Thursday, July 10, 2014

Sarbey

Gawaing Pagganap(Para sa mga SSC Newton)
Panuto: Magtanong sa mga tao sa inyong pamayanan tungkol sa mga pangunahing suliraning kinakaharap ng inyong lugar. Itala ang mga suliraning ito at pag-usapan ng inyong grupo kung alin ang pinakamalalang dapat na mabigyan kaagad ng aksyon. Bumalangkas ng plano ng solusyon para sa suliraning matutukoy ng grupo. Humanda para sa pag-uulat tungkol sa kinalabasan ng inyong gawain.

Ang petsa ng pag-uulat sa klase ay sa July 17, 2014.

Tuesday, July 8, 2014

Mga Elemento ng Kabutihang Panlahat

Ang Kabutihang Panlahat ay binubuo ng tatlong mahahalagang elemento (Compendiumof the Social Doctrine of the Church)

1. Ang Paggalang sa indibidwal na tao. Upang maging makatarungan ang lipunan, kailangang nasisiguro ng namumuno dito na ang karapatan ng bawat indibidwal ay kinikilala, iginagalang , pinoprotektahan at pinahahalagahan. Halimbawa nito ay ang paggamit ng tao ng kanyang bokasyon, tungo sa paglinang ng kanyang sarili.

2. Ang tawag ng katarungan o kapakanang panlipunan ng pangkat. Ang pag-unlad ang kabuuang pokus ng panlipunang tungkuling kailangang maibigay sa mga tao. Karaniwang sinusukat ito halimbawa sa mga pampublikong sistema ng pangangalaga sa kalusugan, epektibong pampublikong pangkaligtasan at seguridad, kapayapaang namamagitan sa bawat bansa sa mundo, makatarungang sistemang legal at pampolitika, malinis na kapaligiran at umuunlad na sistemang pang-ekonomiya. Mahalagang may mamagitan upang masigurong nakakayanan at nararating ang mga ito ng bawat isa sa lipunan. Kapag nangyayari ito, natutugunan ang tawag ng katarungan o kapakanang panlipunan ng pangkat.

3. Ang Kapayapaan (Peace)
Kalimitang sinasabi na ang kapayapaan ay ang pagkakaroon ng katahimikan, kapanatagan o kawalan ng kaguluhan sa lahat ng aspekto ng buhay tulad ng isip, kalooban, pamilya, lipunang ginagalawan at iba pa Subalit ang kapayapaan ay resulta ng pagkakaroon ng katahimikan, kapanatagan at kawalan ng kaguluhan. Mayroong kapayapaan kapag iginagalang ang bawat indibidwal at umiiral ang katarungan. Ang kapayapaan ay indikasyon ng pagkakaroon ng kabutihang panlahat.


Sanggunian: Learners' Module in EsP Grade 9
                   ph 13-14

Kabutihang Panlahat

Ang buhay ng tao ay panlipunan.
Walang sinumang tao ang maaaring mabuhay para sa kanyang sarili lamang. kinakailangan niyang makibahagi at mamuhay sa lipunan. Isa ito sa mga itinalagang likas na katangian ng mga nilikha ayon sa Likas na batas.

Ano ang Lipunan?
Ang salitang lipunan ay nagmula sa salitang "lipon" na nangangahulugang pangkat. Ang mga tao ay may mga kinabibilangang pangkat na may iisang layunin o tunguhin. Sa isang banda, madalas gamitin ang salitang komunidad upang tukuyin ang lipunan. Ito ay galing sa salitang Latin na communis na ang ibig sabihin ay common o nagkakapareho. Ang isang komunidad ay binubuo ng mga indibidwal na nagkakapareho ng mga interes, ugali o pagpapahalagang bahagi ng isang partikular na lugar. Sa isang komunidad, mas nabibigyang halaga ang mga natatanging katangian ng mga kasapi o kabahagi. Ang bawat indibidwal ay may kanya-kanyang mga layunin o tunguhin sa buhay.

Ano ang kabutihang panlahat?
Sa simpleng pananalita, masasabing ito ay kabutihan ng bawat isang nasa lipunan. Kailangang maunawaan na ang layunin ng lipunan ay hindi ang kabutihan lamang ng indibidwal o ang koleksyon ng indibidwal na kabutihan ng mga taong bumubuo nito. Kapag ganito ang paniniwalang mangingibabaw, patuloy na mabibigyan ng laya ang mga malalakas na apihin ang mga mahihina. Ang tunay na tunguhin ng lipunan ay ang kabutihan ng komunidad na nararapat bumalik sa lahat ng indibidwal na kasapi nito.

Sanggunian: Learners' Module in EsP Grade 9 ph. 7-12