Showing posts with label Buhay Guro. Show all posts
Showing posts with label Buhay Guro. Show all posts

Saturday, May 24, 2014

Inspirasyon

       Ang karanasang ito'y nais ko lamang ibahagi sa kadahilanang sana ay mabigyan ko nang inspirasyon ang mga dalagang nalulungkot o di kaya'y hindi pa mahanap hanap ang lalaking nakatakda para sa kanila. Sa isang banda ikaw ba'y naniniwala sa salitang "nakatakda"? Maaaring oo, maaari namang hindi. Maski nga ako minsan ay nagdududa hanggang ngayon eh.
      Ang pagdalo sa nakaraang seminar para sa mga grade 9 teachers ay isang hindi makakalimutang pangyayari para sa isang kaibigang puno ng pag-asa. Hindi pa naman siya katandaan..29 anyos lang naman at matagal na ring nakapasok sa pagtuturo. Ewan kung bakit kasi..ewan lang ah...kapag ang isang gurong single daw at walang boyfriend na papasok sa teaching job..kaiilangan na daw ligawan ng mga lalaki. Totoo daw iyon...sa iba..sabi naman ng iba. Kaya mas maganda raw na mag-boyfriend muna bago magteacher.
      Noong una'y katuwaan lang ang mga salitang "Mag-hunt ng papalicious"..."BF search"...at kung anu-ano pa...pero mukhang nakikinig yata ang kung sinong angel dela guardia at gumawa ng paraan kung paano matutupad ang pinakanais-nais.
      Simpleng ngitian noong una..sa pagkaka-alam ko.Dahil magkasama sila sa grupo, nauwi ito sa pag-uusap tungkol sa mga activities na ginagawa...hanggang sa Dorm na tinutuluyan namin ay napapansin kong madalas siyang sundan ng tingin. Kaipala'y may balak ng hingin ang kanyang cp number. Wala namang masama ..sabi ko. Nakikipagkaibigan lang naman. Okay...to make the story short...natapos ang seminar...anim na araw iyon...na may magandang nangyari. Aakalain ba naming dito lang pala sa seminar na ito niya matatagpuan diumano ang lalaking nagpatibok ng kanyang puso?
       Ang apat na sulok ng classroom ay tunay na kaaya-aya...nakakatuwa na manatili rito the rest of a teacher's life...lalo na kung mahal na mahal natin ang pagtuturo....pero kung minsan ito ang magbibilanggo sa atin kung hahayaan nating mangyari ito. Masarap kasama ang mga mahal nating estudyante...sila ay nagbibigay saya...ng fulfillment..ng kung ano-ano pa to a teacher's point of view. Pero hindi naman masama kung tayo na ang maghanap sa isang bagay (o tao) na sadyang makapagbibigay pa ng ibayong saya sa ating buhay. Walang nakatakda...walang darating...hindi mo alam kung sino siya..o kung meron nga bang "siya". Tuklasin mo kung meron nga ba...at mangyayari nga. Lumabas ka sa apat na sulok ng iyong classroom...baka matuklasan mong ikaw din lang pala ang nagkulang ng pagawa ng paraan. Simple lang ang prinsipyo ko sa buhay...ewan kung sang-ayon ka. Happiness is not a destiny..it is a choice.

