Monday, September 3, 2012

Laklak

Mga pangyayari sa buhay ng isang guro ang artikulong ito.

Ewan ko ba kung bakit hindi ko makalimutan...hindi siya ganoon kalalim...pangkaraniwan kung baga pero parti ng buhay...simple ngunit, nagbigay ng di matatawarang karanasan. Pambihira...sapagkat...siya lang marahil ang nakaranas ng mga ganoong pagkakataon. Nais ko lang ibahagi upang kahit paano, baka maging inspirasyon sa iba, lalo na sa'yo......

Medyo malakas ang ulan...mga six thirty ng umaga ay lumabas na siya ng bahay upang makarating sa paaralan bago mag-seven fifteen. Seven thirty ang oras ng kanyang klase. Dalawang sakayan lang naman...mini bus at tricycle papasok. Kailangan pa niyang suyuin ang driver upang huminto sandali sa isang karinderya para bumili ng pagkain para sa tanghalian. Nagsasawa na daw siya sa araw-araw na mabibili sa school canteen. Sa loob ba naman ng labing-limang taon..."Nakakasawa na talaga!" Mahirap ding magluto sa umaga.

Nagmamadali siya sa pagsakay sa likod ng tricycle upang hindi mabasa ang pinakaiingatang uniporme. Dangan kasi at hindi uso ang mga gentlemen kapag ganito ang panahon.

Humarurot ang sasakyan sa pag-aakalang okay na ang pasahero sa likod. Hindi pa man nakakalayo ng ilang metro...nahulog ang kanin at ulam na bagamat nasa plastic ay himala namang hindi napisa at natapon sa basang kalsada!
"Ma'm...'yong ulam mooo!!!" Narinig niyang may sumigaw.
"Ihinto mo!"
Bumaba ito at maingat na pinulot at saka isinilid sa bag ang pobreng kanin at ulam.
Biniro ko siya. "This is one of my unforgettable experience as a teacher!"
"Oo nga. Sinabi mo pa!"

Hindi naging balakid ang malakas na ulan upang itigil ang pagdiriwang ng World's Teachers' Day, October 5, 2009. Makikitang masaya pa rin ang mga guro...videoke...may kaunting salu-salo...konting tawanan...pataasan ng score sa videoke...medyo nakakatakot na ang ulan kasi parating na ang bagyong Pepeng...malupit!

Nang siya na ang nakahawak ng mikropono...sa saliw ng awiting "Laklak"...tumindi ang buhos ng ulan! Sige pa rin...ang iba ay naglaho na sa stage...halos di na kasi marinig ang videoke. Mas malakas ang buhos ng tubig sa bubong...open arena...kaya wala nang nanonood sa ibaba.

Nakapangingilabot ang dilim ng langit at hindi karaniwan ang tindi ng buhos ng ulan, sa totoo lang po. Pero kalmado pa rin ang lahat...sa stage...maliban yata sa kanya na patuloy pa rin sa pag-awit.

Nilapitan siya ng isang lalaking guro na may dalang payong, pasayaw sayaw at saka pinayungan siya habang kumakanta. Nasa ganoon silang anyo hanggang matapos ang awiting "Laklak"!

Tawanan ang lahat.
Sabi ko sa kanya. "This is one of my unforgettable experience..."
Sumagot siya. "Luko-luko talaga 'yon! Hindi ko masaway eh..kumakanta ako eh!"

Sa tuwing malalakas ang ulan at paparating ang Teachers' Day...bumabalik sa aking ala-ala ang mga pangyayaring ito.


Salamat sa pagbisita,
Mam Eddie


No comments:

Post a Comment