Wednesday, December 17, 2014

Pasko

"Jesus is the reason of the season! Happy birthday Jesus! We love You!


Ang pagdating ng pasko ay panahon ng pagsasaya sa maraming Pilipino. Dito na sa Pilipinas ang pinakamahabang pagdiriwang, sa pakiwari ko.
 Ang mga magulang ay abala sa pagbili ng mga aginaldo para sa mga anak, kamag-anak at lalo sa mga inaanak.
Magagandang damit , at siyempre ay ang di mawawalang mga pagkain para sa noche buena at bagong taon.
Pinagkakaabalahan din ang iba't-ibang palamuti sa loob ng bahay. Ang kalinisan ng tahanan ay pinananatili kaipala'y anumang oras ay may mga bisitang darating mula sa kung saan.  Idagdag pa rito ang paghahanda sa mga taunang reunion ng pamilya, at mga magkakaklase noong mga nakaraan.

 Kaliwa't kanan na paggastos...kung may panggastos..sabi ng iba. Sa iba naman ay sukdulang mangutang para may ipanghanda. Kaliwa't kanan din ang kontribusyon dito at doon. Mall dito... at doon. Pasyal...bakasyon. Naku...nakakapagod kung iisipin mo.
 Kulang pa ang dalawang linggong bakasyon para magawa lahat ang mga gawain sa Christmas season.

Ngunit hindi ninyo ba napuna kung ano ang kulang sa itaas...sa lahat ng nabanggit ko sa itaas na pinagkakabalahan ng tao tuwing pasko...wala ang esentiya kung bakit nagdiriwang tayo.

Nakakalungkot dahil tila ilan lang ang nakakaalala sa dahilan ng ating pagdiriwang. Ang iba ay pinipiling mag-videoke na lang kaysa magsimba sa gabi. Umattend sa reunion kaysa pumunta sa simbahan. Magbigay ng regalo sa inaanak kaysa abuloy sa simbahan.
Hindi naman masama ang mag-videoke, maki-reunion, magbigay ng regalo, mamili, kumain ng masarap. Sana lang ay huwag makalimutan ang tunay na diwa ng pasko. Pagsisimba...pag-aalala sa kapanganakan ng Panginoong Hesus at pagbabahagi ng mga biyayang natanggap para sa iba.

Tuesday, December 9, 2014

Modyul 9 Katarungang Panlipunan

Kung kawalang katarungan ang pagpatay, ang buhay ay katarungan.
Kung kawalang katarungan ang pang-aagaw ng lupa, katarungan ang gumalang sa pagmamay-ari.
Kung kawalang katarungan ang pang-aapi, katarungan ang pagkalinga at paggalang sa dignidad ng tao.


Ang katarungan ay umiikot sa dalawang libel.
1. Pagkilala sa tao bilang tao- ito ay tungkol sa taong tumatayo bilang isang indibidwal na may sariling pagka-siya.
2. Pagkilala sa karapatan ng tao- ito ay tungkol sa ginagalawang ugnayan ng tao sa kapwa at lipunan.

Katarungan sa sarili- ito ang paglalagay sa ayos ng sarili. Ang wastong pagpili ang pinakapundamental na prinsipyo ng katarungan sa sarili.

Katarungang panlipunan- ay ang pag-iingat sa sarili ng komunidad upang makagawa, makabuo at makalikha.

Katarungan- ito ay dapat makita ng bawat isa na isang pagpapahalagang kailangang pagsikapang panatilihin sa bawat sandali.

Upang makamit ang Katarungang Panlipunan, kailangan ang,___.
1. Batas- upang maingatan ang mga karapatan ng tao.
2. Pamahalaan- upang masiguro ang patas na pagbabahagi ng yaman ng bansa.
3. Pulis/Awtoridad- upang magbantay sa kalayaan ng tao.

Halimbawa ng Katarungan:
1. Tumawid sa tamang tawiran
2. Maging malinis sa itinitindang pagkain.
3.Magbayad ng buwis.
4. Pagsunod sa batas trapiko.
5. Maging tapat sa pagsusulit.
6.Aminin sa sarili ang totoo.

Pagsusulit:
1. Saan mo nakikita sa iyong paligid ang katarungan? Ipaliwanag.
2. Saan mo nasasaksihan ang kawalan ng katarungan? Ano ang ginagawa mo para mapuksa ito?

Sanggunian: Learners' Manual in Edukasyon sa Pagpapakatao Grade 9

Thursday, November 27, 2014

Dinggin mo , O Diyos

Aking panginoon
Buksan ang puso at isip,
Nang madamang higit
Ang pag-ibig mo.