Salamat sa pagbisita.
Mam Eddie

Saturday, August 10, 2013

Anekdota

Sa Mundo ng Kalituhan
            Ang inaasahan natin ay kadalasang hindi nangyayari...at ang hindi inaasahan ang madalas na mangyari...
             Ang mundo ay puno ng hiwaga. Maaaring ika'y magtanong kung bakit madalas nila itong sabihin.Puno ng kababalaghan..puno ng mga hindi maipaliwanag na pangyayari...puno ng kung ano ano pa...
            Minsan ay nagkwento ako ng isang anekdota sa aking mga estudyante...tungkol sa isang pamilyang pinaglalayo ng hindi maayos na komunikasyon. Tinanong nila ako ng hindi ko inaasahan.  "Ma'm..ano po ba ang anekdota?" Akala ko pa naman ay itatanong nila kung paano ang gagawin upang magka-ayos ang mga pamilyang nagkakasiraan dahil sa hindi mabuting pag-uusap. Hanggang sa napunta ang usapan sa kung ano ang halimbawa ng mga anekdota..kung saan makakabasa ng maraming anekdota...kung saan ito ginagamit....kung ano ang mga aral na hatid nito...kung paano sumulat ng isang anekdota....kung ano ang paborito kong anekdota...kung sino ang nagturo sa akin upang gamitin ang anekdota sa pagtuturo....at lahat ay tungkol sa anekdota.
             At tuluyan ng nalayo ang leksyon tungkol sa komunikasyon sa mga pinag-usapan sa klase.
           
             Ganyan nga ang buhay sa mundo. Sa dami ng mga pwedeng mangyari, maaaring mawala tayo sa pokus. At kung mawala tayo sa pokus, nangyayari ang hindi dapat asahan.At saka natin sabihin..na ang buhay ay puno ng kababalaghan..puno ng hindi maipaliwanag na pangyayari.  Hindi kaya nawala lang tayo sa pokus kung kaya nangyayari ang mga bagay sa buhay natin. ...
ang mga hindi natin inaasahan?


Try the power of Friends to help us focus in our lives.....

Wednesday, January 9, 2013

Bangui Windmill


Bangui, Ilocos Sur
         Isang lugar na paboritong pasyalan ng mga gustong magliwaliw sa kailokohan. Ang ibang larawang kuha ay sadyang hindi ko na ipinakita upang sa pagpunta mo ikaw'y masorpresa sa mga tanawin dito. Ang mga kubo sa gilid na iyong nakikita ay mga bilihan ng iba't-ibang souvenir. Sana ay mag-enjoy ka sa iyong pagbisita sa lugar...mas mabuti kung isama mo na rin ang buong pamilya...

Ang Dagat...

Wednesday, October 31, 2012

Pagudpud

Paraiso sa Ilocos!


Kailangan mo ng lugar para makapagpahinga? Malayo sa gulo ng siyudad o sa dami ng mga ginagawa? Palagay ko, ito ang lugar para sa atin.



Variety is a spice of life...sabi nga nila. Kung puro tayo trabaho, at hindi na makahanap ng oras para makapagsaya o makapagpahinga...sa tunay na kahulugan ng salitang ito.. ay madali tayong mabagot sa ating mga gawain.



Kailangan din nating mag-retreat. Kung baga...parang sa isang labanan, kailangan nating umatras sandali sa laban upang makaipon ng lakas o sigla... para sa susunod na pag-atake ay malakas tayo.
Malayo man...sobrang nakakapagod man ang napakahabang biyahe...sulit ang mga sandaling ilalagi mo sa lugar na katulad nito.

Ang preskong hangin...magagandang tanawin...ang banayad na alon sa dagat lao na kapag pasikat pa lang ang araw sa umaga...'yon bang...

kagigising mo pa lang at mukhang gusto mo nang maligo...pero sobrang maginaw yata...kaya't makukontento ka na lang muna sa pagtampisaw sa malamig na tubig... 

O kaya ay mauupo ka lang muna sa mga bato...kahit ang tubig ay sobrang nang-aakit...

Puwede rin namang makontento sa pagtanaw ng karagatan mula sa veranda ng Hotel Terra Rika.

Kulang yata ang mga salita upang mailarawan ko nang husto ang paraisong ito ng Ilocos.

Sa susunod na aking pagdalaw dito, alam kong magiging kakaibang eksperyensiya at higit na saya ang aking maibabahagi hindi lamang sa iyo kundi sa lahat ng naghahanap ng paraan upang maging masigla at kapanapanabik ang bawat sandali ng buhay sa kabila ng mga dami ng alalahanin at gawaing pinagkakaabalahan.

Salamat sa pagbisita.






