Thursday, February 7, 2013

EsP II Yunit IV Aralin 1


Karahasan sa Paaralan
Nakababahala ang ilang mga napababalitang karahasang nagaganap sa paaralan. Kamakailan lang ay isang mag-aaral ng mataas na paaralan ng Manuel L. Quezon sa Lungsod ng Kalookan ang napabalitang nanaksak ng isa sa kanyang mga guro dahil lamang sa pagsita nito sa kanyang mahabang buhok. Noong 2006, isang mag-aaral na nakatakda na sanang magtapos sa Philippine Science High School ang nilason
ng kanyang kamag-aral sa pamamagitan ng paglalagay ng mercury sa kanyang inumin. Inaakalang ito ay dahil sa katunggali nito ang kamagaral sa pangunguna sa klase. Hindi rin mabilang ang ilang insidente ng pagpapatiwakal ng mga kabataan tulad na lang noong isang taon, laman ng mga pahayagan si Mariannet Amper, isang 12 anyos na batang babae sa Lungsod ng Davao. Siya’y nagpatiwakal dahil umano sa labis na kahirapan nila sa buhay. Gayon din sa Iloilo isang 14 anyos na batang lalaki ang tumalon mula sa flyover doon dahil naman sa pag-abuso sa rugby. Si Kristen Ariane Cuenca, isang batang nasa ikatlong baitang ang tumalon mula sa ikaapat na palapag ng kanilang paaralan matapos
makakuha ng mababang marka sa report card. Laman din ng pahayagan ang mga insidente ng pagkamatay ng mga kabatan matapos maging biktima ng hazing sa mga gang o fraternity. Ito ay sa kabila ng pagkakaroon ng mahigpit na batas laban dito sa ating bansa. Si Glacy Monique Dimaranan 15 anyos na kabataang babae ay namatay dahil sa aksidenteng napaputok ang baril na itinutok sa kanyang ulo. Ang pagtutok ng
baril ay bahagi ng ilang pagsubok upang makapasok sa grupong Royal Scout Brotherhood. Si John Daniel L. Samparada, 18 anyos at nag-aaral sa Lyceum of the Philippines sa General Trias, Cavite ay namatay dahil sa matinding pagkabugbog ng kanyang mga binti. Bahagi ito ng pagsubok upang makapasok sa Tau Gamma Phi Fraternity. Maraming iba pang mas kontrobersyal na mga kaso ng hazing na naging laman ng balita nitong mga nagdaang taon. Nitong huli’y balitang-balita ang pagpapasabog ng granada sa harap ng DeLa Salle University sa Taft Avenue, matapos ang pagsusulit sa abogasya o bar exam. Apatnapu’t apat ang naging biktima ng pagsabog na ito. Karamihan sa kanila ay mga magaaral ng abogasya. Hinihinala na kaugnay ng mga alitan ng fraternity ang dahilan ng pagpapasabog na ito.

Nitong mga nakaraang dekada naging malaking suliranin na ang karahasan sa paaralan sa maraming bansa. Karaniwan na ang paggamit ng armas tulad ng baril o patalim. Kabilang dito ang karahasan sa pagitan ng mga mag-aaral at ang karahasan laban sa mga
nanunungkulan sa paaralan, lalo na sa mga guro. Sa  bansang Australya, sa taong 2009 lamang ay may 55, 000 na mag-aaral ang naparusahan ng suspension dahil sa paglabag sa regulasyon sa paaralan kaugnay ng karahasan. Sa Timog Australya, 175 na kaso ng pananakit laban sa kapwa mag-aaral o sa mga guro ang naitala noong 2008. Sa bansang Belgium, marami ang nagbibitiw sa pagiging guro dahil sa karahasan laban sa kanila na gawa ng mag-aaral doon. Sa Bansang Bulgaria, dahil sa maraming insidente ng karahasan sa loob ng paaralan ay minabuti ng Puno ng Kagawaran ng Edukasyon na higit pang maghigpit sa pagdidisiplina sa mga mag-aaral. Dahilan upang mapatalsik sa paaralan ang malaswang pananamit, pagpasok ng lango sa alak o droga at pagdadala at paggamit ng mobile phones. Binigyan din ng karapatan ang mga guro na parusahan ang mga mag-aaral
na lumalabag sa mga regulasyon ng paaralan. Ayon sa pag-aaral ng Kagawaan ng Edukasyon sa Pransya, noong taong 2000, 39 sa 75, 000 pampaaralang pampubliko ang natatayang labis ang karahasan sa hanay ng mga mag-aaral at 300 naman ang natayang maraming napapaulat na karahasan. Sa bansang Hapon, nagsagawa rin ng katulad na pag-aaral ang Kagawaran ng Edukasyon. Naitalang may 52, 756 na kaso ng
karahasan sa mga pampublikong paaralan noong taong 2007 ang kinasangkutan ng mga mag-aaral. Tumataas ang bilang na ito ng halos 8, 000 kada taon. Pitong libo sa 8, 000 na kasong ito ay mga guro ang syang naging biktima. Halos ganito rin ang sitwasyon sa iba pang mga bansa sa Europa