Sa iyo'y lumalapit
Dinggin mo O Diyos, ang nais.
At mapawi ang pait
Ng paghihirap ko.

Panginoong Diyos,
Ako'y iyong pagpalain.
Ingatan mo,
Ako't patawarin.

Ang nais ko'y
Lagi kitang kapiling.
Laging makasama ka.
Laging mangunguna
Sa aking buhay.


eam/11-17-2014



Wednesday, November 19, 2014

Pilikmata

            Isang malugod na pagbati sa mga nanalo sa paligsahan ng Pag-awit at Pagsayaw sa nakaraang kompetisyon na ginanap sa Balungao National High School, Balungao, Pangasinan,  petsa 7 ng buwang kasalukuyan.
            Ang naturang selebrasyon ng Buwan ng mga Pagpapahalagang Filipino ay kinatatampukan ng Tagis Talino at Poster Making at ang nabanggit sa itaas. Sa 19 na kalahok sa Pag-awit/Pagsayaw, ang Mataas Na Paaralang Juan C. Laya , San Manuel ay maswerteng nakakuha ng pangalawa at pangatlong pwesto. Sa Tagis Talino naman ay masuwerteng nasungkit nito ang pangatlong pwesto. Muling magtutunggali ang mga nagwagi dito, sa pagkakataong ito ay kalahok na rin ang iba pang nanalo sa iba't-ibang klaster ng buong Dibisyon ng Pangasinan II, sa ika-21 ng Nobyembre 2014, gaganapin sa SM City Rosales, ang Division Level Competition.
             Muli ang malugod na pagbati at nawa'y muling makasungkit ng higit pang gantimpala!


Pilikmata

Paggawa (Esp 9 Modyul 7)

Paggawa-ito ay isang aktibidad ng tao. Maaari itong mano-mano, o nasa larangan ng ideya. Ito ay resulta ng pagkilos ng tao na may layuning makatugon sa pangangailangan ng kapwa.
               Ito ay gawain ng tao na nangangailangan ng orihinalidad, pagkukusa at pagkamalikhain; at ang produkto nito, materyal man o hindi ay magbubunga ng pagbabago sa anumang bagay.
               Ayon kay Pope John Paul II sa kanyang akda na Laborem Exercens..ang paggawa ay anumang gawain, pangkaisipan man ito o manwal, anuman ang kanyang kalikasan o kalagayan, makatao at nararapat para sa tao bilang anak ng Diyos.

Mga Layunin ng Paggawa
1. Ang tao ay gumagawa upang kitain ang pera na kailangan upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan.
2. Makapag-ambag sa patuloy na pag-angat at paglago ng agham at teknolohiya.
3. Maiangat ang kultura at moralidad ng lipunang kinabibilangan.
4. Pagtulong sa mga nangangailangan.
5.Ang paggawa ay nagbibigay ng dahilan sa pag-iral ng tao.


Wednesday, October 29, 2014

Batik

Ito ang isang katagang maaaring gamitin sa isang bagay, tao, pagkatao ng tao, o anumang espasyo na walang bahid, makinis na papel, muebles, mukha, balat o kahit ano, basta't naaangkop at wasto ang pagkakagamit at siguro'y depende na rin sa gumagamit.

Kung bakit ito ang salitang nais kong pagtuunan ng pansin ngayon...ay dahil na rin sa kasabihan sa English na "Don't judge the book by its cover" Ako naman ay naniniwala sa kasabihang ito, walang duda! Lagi ko ngang itinuturo sa mga estudyanteng mahilig mam-bully at kadalasang nagbibigay ng alyas sa mga kaklaseng nais paglaruan.

Ngunit sa isang banda...natutuhan ko rin kailan lang na ang kasabihang ito'y hindi sa lahat ng pagkakataon at pangyayari o sa tao mismo ay totoo ang mensahe. May mga pagkakataon na "Let us judge the book by its cover."

Nagkamali ako ng pagkakakilala sa isang kasama. Pinipilit ko ang aking sarili na maniwalang siya ay mabait, palakaibigan, palangiti, may mabuting kalooban at propesyonal pagdating sa trabaho. Sa kabila ng hitsura niya na walang kagandahan, hindi rin katangkaran, hindi rin naman mayaman  at tunay na wala namang ipagmamalaki ang panlabas na kaanyuan ay hindi ko siya hinusgahan kahit minsan.

