagkakaiba-iba ng bawat tao. Kailangang bigyan ng paggalang ang kanilang indibidwalidad. Kailangang bigyan din ito ng konsiderasyon dahil may mga pagkakataon na ang sapat para sa isa ay maaring hindi sapat para sa iba.

Gawin mo sa iyong kapwa ang nais mong gawin sa iyo. Mahalaga ang kawikaang ito upang ipaunawa sa bawat isa na ang paggalang ay nararapat na nagmumula sa iyo. Hindi ito hinihingi bilang limos at hindi ito nabibili ng anomang halaga. Ito ay makukuha lamang kung ikaw ay karapat-dapat, kung ikaw ay marunong ding gumalang sa iyong kapwa. Walang pinakamagandang regalong makukuha mula sa ibang tao kundi ang kanilang taos-pusong paggalang.
Nakahanda ka na bang makatanggap ng regalong ito?

Note: Ang Leksyong ito sa EP II ay hango sa 2010 Secondary Education Curriculum;
           Gabay sa Pagtuturo sa Edukasyon sa Pagpapahalaga II ph.136-145.

Wednesday, January 9, 2013

Bangui Windmill


Bangui, Ilocos Sur
         Isang lugar na paboritong pasyalan ng mga gustong magliwaliw sa kailokohan. Ang ibang larawang kuha ay sadyang hindi ko na ipinakita upang sa pagpunta mo ikaw'y masorpresa sa mga tanawin dito. Ang mga kubo sa gilid na iyong nakikita ay mga bilihan ng iba't-ibang souvenir. Sana ay mag-enjoy ka sa iyong pagbisita sa lugar...mas mabuti kung isama mo na rin ang buong pamilya...

Ang Dagat...

Sunday, January 6, 2013

Kompetisyon



Sayawit


Sa bawat kompetisyon, “may nananalo at may natatalo.”

Kung ikaw’y nanalo, karaniwan nang maririnig mo ang katagang  “congratulations.”

At kung natalo, “better luck next time.”

Kadalasan, kapag ang isang tao’y nagtagumpay sa isang larangan, iba-iba ang reaksyong ating nakikita. May nagsasaya, nagmamalaki at nagiging mapagmataas sa karangalang kanyang nakuha. 

At ang iba nama’y mapagpakumbaba… Parang  wala lang sa iba…

Sa isang banda, ang mga talunan ay karaniwang di-maipinta ang mukha, malungkot, ang iba’y galit at hindi matanggap ang pagiging loser. Iniisip na nadaya. ang iba’y okay lang..marami pang araw.

Hindi na importante kung ikaw ang panalo o ikaw ang talo. Tapos na ang kompetisyon. Isang araw o ilang minuto lang nangyari iyon. 

Ang mahalaga ngayon ay kung paano mo hinaharap ang kalagayang natamo mo.
Paano mo tinatanggap ang pagkatalo?
Paano mo dinadala ang pagkapanalo?

Ang karangalan ay dapat na ipagpasalamat at maging inspirasyon sa lahat upang lalong magpursige sa buhay.

Ang pagkatalo ay dapat ding ipagpasalamat sapagkat ito’y nagsisilbing pagsubok upang lalo tayong maging matatag sa buhay.

Kailangang maranasan ang dalawang kalagayang ito upang matuto tayong harapin ang iba’t-ibang bahagi ng buhay. Ang tunay na kalakaran ng buhay…Ito’y isang kompetisyon.

Sa mga nanalo sa Sayawit sa ginanap na kompetisyon noong nakaraang Nobyembre 16 sa SM City Rosales Event Center… congratulations and mabuhay!

Friday, November 30, 2012

EsP II Yunit III Aralin 1

Pasasalamat

PASASALAMAT SA GINAWANG KABUTIHAN NG KAPWA
Ang pagpapasalamat, madaling sabihin pero bakit parang sa ilan napakahirap itong bitawan. May mga pagkakataon marahil na may nakaharap ka na isang bata o mas nakatatanda sa iyo na hindi mo ikinatuwa dahil sa kabila ng kahit maliit lamang na bagay na nagawa mo para sa kanya ay hindi manlamang nagpakita ng damdamin ng pasasalamat. Parang wala lang… Nakalulungkot di ba? Minsan nga nakakaiinis. At sinabi mo sa sarili mo na kahit na kailan hindi mo na siya tutulungan ulit.
Ano nga ba ang kahalagahan ng pagpapasalamat? Bakit nga ba marami nang tao sa ngayon, lalo na mga kabataan, ang nakalilimutan na yata ang magpasalamat? Tama bang pangangatwiran na hindi ka na tumulong dahil hindi ka napasalamatan? Bago natin sagutin ang mga tanong na ito, linawin muna natin kung ano nga ba ang kahulugan ng pasasalamat.

