Thursday, June 19, 2014

Orkidyas



"Ang tulang ito ay aking handog sa mga katulad kong mapagmahal sa mga orkidyas, bagama't hindi dito umiikot ang kabuuan ng aking mga interes sa buhay...masasabing sa bawat tingin ko nang mga ito ay nagkakaroon ng kahulugan ang bawat galaw ng mga nilikha sa aking paligid.. nakakapagbigay ako ng kahulugan, pagmumuni at repleksyon sa bawat aking makita. Hindi ko alam kung parehas tayo ng pakahulugan, ngunit nakaka-inspire ang bawat kulay ng bawat petal ng isang orkidyas. Naisip ko tuloy ang isang kaibigan...at manghang naihalintulad dito. Kunsabagay, walang perpekto sa mundo. Lahat ay may kapintasan, lahat ay may pagkukulang, lahat ay hindi nabiyayaan ng lahat lahat! Marahil, walang pinakamabuti kundi ang pahalagahan ang bawat katangian nating taglay. Magpasalamat sa biyayang ipinagkaloob sa atin, gaano man ito kapayak. Hindi rin tumpak ang ikumpara ang isang bagay sa katangiang taglay ng iba pa, lalo na ang sariling kapintasan sa katangian ng iba."


Saturday, May 24, 2014

Inspirasyon

       Ang karanasang ito'y nais ko lamang ibahagi sa kadahilanang sana ay mabigyan ko nang inspirasyon ang mga dalagang nalulungkot o di kaya'y hindi pa mahanap hanap ang lalaking nakatakda para sa kanila. Sa isang banda ikaw ba'y naniniwala sa salitang "nakatakda"? Maaaring oo, maaari namang hindi. Maski nga ako minsan ay nagdududa hanggang ngayon eh.
      Ang pagdalo sa nakaraang seminar para sa mga grade 9 teachers ay isang hindi makakalimutang pangyayari para sa isang kaibigang puno ng pag-asa. Hindi pa naman siya katandaan..29 anyos lang naman at matagal na ring nakapasok sa pagtuturo. Ewan kung bakit kasi..ewan lang ah...kapag ang isang gurong single daw at walang boyfriend na papasok sa teaching job..kaiilangan na daw ligawan ng mga lalaki. Totoo daw iyon...sa iba..sabi naman ng iba. Kaya mas maganda raw na mag-boyfriend muna bago magteacher.
      Noong una'y katuwaan lang ang mga salitang "Mag-hunt ng papalicious"..."BF search"...at kung anu-ano pa...pero mukhang nakikinig yata ang kung sinong angel dela guardia at gumawa ng paraan kung paano matutupad ang pinakanais-nais.
      Simpleng ngitian noong una..sa pagkaka-alam ko.Dahil magkasama sila sa grupo, nauwi ito sa pag-uusap tungkol sa mga activities na ginagawa...hanggang sa Dorm na tinutuluyan namin ay napapansin kong madalas siyang sundan ng tingin. Kaipala'y may balak ng hingin ang kanyang cp number. Wala namang masama ..sabi ko. Nakikipagkaibigan lang naman. Okay...to make the story short...natapos ang seminar...anim na araw iyon...na may magandang nangyari. Aakalain ba naming dito lang pala sa seminar na ito niya matatagpuan diumano ang lalaking nagpatibok ng kanyang puso?
       Ang apat na sulok ng classroom ay tunay na kaaya-aya...nakakatuwa na manatili rito the rest of a teacher's life...lalo na kung mahal na mahal natin ang pagtuturo....pero kung minsan ito ang magbibilanggo sa atin kung hahayaan nating mangyari ito. Masarap kasama ang mga mahal nating estudyante...sila ay nagbibigay saya...ng fulfillment..ng kung ano-ano pa to a teacher's point of view. Pero hindi naman masama kung tayo na ang maghanap sa isang bagay (o tao) na sadyang makapagbibigay pa ng ibayong saya sa ating buhay. Walang nakatakda...walang darating...hindi mo alam kung sino siya..o kung meron nga bang "siya". Tuklasin mo kung meron nga ba...at mangyayari nga. Lumabas ka sa apat na sulok ng iyong classroom...baka matuklasan mong ikaw din lang pala ang nagkulang ng pagawa ng paraan. Simple lang ang prinsipyo ko sa buhay...ewan kung sang-ayon ka. Happiness is not a destiny..it is a choice.