Kahulugan ng Karahasan sa Paaralan
Ayon sa Center for Prevention of School Violence ng North Carolina Department of Juvenile and Delinquency Prevention, ang karahasan sa paaralan ay ano mang kilos na lumalabag sa misyong pang-edukasyon ng paaralan o lumalabag sa ugnayang nag-uugat sa respeto sa kapwa o sumasalungat sa layunin ng paaralan na maging malaya sa agresyon laban sa kapwa o pag-aari, sa droga o bawal na gamot, armas, panggagambala at kaguluhan. Mahalagang maunawaan na ang karahasan ay karaniwang may pinag-uugatang kilos o ugali na tulad sa sakit na hindi nalapatan agad ng lunas, ay patuloy na lumulubha. Maaring ang mas malalang uri ng karahasan ay nagsimula sa pangmamaliit, pangiinsulto,
pananakot, paninirang puri, pangbubulas o panunulak. Habang namimihasa sa ganitong mga gawain pasama naman nang pasama at palala nang palala ang uri nang karahasan. Maaring mauwi na ito sa pisikal na pananakit o pakikipag-away, panggigipit na sekswal, pagnanakaw, pag-abuso sa alcohol at droga, paggamit ng armas, paninira ng gamit ng kamag-aral o ng paaralan, paggawa ng mga krimeng kaugnay ng diskriminasyon at pagkamuhi sa isang grupo ng minorya, pagbuo ng gang, pambibihag o pagdukot, panggagahasa, pagpatay at sa huli’y pagpapakamatay. Ang bahagdang ito ay ayon sa ginawang Violence Continuum ni Jim Bryngelson ng CARE (Courtesy and Respect
Empower).

Marami na tayong mga batas at polisiya sa Kagawaran ng Edukasyon na nangangalaga sa mga kabataang mag-aaral laban sa karahasan na dulot ng mga nanunungkulan sa paaralan o sa ng mga nakatatanda. Sa mga paaralan natin ngayon ang mga karahasang dulot ng kapwa mag-aaral sa mga kabataan ay hindi masyadong nabibigyan ng pansin o minamaliit ng mga kinauukulan. Bagama’t may anti hazing law, karaniwang hindi napapansin ang paglaganap din ng fraternities at gangs sa mga paaralang elementarya at sekundarya. Ang mga kolehiyo ang karaniwang napapabalita. Bagamat mas marahas at minsa’y nakamamatay ang mga hazing na ginagawa sa ikatlong antas, kung pagbabatayan ang Violence Continuum ni Bryngelson, may posibilidad na ang mga mas mararahas na hazing na ginagawa sa ikatlong antas ay nagsimula sa mga maliliit na pagsubok sa elementarya at sekondarya. Dalawang uri ng karahasan na nararanasan ng mga mag-aaral sa kapwa mag-aaral ang nabilang sa uri ng karahasang nagaganap sa ating mga paaralan ayon sa pag-aaral ng PLAN Philippines (2008) ito ay ang pambubulas (bullying) at ang gangs o fraternities.
Ang Pambubulas
Ang pambubulas ay nagsisimula pa lamang mabigyang pansin bilang isyu ng karahasan sa mga paaralan sa Pilipinas. Ito ay ayon sa World Report on Violence Against Children (PLAN Philippines, 2008). Bagama’t ito ay matagal ng isyu sa ibang bansa at marami na ring pagaaral na isinagawa tungkol dito, kakaunti lamang ang datos tungkol sa pambubulas sa Pilipinas. Marahil ito ay dahil na rin sa pananaw na ang pambubulas tulad na rin ng pag-aaway, ay normal lamang sa mga kabataang mag-aaral. Ang pambubulas ay isang uri ng agresyon ngunit isang mas malupit na uri ng agresyon sapagkat ito ay paulit-ulit na ginagawa sa isang biktimang karaniwang nag-iisa, mas nakababata, mas mahina ang pangangatawan at kumpiyansa sa sarili. (Smith and Morita 1991 hango sa PLAN Philippines, 2008) Sa pambubulas ay maaring pisikal o pasalita ang pamamaraang ginamit bagama’t kadalasan ay pasalita ang ginagamit na paraan sa mga paaralan. Higt na marami sa mga lalaki ang nakararanas ng pisikal na pambubulas habang mas karaniwang ang mga babae naman ay nakararanas ng di-tuwiran o pambubulas na may kinalaman sa pakikipag-ugnayan sa kapwa mag-aaral. Karaniwan ding nagiging biktima ng pambubulas ang mga bakla at tomboy sa paaralan.