Ang salitang pasasalamat na sa salitang Ingles ay “gratitude” ay ngangahulugang damdamin ng pasasalamat at katuwaan bilang tugon sa pagtanggap ng isang regalo o kaloob – karapat-dapat man ito o hindi para sa iyo, materyal man o simpleng kabutihan mula sa iyong kapwa. Ang pasasalamat ay isang pagpapasya. Ito ay laging nariyan, hindi nawawala o hindi namamatay, ngunit ang tao pa rin ang mamimili kung lagi itong isasama bilang bahagi ng kanyang buhay.

Paano nga ba taglayin ang damdamin ng pasasalamat? 
Mahalagang simulan ito sa ating sarili. Minsan kasi masyado tayong sensitibo sa paghahangad ng pasasalamat mula sa iba ngunit hindi tayo sensitibo sa pagbibigay ng pasasalamat sa ating kapwa. Tandaan mo na hindi mo kayang
ibigay ang anomang wala sa iyo. Kung kaya sa araling ito sisimulan natin ang pagtuturo sa ating sarili na maging mapagpasalamat. Ang asal at kilos ng  isang tao ay naiimpluwensyahan ng kanyang pansariling mga pananaw. Sumusunod ang ating kilos batay sa takbo ng ating isip. Kung mulat ang ating mga mata at isipan sa dami ng mga magagandang bagay na mayroon tayo sa araw-araw: pagkain sa mesa, damit na maisusuot, pamilya, kaibigan, kalusugan at edukasyon, saka pa lamang natin mapahahalagahan ang pagiging mapagpasalamat.

Kaya lang kung minsan, marami tayong hinahangad, masyadong malayo ang ating paningin kung kaya nalalampasan natin ang mga tao at bagay na malapit sa atin. Sa ganitong mga pagkakataon,
nakaliligtaan natin ang magpasalamat. Huwag mo sanang kalilimutan na ang tunay na kasiyahan at kaligayahan ay hindi nakabatay sa yaman o kasikatan. Kasi kung ang mga ito ang nakapagpapaligaya sa tao, bakit maraming milyonaryo at mga artista ang nagpapakamatay, nalululong sa droga at nasisira ang pamilya? Nabubulag ang maraming tao sa kinang ng salapi at nalulunod sa ibinibigay na paghanga kung kaya nakalilimutan nilang pahalagahan ang maliliit ngunit makabuluhang bagay sa kanilang paligid. Hindi natin maitutuon ang ating pansin sa halaga ng pagiging mapagpasalamat kung ang ating isip at puso ay puno ng mga paghahangad at kagustuhan. Kailangan natin maging masaya sa kung ano ang mayroon tayo ngayon upang magkaroon tayo ng pagkakataon na makita ang tunay na ganda ng buhay. Ang lahat ay dito nagsisimula. Dito nakasalalay kung paano rin tayo magiging mapagpasalamat sa anomang bagay na ginagawa sa atin ng ating kapwa.

Isa ka ba sa mga bulag sa ganda ng buhay? Hindi ba maganda ang iyong pananaw sa mundo kung kaya hindi rin maganda ang pananaw mo sa mga tao sa iyong paligid? Kailangang mabago ito, kung ang iyong nais ay tunay na maging makabuluhan ang iyong buhay. 

Narito ang ilang mga mungkahi upang mabago ang ating pananaw at asal gamit ang pasasalamat (gratitude).