Mahirap maghusga..masama ang manghusga sa kapwa...mas mahalagang tingnan ang panloob na anyo kaysa panlabas...oo na! Ngunit sa taong ito na aking nakikilala unti-unti sa pagdaan ng panahon, nababago na ang aking paniniwala...dahil kung gaano pala kalaki ang mga batik niya sa mukha, ganoon din kalalaki ang mga batik  na itinatago niya.
Ito ay isang pool na matatagpuan sa Balungao Hilltop Adventure, Balungao, Pangasinan...
Kung nais ay mag-relaks dahil sa init ng panahon, stress dahil sa dami ng gawain at magpahinga upang makaiwas
sa matinding polusyon....paboritong pasyalan ng mga Pangasinense.

Friday, September 26, 2014

Karapatan

Narito ang mga nakapaloob sa Pandaigdig na Pagpapahayag ng mga Karapatan ng Tao ng mga Nagkakaisang Bansa (Universal Declaration of Human Rights) :

Artikulo 1
Ang lahat ng tao'y isinilang na malaya at pantay-pantay sa karangalan at mga karapatan. Sila'y pinagkalooban ng katwiran at budhi at dapat magpalagayan ang isa't isa sa diwa ng pagkakapatiran.
Artikulo 2
Ang bawat tao'y karapat-dapat sa lahat ng karapatan at kalayaang nakalahad sa Pahayag na ito, nang walang ano mang uri ng pagtatangi, gaya ng lahi, kulay, kasarian, wika, relihiyon, kuro-kurong pampulitika o iba pa, pinagmulang bansa o lipunan, ari-arian, kapanganakan o iba pang katayuan.
Bukod dito, walang pagtatanging gagawin batay sa katayuang pampulitika, hurisdiksiyunal o pandaigdig na kalagayan ng bansa o teritoryong kinabibilangan ng isang tao, maging ito ay nagsasarili, itinitiwala, di-nakapamamahala sa sarili o nasa ilalim ng ano mang katakdaan ng soberanya.
Artikulo 3
Ang bawat tao'y may karapatan sa buhay, kalayaan at kapanatagan ng sarili.
Artikulo 4
Walang sino mang aalipinin o bubusabusin; ipagbabawal ang ano mang anyo ng pang-aalipin at ang pangangalakal ng alipin.
Artikulo 5
Walang sino mang pahihirapan o lalapatan ng malupit,di-makatao o nakalalait na pakikitungo at parusa.
Artikulo 6
Ang bawat tao'y may karapatang kilalanin saan mang dako bilang isang tao sa harap ng batas.
Artikulo 7
Ang lahat ay pantay-pantay sa harap ng batas at may karapatan sa walang pagtatangi ng pangangalaga ng batas. Ang lahat ay may karapatan sa pantay na pangangalaga laban sa ano mang pagtatangi-tanging nalalabag sa Pahayag na ito at laban sa ano mang pagbubuyo sa gayong pagtatangi-tangi.
Artikulo 8
Ang bawat tao'y may karapatan sa mabisang lunas ng karampatang mga hukumang pambansa tungkol sa mga gawang lumalabag sa pangunahing mga karapatan na ipinagkaloob sa kanya ng saligang batas o ng batas.
Artikulo 9
Walang sino mang ipaiilalim sa di-makatwirang pagdakip, pagpigil o pagpapatapon.
Artikulo 10
Ang bawat tao'y may karapatan sa ganap na pagkakapantay-pantay, sa isang makatarungan at hayag na paglilitis ng isang hukumang malaya at walang kinikilingan, sa pagpapasiya ng kanyang mga karapatan at panangutan at sa ano mang paratang na kriminal laban sa kanya.
Artikulo 11
1. Ang bawat taong pinararatangan ng pagkakasalang pinarurusahan ay may karapatang ituring na walang-sala hanggang di-napatutunayang nagkasala alinsunod sa batas sa isang hayag na paglilitis na ipinagkaroon niya ng lahat ng garantiyang kailangan sa kanyang pagtatanggol.
2. Walang taong ituturing na nagkasala ng pagkakasalang pinarurusahan dahil sa ano mang gawa o pagkukulang na hindi isang pagkakasalang pinarurusahan, sa ilalim ng batas pambansa o pandaigdig, noong panahong ginawa iyon. Hindi rin ipapataw ang parusang lalong mabigat kaysa nararapat nang panahong magawa ang pagkakasalang pinarurusahan.
Artikulo 12