Salamat sa pagbisita.
Mam Eddie

Monday, March 3, 2014

Maghangad Ka ng Tagumpay

Lesson 35
     Lahat ng tao ay nais maging matagumpay sa mga gawain na kanilang ginagampanan.Pero paano nga ba ito magaganap? Basahin at pagmunihan ang mensahe ng tulang ito:

Be The Best of Whatever you Are

If you can't be a pine tree on the top of the hill
Be a scrub in the valley-but be
The best little scrub by the side of the hill
Be a bush if you can't be a tree.

If you can't be a highway, then just be a trail
If you can't be a sun, be a star...
It isn't in size that you win or fail-
Be the best of whatever you are.

Ano ang ibig sabihin ng tula? Paano mo ito maiuugnay sa pagtatagumpay ng iyong gawain sa kasalukuyan at sa hinaharap?

Konsepto ng Pagpapahalaga

      Ang pagtatagumpay ay hindi mahirap para sa taong nagpapakita ng kagalingan at nagbibigay ng pinakamabuti nilang magagawa sa kanilang mga gawain. Ang pag-abot sa tagumpay ay isang hamon para sa lahat ng may pangarap sa buhay. Subalit ito ay isang bagay na nakalaan lamang para sa mga taong may pagpapahalaga sa uri at kalidad ng kanilang gawain. Ang pagpapakita ng kahusayan sa gawain ay dapat na maging layunin ng bawat isa na naghahangad ng tagumpay sa kanilang kasalukuyang gawain at maging propesyon sa hinaharap.


      Ang pagtatagumpay sa propesyon ay hindi kusang dumarating. Mas magandang paghandaan ito ngayon pa lamang. Kung gusto mong magtagumpay, makakatulong ang mga sumusunod na puntos upang maihanda mo ang iyong sarili para sa layuning pagtatagumpay ng iyong buhay sa hinaharap.
Una, kung gusto mong magtagumpay, alamin kung ano ang iyong nais gawin at layunin. Ito ay makakatulong upang lagyan ng pokus ang mga gawain mo sa kasalukuyan. Ang kaalaman sa direksyon na nais mong tahakin ang magsasabi kung ano ang mga gawain na dapat at hindi mo dapat gawin. Kung ang iyong ginagawa ay hindi makapagdadala  sa iyo sa iyong mithiin, mas makabubuting iwanan o isantabi ang mga ito. Hanapin ang mga gawain na magdadala sa iyo sa direksyon na nais mo.

Ikalawa, kung gusto mong magtagumpay, pagbutihin ang iyong sarili. Paunlarin mo ang mga katabgian at kakayahan na makakatulong sa iyo upang makamit ang tagumpay.

Ikatlo, kung gusto mong magtagumpay, alamin ang pagtataya ng ibang tao sa iyong gawain. Ang impormasyon na maibibigay nila ay magandang simula ng pagpapaunlad ng iyong sarili. Maging bukas sa anumang puna o papuri na ibibigay ng iba ukol sa iyong gawain.....ang taong humihingi ng opinyon ng iba ay tanda ng pagnanasang matuto at lumago....

Ikaapat,kung gusto mong magtagumpay, magkaroon ng positibong kaisipan. Magtiwala sa sariling kakayahan at ilagay sa isipan na magiging mahusay ka sa iyong gagawin at magtatagumpay ka sa hinaharap.

Ikalima, kung gusto mong magtagumpay, magsimula ka ngayon. Ang pagtatagumpay at kagalingan ay dapat na simulan sa mga bagay na ginagawa mo sa kasalukuyan.Sa lahat ng iyong gawain sa paaralan o sa tahanan man, snayin mo ang iyong sarili na maibigay ang pinakamabuti mong magagawa. Gawin mong layunin ang pagtatagumpay sa anumang gawain na iyong kinasasangkutan. Ang lahat ng ito ay maliliit na hakbang patungo sa kagalingan at pagtatagumpay na hinahangad mo sa iyong propesyon sa hinaharap.. Hindi dapat ipagpabukas o ipagpaliban pa ang paghahangad ng tagumpay

           Huwag hayaang magsisi sa dakong huli dahil sa hindi mo nagawa agad ang mga bagay na dapat mong simulan ngayon pa lamang. Hindi iglap ang pagtatagumpay. Nangangailangan ito ng mahabang panahon ng paghahanda at pagsasagawa.