Ang pambubulas ay maaring ginagawa ng isang bata lamang o ng grupo ng mga mag-aaral. Ang pangbubulas ay madalas ginagawa ng isang organisasyon o fraternity o pangkat na kinikilala o popular sa paaralan sa kapwa mag-aaral kung nasa labas na ng paaralan. Ang ilan sa karaniwang paraan ng pambubulas na ginagawa sa paaralan ay ang pananakot, pangingikil, at pananakot sa pamamagitan ng armas tulad ng patalim. Ayon sa mga kabataan ang mga salitang maaaring iugnay sa pambubulas ay ang pang-aasar o pang-iinis, pagiging astig at pananakit.

Ang mga Gang at Fraternity
Sa resulta ng pag-aaral na isinagawa para sa PLAN Philippines, tinalakay ang pag-aaral na ginawa ni Palcon (1992) sa mga mataas na paaralan sa lungsod. Ayon sa pag-aaral ni Palcon, ang mga batang hindi napapansin o hindi nakakukuha ng matataas na marka o minamaliit ng guro ang kakayahan ay karaniwang nagbubuo ng isang pangkat na kumikilos na may iisang pagkakakilanlan. Maaring magbuo sila ng grupong tulad ng Otso Kabaong, Trese Hudas, Tropang Alega Gang, Ten Pick Up Boys o fraternity tulad ng AKHRO, SRB at Tau Gamma. Maaring upang ipakilala ang pangkat sila ay may iisang istilo ng pananamit, sekretong paraan ng pagsulat o pananalita, may marka o tattoo sa katawan. Upang suportahan ang mga gawain ng grupo at ang mga pangangailangan ng miyembro nito sila ay nangangalap ng “pondo”. Karaniwang ito ay mula sa pangingikil o maari ding ambag mula sa mga kasapi o “membership fee” na sapilitang sinisingil sa mga kasapi nito.

Karaniwang bahagi na ang karahasan sa pagpapakilala ng mga grupong ito. Kadalasa’y nasasangkot ang ganitong mga pangkat sa gulo (rumble) bunga nang pakikipagtunggalian sa karibal na grupo. Madalas, dahil sa pagkakasangkot sa mga ganitong grupo ang isang mag-aaral ay napipilitang umalis sa paaralan o mag drop-out dahil sa takot sa kalabang gang o maging sa kinabibilangang grupo. Karaniwan din na ang mga gawain ng
ganitong mga gang ay hindi nakabubuti sa kasapi tulad ng pag-inom ng alak, paggamit ng droga, pagsusugal, at pagliban o pag-alis sa oras ng klase upang ipakita ang pakikisama sa grupo. Tulad din ng mga lehitimong fraternity na kinikilala ng pamunuan sa ilang unibersidad, ang ganitong mga gang o grupo ay mayroong mga initiation rites na karaniwan ay labag sa Anti-Hazing Law o Republic Act 8049. Ayon sa batas na ito ang hazing ay isang ritwal o seremonya kung saan ay sinusubok ang isang nais maging miyembro upang matanggap siya sa fraternity o sorority o organisasyon sa pamamagitan ng paglalagay sa kanya sa isang nakakahiya o nakalilibak na sitwasyon tulad ng pagpapagawa sa
kanya ng kakatwa o nakatatawa o gawaing nakababa ng pagkatao o pagsasailalim sa kanya sa pisikal o mental na paghihirap o pananakit. Ang
pang-aabusong sekswal bilang bahagi ng hazing ay pinarurusahan din ng batas na ito. Nakalulungkot na ang batas na ito ay nakasasakop
lamang sa mga lehitimo o kinikilalang fraternity at sorority. Ang pagbubuo ng mga fraternity at sorority sa mga paaralang elementarya at
sekondarya ay mahigpit na ipinagbabawal ng Kagawaran ng Edukasyon alinsunod sa DepEd Order No. 20 s. 1991.

Mga Pamamaraan Upang Maiwasan ang Karahasan sa Paaralan
Ang layunin ng iba’t ibang pamamaraan na nabuo bunga ng mga pag-aaral sa ibang bansa pangunahin na ang Estados Unidos, ay pigilan ang pagkakaroon ng karahasan sa paaralan. May apat na antas kung saan maaring pakilusin ang programa laban sa karahasan sa paaralan: sa lipunan, sa paaralan, sa tahanan, at sa indibidwal.

