Friday, November 30, 2012

EsP II Yunit III Aralin 1

Pasasalamat

PASASALAMAT SA GINAWANG KABUTIHAN NG KAPWA
Ang pagpapasalamat, madaling sabihin pero bakit parang sa ilan napakahirap itong bitawan. May mga pagkakataon marahil na may nakaharap ka na isang bata o mas nakatatanda sa iyo na hindi mo ikinatuwa dahil sa kabila ng kahit maliit lamang na bagay na nagawa mo para sa kanya ay hindi manlamang nagpakita ng damdamin ng pasasalamat. Parang wala lang… Nakalulungkot di ba? Minsan nga nakakaiinis. At sinabi mo sa sarili mo na kahit na kailan hindi mo na siya tutulungan ulit.
Ano nga ba ang kahalagahan ng pagpapasalamat? Bakit nga ba marami nang tao sa ngayon, lalo na mga kabataan, ang nakalilimutan na yata ang magpasalamat? Tama bang pangangatwiran na hindi ka na tumulong dahil hindi ka napasalamatan? Bago natin sagutin ang mga tanong na ito, linawin muna natin kung ano nga ba ang kahulugan ng pasasalamat.

Ang salitang pasasalamat na sa salitang Ingles ay “gratitude” ay ngangahulugang damdamin ng pasasalamat at katuwaan bilang tugon sa pagtanggap ng isang regalo o kaloob – karapat-dapat man ito o hindi para sa iyo, materyal man o simpleng kabutihan mula sa iyong kapwa. Ang pasasalamat ay isang pagpapasya. Ito ay laging nariyan, hindi nawawala o hindi namamatay, ngunit ang tao pa rin ang mamimili kung lagi itong isasama bilang bahagi ng kanyang buhay.

Paano nga ba taglayin ang damdamin ng pasasalamat? 
Mahalagang simulan ito sa ating sarili. Minsan kasi masyado tayong sensitibo sa paghahangad ng pasasalamat mula sa iba ngunit hindi tayo sensitibo sa pagbibigay ng pasasalamat sa ating kapwa. Tandaan mo na hindi mo kayang
ibigay ang anomang wala sa iyo. Kung kaya sa araling ito sisimulan natin ang pagtuturo sa ating sarili na maging mapagpasalamat. Ang asal at kilos ng  isang tao ay naiimpluwensyahan ng kanyang pansariling mga pananaw. Sumusunod ang ating kilos batay sa takbo ng ating isip. Kung mulat ang ating mga mata at isipan sa dami ng mga magagandang bagay na mayroon tayo sa araw-araw: pagkain sa mesa, damit na maisusuot, pamilya, kaibigan, kalusugan at edukasyon, saka pa lamang natin mapahahalagahan ang pagiging mapagpasalamat.

Kaya lang kung minsan, marami tayong hinahangad, masyadong malayo ang ating paningin kung kaya nalalampasan natin ang mga tao at bagay na malapit sa atin. Sa ganitong mga pagkakataon,
nakaliligtaan natin ang magpasalamat. Huwag mo sanang kalilimutan na ang tunay na kasiyahan at kaligayahan ay hindi nakabatay sa yaman o kasikatan. Kasi kung ang mga ito ang nakapagpapaligaya sa tao, bakit maraming milyonaryo at mga artista ang nagpapakamatay, nalululong sa droga at nasisira ang pamilya? Nabubulag ang maraming tao sa kinang ng salapi at nalulunod sa ibinibigay na paghanga kung kaya nakalilimutan nilang pahalagahan ang maliliit ngunit makabuluhang bagay sa kanilang paligid. Hindi natin maitutuon ang ating pansin sa halaga ng pagiging mapagpasalamat kung ang ating isip at puso ay puno ng mga paghahangad at kagustuhan. Kailangan natin maging masaya sa kung ano ang mayroon tayo ngayon upang magkaroon tayo ng pagkakataon na makita ang tunay na ganda ng buhay. Ang lahat ay dito nagsisimula. Dito nakasalalay kung paano rin tayo magiging mapagpasalamat sa anomang bagay na ginagawa sa atin ng ating kapwa.