Reference: Kaganapan sa Paggawa III
                      Twila Punsalan atbp.ph.231-235.

Thursday, February 27, 2014

Mga Paraan sa Pagpapa-unlad ng Kakayahan

     Ang isang kakayahan ay bunga ng pagsasanay at paglalaan ng oras upang malinang ang kakayahang ito. Ang mga kakayahang kailangan sa isang propesyon ay dapat na nililinang ngayon pa lamang. Ang maagang paghahanda para sa propesyong binabalak ay makapagbibigay kalamangan sa isang tao pagdating ng takdang panahon. May mga bagy na dapat tandaan, mga paraang dapat gawin na makakatulong sa isang tao upang  mapaunlad o malinang sa kanya ang isang kakayahan.
1. MAGSANAY-ito ang pangunahing paran ng paglinang ng kakayahan ng isang tao. Ang isang kakayahan ay resulta ng pagsasanay gaya ng nasabi sa una. Samakatwid, lahat ng pagkakataon na makikita upang magamit ang isang kaalaman ay dapat na samantalahin upang maging kakayahan ito.
2.MAGHANAP NG SUPORTA- ang pagkakaroon ng mga tao na susuporta sa pagnanais mong mapaunlad ang kakayahang nasa iyo ay makatutulong upang magawa mo ang nais mo....nangangahulugan ito ng paglayo sa mga tao na humahadlang o nagiging sagabal sa nais mong pagpapa-unlad ng kakayahan. Tukuyin mo kung sino ang mg tao na dapat mong samahan dahil sila ang makapagbibigay sa iyo ng inspirasyon upang ituloy ang nais na gawin. Gayundin, tukuyin ang mga taong hindi makakatulong sa iyong nais na pagpapa-unlad sapagkat mapipigil nila ang enerhiya na nasa iyo.
3. MAGBASA- nakatutulong ito dahil naipaliliwanag nito ang mga prinsipyo at mga konseptong kaugnay ng kaalamang nais matutunan. Kailangang isagawa ang mga binasa upang malaman ang katotohanan nito at kung ito ay maaaring gawin sa reyalidad. Sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsubok sa binasa, higit na magiging matatag ang kaalaman at kakayahan na nasa isang tao sapagkat nagkakoon ng pundasyong teoritikal ang pagsasagawa ng isang gawain.
4. MAGPATURO-gawing modelo ang  mga taongmayroong kakayahang nais mong taglayin. Sumama ka sa kanila, magtanong at humingi ng payo kung paano malilinang ang iyong mga kakayahan.
5.MAGMASID-pansinin, panoorin at obserbahan ang mga taong nagpapakita ng kakayahang nais mong paunlarin. Mula dito ay magkakaroon ka ng aktwal at direktang pagkatoto.

Reference:
Kaganapan sa Paggawa III
Twila Punsalan et.al.
ph.226-228.

Monday, February 24, 2014

Mga Kakayahang Kailangan sa Paggawa

   Konsepto ng Pagpapahalaga

     May mga kakayahang kailangan sa bawat hanapbuhay na hahanapin sa sinumang gumagawa ng hanapbuhay na iyon. Gayundin, may mga pangunahing kakayahan na dapat taglayin ng isang maggagawa anuman ang  hanapbuhay na kanyang papasukin. Mahalagang malaman ang mga pangunahing kakayahan at ang mga kakayahang kailangan sa isang hanapbuhay upang sa mga ito ituon ang pagsasanay at malinang nang mabuti ang mga ito.