1. Gamitin mo ito upang hindi mabigyang-puwang ang anomang negatibong damdamin. Minsan, hindi maganda ang gising mo sa umaga, parang wala kang gana kumilos, mag-isip at makihalubilo. Upang mawala ang damdaming ito, mag-isip ka ng kahit isang bagay lang na dapat mong ipagpasalamat. Ang simpleng magising ka pa para sa isa na namang araw ay napakalaking biyaya na dapat ipagpasalamat. Dito mo madalas na ituon ang iyong pansin sa buong araw, lalo na kung bumabalik na naman ang damdamin ng pagkabagot at kawalang-gana. Hayaan mong burahin ng pagpapasalamat ang anomang hindi magandang damdamin. Ikaw lamang ang makagagawa nito, ikaw ang magdidikta sa iyong isip ng kung ano ang iyong iisipin.

2. Simulan mong magpasalamat sa lahat ng tao na iyong nakasasalamuha sa bawat araw. Mayroon ka bang kaklase na sa iyong palagay ay sinusubok ang iyong pasensya sa madalas na pagkakataon? Kapag may ganito kang damdamin, mag-isip ka ng anomang bagay na taglay ng taong ito na karapat-dapat mong ipagpasalamat. Lagi mong ipaalala sa iyong sarili na ang lahat ng tao ay mayroong positibo at negatibong katangian. Lagi mong ituon ang iyong pansin sa mga positibong katangian ng iyong kapwa at mapapansin mong mababago nito ang iyong paraan ng pakikitungo sa kanila.

3. Sa tulong ng pagiging mapagpasalamat mas matutuon ang iyong pansin sa mga mabubuting bagay sa iyong paligid. May mga pagkakataon ba na tinatalo ng negatibong pag-iisip ang iyong tiwala? Kahit pa naglaan ka ng sapat na panahon sa pag-eensayo, kapag nakita mo ang iyong mga makakalaban sa paligsahan, natatakot ka na matalo. Hindi ito magandang palatandaan. Sa halip dapat mong isipin na, “ginagawa ko ang lahat upang ako ay maging mahusay. Ang lahat ng aking sakripisyo ay magbubunga. Ako ay labis na nagpapasalamat sa ganitong talentong ibinigay sa akin ng Diyos. Sa tulong ng ganitong pag-iisip matutuon lamang ang iyong pansin sa pag-iisip na magandang pagkakataon ito upang ibahagi sa iba ang iyong talento na biyaya ng Diyos. Mawawala ang pag-aalinlangan. Mapapawi ang takot. Sa ganitong proseso, magiging malaking bahagi ng iyong pang-araw-araw na buhay ang pagpapasalamat. Tandaan mo na ito ay pinipili, ikaw lamang ang magpapasya kung talagang nais mong maging ganito ang takbo ng iyong buhay. Lagi mong isaisip at isapuso ang dalawang mahalagang  bagay kung iyong mapagpasyahang simulan na gawing bahagi ito ng iyong buhay.

Una, ilagay mo sa gitna ng iyong buhay ang pagiging mapagpasalamat at pangalawa, hanapin mo ang kahit pinakamaliit na bagay na dapat mong ipagpasalamat sa iyong pag-iral, lahat ng iyong karanasan at pakikipagugnayan. Ngunit kung minsan siguro naiisip mo, paano ako magpapasalamat kung ang lahat na yata ng nangyayari sa buhay ko ay hindi naaayon sa gusto ko? Paano kung parang mali yata ang maraming aspeto sa aking buhay?

Ayon kay Terrance McConnel, ang pinakamahalagang bagay na nararapat mong gawin ay ang tanggapin ang pananagutan sa kung anoman ang nangyayari sa iyong buhay. Ikaw lang naman talaga ang nagpapatakbo ng iyong buhay. Hindi tama na iasa mo na lamang lahat sa ibang tao ang mga pagpapasya mo sa buhay at ang isisi mo sa ibang tao ang iyong mga pagkakamali. Anoman ang mali sa buhay mo ngayon ay bunga ng mga pagkakamali mo sa nakaraan. Ito ay bunga ng hindi mo pagiging maingat sa iyong mga pagpapasya at kilos. Kung ikaw ang dahilan sa anomang bagay na nangyayari sa iyo sa kasalukuyan, ikaw din ang maaaring makapag-ayos nito. Ang kailangan lamang ay tanggapin mo ito

Ang bawat pangyayari o karanasan sa iyong buhay ay parang isang “guidepost” na nagsasabi sa iyo kung ikaw ba ay nasa tamang landasin patungo sa iyong mithiin. Ito rin ang nagsasabi sa iyo kung mayroong kailangang mabago sa iyong mga pananaw upang iwasan na ang makagawa pa ng isa pang pagkakamali. Mahalagang kilalanin at ipakita mo ang pagpapasalamat dahil ang lahat ng nangyayari sa iyong buhay ay isang milagro, ito ay isang likha na walang ibang gumawa kundi ikaw lamang.