Ang mga pamamaraan sa antas na panlipunan ay nakatuon sa sosyal at kultural na pagbabago dito upang mabawasan ang karahasan saan man ito nagaganap. Halimbawa ay ang regulasyon ng media upang mabawasan ang pagpapalabas at paglalathala ng karahasan dito, ang paghuhubog ng mga pamantayang sosyal, pagbabago sa sistema ng edukasyon. Ang mga programa sa antas na ito ay nangangailangan ng mahabang panahon at higit na mahirap ipatupad kaysa sa alinmang antas.

Ang programa sa antas na pampaaralan ay nakadisenyo upang baguhin ang mga kalagayan sa paaralan na kaugnay ng karahasan. Ito ay maisasagawa sa pamamagitan ng pagsasaayos at pagkakaroon ng sistema sa loob ng klase, cooperative learning at wasto at sapat na pamamatnubay ng mga guro sa mga mag-aaral. Sa mga paaralang elementarya ang pamamaraan o istratehiyang tinawag na Good Behavior Game ay nakatutulong upang mabawasan ang pagkaantala ng klase at magkaroon ng mabuting interaksyon sa loob ng klase. Nakatutulong naman ang Second Step Curriculum upang sanayin ang mga mag-aaral sa ikalawa at ikatlong baitang na magkaroon ng pagpipigil sa sarili at emphaty upang mabawasan ang agresyon sa kanilang pagkilos at pakikitungo sa kapwa mag-aaral.

Karamihan ng mga programa sa paaralan upang mabawasan o mawala ang karahasan ay nakatuon sa pagsugpo sa pambubulas sa loob ng paaralan. Gayun pa man napatunayan pa rin na higit na mabisa ang mga programa na kaugnay ng pagpapalakas ng ugnayan sa pamilya at mga programang nakapagpapataas ng kasanayang sosyal at akademik ng mga kabataang nanganganib bumagsak o umalis sa paaralan. Sa makatwid ang mga estratehiya at programa sa antas na pantahanan at indibidwal ay mas dapat na bigyan ng tuon.

Reference: 2010 SEC Gabay sa Pagtuturo sa Edukasyon sa Pagpapahalaga II
                   Ph. 197-204

Paunawa sa mga II-Special Science Class/MPJCL

Paunawa
Ang mga sitwasyong nailahad sa bawat homework ay mababasa at hinango sa aklat na Kaganapan sa Pakikipagkapwa II ph.57 at 61 nina Twila G.Punsalan, Sylvia T. Caberio, Myra Villa D. Nicolas at Wilma S. Reyes

Ang mga reaksyon o kasagutan sa inyong mga kani-kanyang homework ay mangyaring ipasa sa akin mula February 8 hanggang 13.
 Maaaring isulat ito sa isang yellow paper o i-post sa bahaging "comments" katulad ng dating ginagawa sa nakaraan. Huwag magkakamali sa bahagi na inyong pagsusulatan upang masiguro ang kaukulang mataas na marka na inyong makukuha. Pansinin din ang petsa ng pagpasa o pag-post. Ito ay mayroon ding kaukulang bonus na puntos.

Good Luck.

Homework No.5 SSC

SSC/Group 5

Ibigay ang iyong reaksyon sa sumusunod na sitwasyon.

Sitwasyon:
Isang pareha, babae at lalaki, naka-unipormeng pang-hayskul ang magkaakbay, magkadikit sa isang sulok ng kampus at hindi inaalintana ang oras. Tila masayang-masaya pa silang dalawa kahit halos lahat ng mga kaklase ay nakauwi na.

Homework No.4 SSC

SSC/Group 4

Pagpasyahan kung Mabuti oMasama ang sumusunod na sitwasyon: Ipaliwanag ang iyong kasagutan.

Sitwasyon:
Humingi ng payo sa mga magulang, guro o guidance counselor tungkol sa isang kaibigan sa katapat na kasarian.

Homework No.3 SSC

SSC/Group 3

Ibigay ang iyong reaksyon sa sumusunod na sitwasyon.

Sitwasyon:
Isang pangkat ng mga magkakaibigang lalaki ang nag-uumpukan sa isang sulok. Mayroon silang pinagkakaguluhang binabasa. Mga pahayagan at babasahing pornograpik.

Homework No.2 SSC

SSC Group 2
 Ibigay ang iyong reaksyon sa sumusunod na sitwasyon.