Mga Kakayahang Kailangan sa iba't-ibang hanapbuhay:
1. Kakayahang tumukoy, mag-ayos, mag-plano at magbaha-bahagi ng oras, salapi, mga gamit at pasilidad at yamang-tao.
2. Kakayahang gumawa kasama ng iba.
3. Kakayahang kumuha, mag-ayos, magpakahulugan at gumamit ng impofrmasyon.
4.Kakayahang umunawa at mag-ayos ng sistema.
5.Kakayahang gumamit at mag-ayos ng teknolohiya.

Mga Pundasyong Katangian na kailangan sa lahat ng hanapbuhay.
1.Pangunahing kakayahan gaya ng pagbabasa, pagsusulat, pakikinig at pagsasalita 
2.Kakayahang pangkaisipan gaya ng malikhaing pag-iisip, pagdedesisyon, biswalisasyon
3.Personal na katangian gaya ng responsibilidad, pagpapahalaga sa sarili, pakikitungo sa iba, integridad at katapatan.

          Ang mga kakayahan at pundasyong katangian na ito ay kailangang malinang ng sinuman na naghahangad na magkaroon ng trabaho at maging matagumpay dito. Ang kaalaman na dapat pumasok sa tamang oras, na dapat magkaroon ng alternatibong plano sa mga di-inaasahang sitwasyon, kung paano pakikisamahan ang katrabaho, at kung kailan tatawagin ang superbisor, ay mga kaalamang hinihingi ng kahit anong hanapbuhay.

Pagtataya:
Pagpasyahan kung tama o mali
1. May mga partikular na kasanayan at kakayahang kailangan sa bawat propesyon._______
2.Dapat linangin ang mga kakayahang kailangan kapag nagtratrabaho na ang isang tao.________
3. Pare-pareho lang ang mga kasanayang ginagamit sa iba't-ibang propesyon._______
4. Ang mga pundasyong kasanayan ay kailangan sa lahat ng propesyon._________
5. Ang mga kakayahang kailangan sa isang trabaho aynakabatay sa gawain sa trabahong iyon.____

Reference:
Kaganapan sa Paggawa III
Twila G. Punsalan 

Wednesday, October 9, 2013

Guro

 Araw ng mga Guro- October 5
           Sa bawat taon ay ipinagdiriwang ang araw na ito. Natatangi para sa lahat ng guro sa buong mundo. Kanya-kanyang paraan ng padiriwang...may pagdaraos ng mga paligsahan...pagpapakita ng galing at kakayahan...pagpunta sa iba't-ibang lugar pahingahan...'ika nga'y araw din ng pagkakasama para sa pasasagawa ng mga actibidad tungo sa mas makabuluhang buhay pagtuturo. Anumang paraan ang pagdiriwang sa araw na ito...higit na dapat bigyan ng kabuluhan dito ay ang katotohanang sa bawat araw  ng mga guro, makikita ang saya, magandang samahan, pagpupursige, dedikasyon at ang patuloy na hangaring magsilbi at magturo ng mga kabataang siyang pag-asa ng bayan sa hinaharap. Kung wala ang mga guro...paano na ang mga kabataang ito? Marapat lang ang pagbibigay ng parangal at natatanging araw para sa kanila! Happy Teachers' Day....

            Ang mga sumusunod na larawan ay mga pangyayari sa pagdiriwang ng
World Teachers'Day-MPJCL Teachers at Caliraya  Resort Club










.....

Saturday, August 31, 2013

Pila po!