Walang taong isasailalim sa di-makatwirang panghihimasok sa kanyang pananhimik, pamilya, tahanan o pakikipagsulatang ni sa tuligsa sa kanyang karangalan at mabuting pangalan. Ang bawat tao'y may karapatan sa pangangalaga ng batas laban sa gayong mga panghihimasok o tuligsa.
Artikulo 13
1. Ang bawat tao'y may karapatan sa kalayaan ng pagkilos at paninirahan sa loob ng mga hanggahan ng bawat estado.
2. Ang bawat tao'y may karapatang umalis sa alin mang bansa, pati na sa kanyang sarili, at bumalik sa kanyang bansa.
Artikulo 14
1. Ang bawat tao'y may karapatang humanap at magtamasa sa ibang bansa ng pagpapakupkop laban sa pag-uusig.
2. Ang karapatang ito'y hindi mahihingi sa mga pag-uusig na tunay na nagbubuhat sa mga pagkakasalang di-pampulitika o sa mga gawang nasasalungat sa mga layunin at simulain ng mga Bansang Nagkakaisa.
Artikulo 15
1. Ang bawat tao'y may karapatan sa isang pagkamamamayan.
2. Walang sino mang aalisan ng kanyang pagkamamamayan ng walang katwiran ni pagkakaitan ng karapatang magpalit ng kanyang pagkamamamayan.
Artikulo 16
1. Ang mga lalaki't babaeng may sapat na gulang ay may karapatang mag-asawa at magpamilya nang walang ano mang pagtatakda dahil sa lahi, bansang kinabibilangan o relihiyon. Nararapat sila sa pantay-pantay na karapatan sa pag-aasawa, sa panahong may asawa at pagpapawalang bisa nito.
2. Ang pag-aasawa'y papasukan lamang sa pamamagitan ng malaya at lubos na pagsang-ayon ng mga nagbabalak magkapangasawahan.
3. Ang pamilya ay likas at pangunahing pangkat sa sangay ng lipunan at karapat-dapat sa pangangalaga ng lipunan at ng Estado.
Artikulo 17
1. Ang bawat tao'y may karapatang mag-angkin ng ari-arian nang mag-isa gayon din na kasama ng iba.
2. Walang sino mang aalisan ng kanyang ari-arian nang walang katwiran.
Artikulo 18
Ang bawat tao'y may karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, budhi at relihiyon; kasama sa karapatang ito ang kalayaang magpalit ng kanyang relihiyon o paniniwala maging nag-iisa o kasama ang iba sa pamayanan upang ipakilala ang kanyang relihiyon o paniniwala sa pagtuturo, pagsasagawa,pagsamba at pagtalima.
Artikulo 19
Ang bawat tao'y may karapatan sa kalayaan ng pagkukuro at pagpapahayag; kasama ng karapatang ito ang kalayaan at kuru-kuro nang walang panghihimasok at humanap, tumanggap at magbigay ng impormasyon at kaisipan sa pamamagitan ng alin mang paraan ng pagkakalat at walang pagsasaalang-alang ng mga hanggahan.
Artikulo 20
1. Ang bawat tao'y may karapatan sa kalayaan sa mapayapang pagpupulong at pagsasamahan.
2. Walang sino mang pipiliting sumapi sa isang kapisanan.
Artikulo 21
1. Ang bawat tao'y may karapatang makilahok sa pamahalaan ng kanyang bansa, sa tuwiran o sa pamamagitan ng mga kinatawang malayang pinili.
2. Ang bawat tao'y may karapatan sa pantay na pagpasok sa paglilingkod pambayan ng kanyang bansa.
3. Ang kalooban ng bayan ang magiging saligan ng kapangyarihan ng pamahalaan; ang kaloobang ito'y ipahahayag sa tunay na mga halalan sa pana-panahon sa pamamagitan ng pangkalahatan at pantay-pantay na paghahalal at idaraos sa pamamagitan ng lihim na balota o sa katumbas na pamamaraan ng malayang pagboto.
Artikulo 22
Ang bawat tao, bilang kasapi ng lipunan, ay may karapatan sa kapanatagang panlipunan at nararapat na makinabang sa pamamagitan ng pambansang pagsisikap at pakikipagtulungang pandaigdig at alinsunod sa pagkakabuo at mga mapagkukunan ng bawat Estado, sa mga karapatang pangkabuhayan, panlipunan at pangkalinangan na lubhang kailangan para sa kanyang karangalan at sa malayang pagpapaunlad ng kanyang pagkatao.
Artikulo 23