Sitwasyon:
Isang pareha, babae at lalaki, nakaunipormeng pang-hayskul at namamasyal sa isang beach resort sa oras ng klase. Inspiradong-inspirado sila sa pagbabasa ng madamdaming dula ni Shakespeare, ang Romeo and Juliet.

Homework No.1 SSC

SSC/Group 1
Pagpasyahan kung mabuti o masama para sa iyo ang sumusunod. Isulat ang paliwanag.
Sitwasyon:
 Manood ng sine kasama ang isang kaklaseng kaibigan sa katapat na kasarian.

Monday, February 4, 2013

Esp II Yunit 3 Aralin 4

Pakikipagkaibigan sa Katapat na Kasarian

Mga uri ng Pakikipagkaibigan sa katapat na kasarian (Cross-sex Friendship)ayon kina Laura Guerero at Alan Chavez(2005)
1.Kapwa nagnanais na matungo ang pagkakaibigan sa isang romantikong relasyon( Examined mutual romance). Ginagamit ang pagkakaibigan bilang tuntungan patungo sa isang romantikong relasyon at upang mas makilala ang isa’t-isa. Nakikita kung may posibilidad na lumago ang ugnayan patungo sa isang romantikong relasyon o kung mananatili na lamang sa pagkakaibigan.
2.Kapwa nagnanais na mapanatili ang pagkakaibigan (Strictly Platonic). Naninindigan ang bawat isa na mapatatag ang kanilang ugnayan bilang magkaibigan.
3.Ang isa sa magkaibigan ay naghahangad ng isang romantikong pakikipag-ugnayan (desires or rejects romance). Ang isa sa dalawang magkaibigan ay nakakaramdam ng atraksyon o pagmamahal sa kanyang kaibigan ngunit pilit niya itong pinagtatakpan dahil naniniwala siyang hindi kapareho ang nararamdaman ng kanyang kaibigan para sa kanya. Ipinakikita ang labis na pag-iingat upang hindi masira ang pagkakaibigan.

Apat na hamon na kinakaharap ng pakikipagkaibigan sa katapat na kasarian

1.Hamon sa Emosyonal na pagkakabuklod- (Emotional Bond Challenge)-mga pagkakataong inaakalang ang labis na pagiging malapit sa isa’t-isa at ilang pagkagusto sa ilang mga katangian ay nagpapahiwatig na ng isang romantikong relasyon.
2.Hamon sa Pagharap sa Publiko(Public Presentation Challenge). Mahirap na mabasa ang magiging puna ng mga tao sa mga pagkakataong nakikita ang dalawang magkaibigan na palaging magkasama at magka-usap.
3. Hamong Sekswal(Sexual Challenge). Tunay na ang isang babae at lalaki ay nilikha upang magbuklod bilang isa ngunit hindi ito angkop sa lahat ng pagkakataon. Kailangan laging pairalin ang katatagan upang mapaglabanan ang anumang tukso na maaaring dumaan sa ugnayan.
4. Hamon sa Pagkakapantay (Equality Challenge).Kailangang maging bahagi ang bawat isa sa mga pagpapasya at mahalagang ituring ang isa na kapantay ang halaga upang mapalago ang pagkakaibigan.

Mga payo upang mas mapatatag ang pakikipagkaibigan sa katapat na kasarian.
1.       Kailangang unawain ang tunay na kahulugan ng pagkakaibigan.
2.       Isaisip na hindi lahat ng pagkakataon , na ang dahilan ng pagkikipagkaibigan ng lalaki ay magkaroon ng tuntungan para sa isang malapit na ugnayan.
3.       Kailangang maunawaan ang pantay na pagtingin na dapat at nakalaan sa isang babae at lalaki sa lipunan sa kasalukuyan.
4.       Maging malawak ang pag-iisip sa posilbilidad na magkaroon ng relasyon bilang magkaibigan ang lalaki at babae.
5.       Unawain ang mga dahilan kung bakit nais maging magkaibigan ang isang babae at lalaki.
6.       Unawain na ang isang babae at lalaki ay magkaiba sa paraan ng pakikipag-usap
7.       Mas bigyan ng pagkakataon ang mga lalaki na magbigay solusyon sa mga problema.
8.       Kailangan maglaan ng panahon ang babae sa pakikinig sa mga hinaing o suliranin ng lalaki.
9.       Pag-usapan ang magiging limitasyon ng pagkakaibigan.
10.   Kailangang maunawaan na ang mga lalaki ay maalaga at may posibilidad na maging seloso.

Reference:
 Gabay sa Pagtuturo sa Edukasyon sa Pagpapahalaga II
2010 Secondary Education Curriculum.