         Isa sa mga gawaing natutunan ng sinuman mula pa siguro pagkabata ay ang pumila... itinuturo ang tamang pagpila sa tahanan, sa paaralan at kahit saang lugar. Ang masaklap nito, malaking bahagi ng ating oras ang nagugugol lamang sa pagpila.
         Gusto kong balikan ang isang karanasan tungkol sa pagpila.
         Kailangan kong pumunta sa Baguio upang mag-renew ng aking lisensya. Gumising ako ng maaga upang maaga akong makaalis. Medyo malayo din ang Baguio City mula sa aming lugar. Kung gaano kaaga akong nagising ay ganoon din ang mga kasama ko sa bahay upang pumasok sa eskwela at trabaho. Kailangan kong pumila sa bathroom…may nauna na sa akin! Pagkatapos kumain ng agahan ay mabilis na akong nagbihis para magbyahe. Marami ng pasaherong naghihintay ng van pa-Baguio ng alas sais ng umaga. May nauna na sa akin kaya kailangan kong pumila sa dulo ng medyo mahaba nang pila!
        Pangalawa na ito Lord, sa isip isip ko.
        Nakaalis din ang van sa wakas.
        Pagdating ng toll gate…pila ang inabot namin …kahit pa sabihin mong limang sasakyan lang naman ang sinusundan ay pila pa ring matatawag. Huh! Pangalawang toll gate…ganoon din ang pila…salamat na lang at hindi naman masyadong mahaba…minuto lang naman…Pang-apat na ito Lord!
      Pasado alas  nuwebe na marahil nang makarating ako sa opisinang dapat kong puntahan. Siyempre ano pa nga ba ang dapat kong asahan kundi ang pumila? Sa pagkuha ng application form…..window 7 pila….window 8 pila…window so and so pila….balik uli sa window 8 pila… kailangan ko pa pala ng picture with name tag!
       "Nasaan ba ang pinakamabilis na photo lab ading?"  Sa wakas , sa dami ng pinagtanungan ko…pinakamabilis ang sa tantiya ko ay ang magpunta sa SM na medyo malapit lang naman….kaya pa naman marahil ang maglakad hanggang doon…pataas ng konti…pero kaya!
     Sa isang photo shop sa SM Baguio ako humantong baby ko!
      Ano pa ang dapat kong asahan kundi ang pumila pagkat hindi lang naman ako ang umakyat ng Baguio! Fifteen to forty five minutes plus ang aking nagugol na oras sa picture lang naman, pero mabuti na 'yon kesa abutin ng gabi dito sa Baguio.
     Ginutom  po ako dahil mag-aalas dose na pala. Diyata't hindi pa ako natatapos sa aking pakay ay nangalahating araw na ako.
     Kailangang kumain kung ayaw kong matumba sa gutom. Ang ginaw pa naman…at kailangan ang kape  talaga.!  Saan ba ang magandang lugar? Iyong wala nang pila…pero sa oras na ganito ay bihira ang kainan na walang tao. Lahat ay may pila…sa Jolibee..sa Mc Do…Greenwich…KFC…mamahalin o hindi…may pila at ang hahaba pa! Gutom na gutom ang mga tao sa pakiwari ko. Umakyat ako…tama ba? Sa foodcourt…baka konti ang tao…pero laking pagkakamali dahil mas makapal pa pala ang pila dito.
Baba uli…sa labas..sa gilid ng SM…may mga kainan din ... pero pareho lang…wala po akong nagawa kundi ang pumila. Para lang sa isang choco drink at simpleng pagkain…isang oras lang naman baby ko!
      Ala una nang bumalik ako sa opisinang sinadya. Isa-submit ko lang naman na ang mga requirements…madali na siguro…okay na. Kailangan ko pa ring pumila sapagkat sabi ko nga, hindi lang ako ang umakyat ng Baguio upang mag-renew ng lisensya.
       Ang pagpila ay bahagi na ng buhay ng tao. Kaayusan ang dulot nito. Sa tahanan, sa paaralan o kahit saan man ay itinuturo ang maayos na pagpila upang magkaroon ng maayos na daloy ng pagpasok, paglabas, maiwasan ang pagsisikip, paggigitgitan, tulakan o anupamang aksidente na matatamo ng bawat isa.
      Kung may kabutihan ay mayroon din namang di-magandang hatid ito. Marahil ay hindi lang natin pinapansin.
      Nakakairita at nakaka-ubos oras ang dami ng pilang pwedeng maranasan sa isang araw. At kung kwentahin ang kabuuang oras na ginugol sa pagpila...matutuklasan na hindi nalalayo o kaya'y  higit na marami kaysa sa oras na ginugol sa makabuluhang bagay.
       Hindi ko maubos maisip kung paano kita makukumbinsi dito. Kung marahil ay hindi ko naranasan at madalas maranasan ang mga pangyayaring katulad ay hindi ko mabubuo ang artikulong ito.


Ang pagpila ay tanda ng disiplina!