1. Ang bawat tao'y may karapatan sa paggawa, sa malayang pagpili ng mapapasukang hanapbuhay, sa makatarungan at kanais-nais na mga kalagayan sa paggawa at sa pangangalaga laban sa kawalang mapapasukang hanap-buhay.
2. Ang bawat tao'y may karapatan sa kapantay na bayad ng kapantay na gawain, nang walang ano mang pagtatangi.
3. Ang bawat taong gumagawa ay may karapatan sa makatarungan at nababatay sa kabayarang tumitiyak sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya ng kabuhayang karapat-dapat sa karangalan ng isang tao, at pupunan, kung kailangan, ng iba pang paraan ng pangangalangang panlipunan.
4. Ang bawat tao'y may karapatang magtatag at umanib sa mga unyon ng manggagawa para sa pangangalaga ng kanyang mga kapakanan.
Artikulo 24
Ang bawat tao'y may karapatan sa pamamahinga at paglilibang, kasama ang mga makatwirang pagtatakda ng mga oras ng paggawa at may sahod sa mga pana-panahong pista opisyal.
Artikulo 25
1. Ang bawat tao'y may karapatan sa isang pamantayan ng pamumuhay na sapat para sa kalusugan at kagalingan ng kanyang sarili at ng kanyang pamilya, kasama na ang pagkain, pananamit, paninirahan at pagpapagamot at kinakailangang mga paglilingkod panlipunan, at ng karapatan sa kapanatagan sa panahong walang gawain, pagkakasakit, pagkabalda, pagkabalo, katandaan at iba pang kakapusan sa ikabubuhay sa mga di-maiiwasang pangyayari.
2. Ang pagkaina at pagkabata ay nararapat sa tanging kalinga at tulong. Ang lahat ng bata, maging anak na lehitimo o di-lehitimo, ay magtatamasa ng gayon ding pangangalagang panlipunan.
Artikulo 26
1. Ang bawat tao'y may karapatan sa edukasyon. Ang edukasyon ay walang bayad, doon man lamang sa elementarya at pangunahing antas. Ang edukasyong elementarya ay magiging sapilitan. Ang edukasyong teknikal at propesyonal ay gagawing maabot ng lahat at ang lalong mataas na edukasyon ay ipagkakaloob nang pantay-pantay sa lahat batay sa pagiging karapat-dapat.
2. Ang edukasyon ay itutungo sa ganap na pagpapaunlad ng pagkatao at sa pagpapalakas ng paggalang sa mga karapatan ng tao at mga pangunahing kalayaan. Itataguyod nito ang pagkakaunawaan, pagbibigayan, at pagkakaibigan ng lahat ng bansa, mga pangkat na panlahi o panrelihiyon, at palawakin ang mga gawain ng mga Bansang Nagkakaisa sa ikapapanatili ng kapayapaan.
3. Ang mga magulang ay may pangunahing karapatang pumili ng uri ng edukasyong ipagkaloob sa kanilang mga anak.
Artikulo 27
1. Ang bawat tao'y may karapatang makilahok nang malaya sa buhay pangkalinangan ng pamayanan, upang tamasahin ang mga sining at makihati sa mga kaunlaran sa siyensiya at sa mga pakinabang dito.
2. Ang bawat tao'y may karapatan sa pangangalaga ng mga kapakanang moral at materyal bunga ng alin mang produksiyong pang-agham, pampanitikan o pansining na siya ang may-akda.
Artikulo 28
Ang bawat tao'y may karapatan sa kaayusang panlipunan at pandaigdig na ang mga karapatan at mga kalayaang itinakda sa Pahayag na ito ay ganap na maisasakatuparan.
Artikulo 29
1. Ang bawat tao'y may mga tungkulin sa pamayanan sa ikaaari lamang ng malaya at ganap na pagkaunlad ng kanyang pagkatao.
2. Sa paggamit ng kanyang mga karapatan at mga kalayaan, ang bawat tao'y masasaklaw lamang ng mga katakdaan gaya ng ipinapasya ng batas ng tanging sa layunin lamang ng pagtatamo ng kaukulang pagkilala at paggalang sa mga karapatan at mga kalayaan ng iba at sa pagtugon sa makatarungang kahilingan ng moralidad, kaayusang pambayan at ng pangkalahatang kagalingan sa isang demokratikong lipunan.
3. Ang mga karapatan at kalayaang ito ay hindi magagamit sa ano mang pangyayari nang nasasalungat sa mga layunin at mga simulain ng Mga Bansang Nagkakaisa. 



Edukasyon sa Pagpapakatao, Baitang 9, Modyul 6