Vigan City


"I am a total stranger in my own country."

"Bakit ko ba nasabi ito? Sapagkat kakaiba ang kapaligiran at mga gusaling aking nakikita sa lugar na ito kumpara sa mga tipikal na lugar na aking nakikita sa araw-araw. Para bagang ako'y nadalaw sa panahon ng mga kastila na sa mga lumang larawan at pelikula na lamang nakikita sa ngayon.
Ito'y ilan lamang sa mga larawan ng mga lugar na  aming nabisita sa loob ng dalawang araw at isang gabing paglalakbay sa mga probinsya ng Ilocos."




Mcdo in Vigan

Vigan Church

Riding a Kalesa is one thing i wanna do in Vigan...pero di ko yata kaya!
Nakuntento na lang ako sa pagkuha ng larawan. 



Ilocos Sur Capitol


Pagburnayan in Vigan

Burnay jars


Heritage Village at night



Ito ang simbahan ng Vigan kapag gabi.

Sunday, October 21, 2012

Tsokolate


Ang istoryang ito ay mula sa isang kaibigan na masayang nagkwento ng kanyang karanasan noong kanyang kabataan.  (Huwag kang mag-alala…hindi ako plastic na kaibigan. Totoo ako at lahat ng sinasabi ko ay ginagawa ko. Hindi ako marunong mangako nang hindi ko kayang gawin. Kung ano ang nakikita mo sa akin ay iyon ang totoong ako.)

“Noong araw, madalas kong marinig ang noo’y maliliit kong tita at tito na nagpapabili ng tsokolate kay lola kapag pupunta ng palengke. Hindi nalalayo ang edad namin kasi medyo maagang nag-asawa ang mama ko na kapatid nila, panganay sa walong magkakapatid.
Tsokolate ang paborito nilang pasalubong, kahit anong klase basta tsokolate…masaya sila. Pati na rin ako siyempre. Unang pamangkin ako kaya kadalasang mas marami sa akin.
Pagdating ni lola, tandang-tanda ko pa…minsan may tsokolate pero kadalasan ay wala. Dangan kasi…”Nagtakbuhan ang mga intsik na nagtitinda sa bayan.”  Kaya wala daw siyang mabilhan. Magtiyaga na lang daw kami sa pop rice. Sa susunod na lang.

Habang lumalaki ako ay nagliwanag ang lahat. Walang dahilan para tumakbo ang mga intsik na nagtitinda ng tsokolate! Hindi lang pala mga intsik ang nagtitinda sa bayan. Pop rice ang pinakamurang uri ng tinapay! Hindi pala kaya ni lola ang bumili ng tsokolate kada araw ng palengke. At marami pang ibang katotohanan na madaling itago sa mga batang paslit.

Iyan ay noong mga panahon namin…ng aming kabataan.
Sa ngayon, natuklasan kong marami palang nakakatulad ng aking lola. Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa. Hindi ako nagtatampo sa kanya dahil lang sa mga munting panloloko niya sa amin noong araw. Naintindihan ko na iyon.

Sabi ko nga…maraming tao ang nakakatulad ni lola. Mangangako, magpa-asa sa  wala. Ang masakit taon ang lilipas bago mo malaman at matuklasan na pinaasa ka lang pala. Pinaniwala sa mga kuwentong puro kasinungalingan. At bilang konsolasyon, ibibigay sa iyo ang isang bagay na makapagpapahupa ng iyong sama ng loob, kahit paano.

Siguro, ganoon lang talaga ang buhay.  “Hindi ako maloloko kung hindi ako nagpaloko.” Kaya nga ito ang favorite kong kasabihan eh.

Hindi na ako bata ngayon. Natuto na ako nang maraming bagay. Wish ko lang
na sana, huwag akong ituring ninuman na parang bata. Pangangakuan  ng Toblerone…pero dahil pinaiwan ng pulis sa airport, kaya choconut na lang! Sabagay, gusto ko rin ng choconut…masarap din siya!