Bahagi na ng ating pagkabata ang pagtuturo sa atin ng ating mga magulang na maging mapagpasalamat sa mga ginagawang mabuti sa atin ng ating kapwa. Kung kaya mabilis para sa atin ang magsabi ng SALAMAT dahil ito ay bahagi ng turo sa atin ng kagandang-asal. Ang ating kakayahang magpasalamat kahit na sa napakaliit na bagay na nagawa para sa atin ng ating kapwa ay palatandaan tayo ay nahubog ng ating mga magulang na taglay ang pagpapahalaga.

Mahalagang ibalik natin ang nararapat para sa taong nagbigay ng tulong sa atin; makasarili ang taong ipagsasawalang-bahala ang tulong na ibinibigay ng kapwa. Ang ating mga magulang halimbawa, alam natin na ang kanilang ginagawa para sa atin ay hindi naghihintay ng anomang kapalit o kabayaran. Taos sa kanilang puso ang tayo ay paglingkuran bilang kanilang anak. Ngunit hindi ito nangangahulugan na sila ay hindi na pasasalamatan. Mas nararapat  na sila ay pasalamatan dahil sa kanilang pagmamahal at pag-aaruga sa atin hanggang sa ating paglaki.

Makatataba ng kanilang puso ang makitang sinusuklian mo ang kanilang pagmamahal at pag-aaruga. Narito ang ilan sa mga makabuluhang paraan kung paano mo maipakikita ang iyong pasasalamat sa loob ng tahanan: (International Association of Character Cities, 2000)
_ Paggawa ng mga gawain sa tahanan nang kusa o kahit hindi inuutusan. Ito ay makababawas sa gawain ng iyong mga magulang. Ang panahong gugugulin nila para rito ay maaari nang ilaan para sa iba pang gawain o sa pagpapahinga. Tandaan lamang na ito ay dapat na ginagawa nang may pagmamahal at pananagutan
_ Pagsasabi sa mga magulang at kapamilya ng pagkalugod dahil naging bahagi sila ng iyong buhay. Sa paraang ito, maipadarama mo sa kanila na hindi ka magiging buo kung wala sila sa iyong buhay
_ Pagsasabi ng salitang “salamat” sa bawat masarap na pagkain na kanilang niluto, sa mga damit na kanilang nilabahan, sa regalong iyongAng bawat pangyayari o karanasan sa iyong buhay ay parang isang “guidepost” na nagsasabi sa iyo kung ikaw ba ay nasa tamang landasin patungo sa iyong mithiin. Ito rin ang nagsasabi sa iyo kung mayroong kailangang mabago sa iyong mga pananaw upang iwasan na ang makagawa pa ng  isa pang pagkakamali.

Ang pagpapasalamat ay isang moral na obligasyon. Ang sinomang nagbibigay ay nararapat lamang na pasalamatan. Kailangan nating ibalik sa ating kapwa ang nararapat lamang para sa kanya. Hindi ito namimili, hindi nakabatay sa kalagayan sa buhay o sa estado sa lipunan. Asahan mo na ang
lahat ng ito ay babalik sa iyo. Sabi nga ni McConnel ang pagpapasalamat ay parang isang malaking magnet na mag-aanyaya pa ng maraming biyaya na iyong ipagpapasalamat. Ikaw, nakahanda ka na bang tumanggap ng maraming mga biyaya mula sa pasasalamat?

Note: Ang artikulong ito ay hango sa Gabay sa Pagtuturo ng Edukasyon sa Pagpapahalaga II /UBD ; 2010 SEC.


Homework


Salamat po. Thank you. Agyamanak.


SSC
          Gumawa ng isang talata na naglalaman ng mga panalangin sa Diyos at nakatuon sa pagpapasalamat sa lahat ng biyayang natanggap, materyal man o di-materyal. Ito ay maaaring naglalaman din ng mga pangakong patuloy na ipagpapasalamat ang lahat ng kabutihang natanggap sa bawat araw.

Good luck.