Pero kapag ganoon ang gagawin mo sa akin friend, hindi ko alam ang gagawin ko sa iyo. Sa tindi ng pananabik sa pangako mong mapapako..malupit! Hindi na talaga kita makakalimutan.  Kung hindi ako makakatulog sa susunod na tatlong gabi dahil sa ginawa mo…humanda ka kay San Pedro, malaking kasalanan  mo ‘yan sa kanya! Huh!"

Monday, September 3, 2012

Laklak

Mga pangyayari sa buhay ng isang guro ang artikulong ito.

Ewan ko ba kung bakit hindi ko makalimutan...hindi siya ganoon kalalim...pangkaraniwan kung baga pero parti ng buhay...simple ngunit, nagbigay ng di matatawarang karanasan. Pambihira...sapagkat...siya lang marahil ang nakaranas ng mga ganoong pagkakataon. Nais ko lang ibahagi upang kahit paano, baka maging inspirasyon sa iba, lalo na sa'yo......

Medyo malakas ang ulan...mga six thirty ng umaga ay lumabas na siya ng bahay upang makarating sa paaralan bago mag-seven fifteen. Seven thirty ang oras ng kanyang klase. Dalawang sakayan lang naman...mini bus at tricycle papasok. Kailangan pa niyang suyuin ang driver upang huminto sandali sa isang karinderya para bumili ng pagkain para sa tanghalian. Nagsasawa na daw siya sa araw-araw na mabibili sa school canteen. Sa loob ba naman ng labing-limang taon..."Nakakasawa na talaga!" Mahirap ding magluto sa umaga.

Nagmamadali siya sa pagsakay sa likod ng tricycle upang hindi mabasa ang pinakaiingatang uniporme. Dangan kasi at hindi uso ang mga gentlemen kapag ganito ang panahon.

Humarurot ang sasakyan sa pag-aakalang okay na ang pasahero sa likod. Hindi pa man nakakalayo ng ilang metro...nahulog ang kanin at ulam na bagamat nasa plastic ay himala namang hindi napisa at natapon sa basang kalsada!
"Ma'm...'yong ulam mooo!!!" Narinig niyang may sumigaw.
"Ihinto mo!"
Bumaba ito at maingat na pinulot at saka isinilid sa bag ang pobreng kanin at ulam.
Biniro ko siya. "This is one of my unforgettable experience as a teacher!"
"Oo nga. Sinabi mo pa!"

Hindi naging balakid ang malakas na ulan upang itigil ang pagdiriwang ng World's Teachers' Day, October 5, 2009. Makikitang masaya pa rin ang mga guro...videoke...may kaunting salu-salo...konting tawanan...pataasan ng score sa videoke...medyo nakakatakot na ang ulan kasi parating na ang bagyong Pepeng...malupit!

Nang siya na ang nakahawak ng mikropono...sa saliw ng awiting "Laklak"...tumindi ang buhos ng ulan! Sige pa rin...ang iba ay naglaho na sa stage...halos di na kasi marinig ang videoke. Mas malakas ang buhos ng tubig sa bubong...open arena...kaya wala nang nanonood sa ibaba.

Nakapangingilabot ang dilim ng langit at hindi karaniwan ang tindi ng buhos ng ulan, sa totoo lang po. Pero kalmado pa rin ang lahat...sa stage...maliban yata sa kanya na patuloy pa rin sa pag-awit.

Nilapitan siya ng isang lalaking guro na may dalang payong, pasayaw sayaw at saka pinayungan siya habang kumakanta. Nasa ganoon silang anyo hanggang matapos ang awiting "Laklak"!

Tawanan ang lahat.
Sabi ko sa kanya. "This is one of my unforgettable experience..."
Sumagot siya. "Luko-luko talaga 'yon! Hindi ko masaway eh..kumakanta ako eh!"

Sa tuwing malalakas ang ulan at paparating ang Teachers' Day...bumabalik sa aking ala-ala ang mga pangyayaring ito.


Salamat sa pagbisita,
Mam Eddie