Isa ka ba sa mga bulag sa ganda ng buhay? Hindi ba maganda ang iyong pananaw sa mundo kung kaya hindi rin maganda ang pananaw mo sa mga tao sa iyong paligid? Kailangang mabago ito, kung ang iyong nais ay tunay na maging makabuluhan ang iyong buhay. 

Narito ang ilang mga mungkahi upang mabago ang ating pananaw at asal gamit ang pasasalamat (gratitude).

1. Gamitin mo ito upang hindi mabigyang-puwang ang anomang negatibong damdamin. Minsan, hindi maganda ang gising mo sa umaga, parang wala kang gana kumilos, mag-isip at makihalubilo. Upang mawala ang damdaming ito, mag-isip ka ng kahit isang bagay lang na dapat mong ipagpasalamat. Ang simpleng magising ka pa para sa isa na namang araw ay napakalaking biyaya na dapat ipagpasalamat. Dito mo madalas na ituon ang iyong pansin sa buong araw, lalo na kung bumabalik na naman ang damdamin ng pagkabagot at kawalang-gana. Hayaan mong burahin ng pagpapasalamat ang anomang hindi magandang damdamin. Ikaw lamang ang makagagawa nito, ikaw ang magdidikta sa iyong isip ng kung ano ang iyong iisipin.

2. Simulan mong magpasalamat sa lahat ng tao na iyong nakasasalamuha sa bawat araw. Mayroon ka bang kaklase na sa iyong palagay ay sinusubok ang iyong pasensya sa madalas na pagkakataon? Kapag may ganito kang damdamin, mag-isip ka ng anomang bagay na taglay ng taong ito na karapat-dapat mong ipagpasalamat. Lagi mong ipaalala sa iyong sarili na ang lahat ng tao ay mayroong positibo at negatibong katangian. Lagi mong ituon ang iyong pansin sa mga positibong katangian ng iyong kapwa at mapapansin mong mababago nito ang iyong paraan ng pakikitungo sa kanila.

3. Sa tulong ng pagiging mapagpasalamat mas matutuon ang iyong pansin sa mga mabubuting bagay sa iyong paligid. May mga pagkakataon ba na tinatalo ng negatibong pag-iisip ang iyong tiwala? Kahit pa naglaan ka ng sapat na panahon sa pag-eensayo, kapag nakita mo ang iyong mga makakalaban sa paligsahan, natatakot ka na matalo. Hindi ito magandang palatandaan. Sa halip dapat mong isipin na, “ginagawa ko ang lahat upang ako ay maging mahusay. Ang lahat ng aking sakripisyo ay magbubunga. Ako ay labis na nagpapasalamat sa ganitong talentong ibinigay sa akin ng Diyos. Sa tulong ng ganitong pag-iisip matutuon lamang ang iyong pansin sa pag-iisip na magandang pagkakataon ito upang ibahagi sa iba ang iyong talento na biyaya ng Diyos. Mawawala ang pag-aalinlangan. Mapapawi ang takot. Sa ganitong proseso, magiging malaking bahagi ng iyong pang-araw-araw na buhay ang pagpapasalamat. Tandaan mo na ito ay pinipili, ikaw lamang ang magpapasya kung talagang nais mong maging ganito ang takbo ng iyong buhay. Lagi mong isaisip at isapuso ang dalawang mahalagang  bagay kung iyong mapagpasyahang simulan na gawing bahagi ito ng iyong buhay.

Una, ilagay mo sa gitna ng iyong buhay ang pagiging mapagpasalamat at pangalawa, hanapin mo ang kahit pinakamaliit na bagay na dapat mong ipagpasalamat sa iyong pag-iral, lahat ng iyong karanasan at pakikipagugnayan. Ngunit kung minsan siguro naiisip mo, paano ako magpapasalamat kung ang lahat na yata ng nangyayari sa buhay ko ay hindi naaayon sa gusto ko? Paano kung parang mali yata ang maraming aspeto sa aking buhay?

Ayon kay Terrance McConnel, ang pinakamahalagang bagay na nararapat mong gawin ay ang tanggapin ang pananagutan sa kung anoman ang nangyayari sa iyong buhay. Ikaw lang naman talaga ang nagpapatakbo ng iyong buhay. Hindi tama na iasa mo na lamang lahat sa ibang tao ang mga pagpapasya mo sa buhay at ang isisi mo sa ibang tao ang iyong mga pagkakamali. Anoman ang mali sa buhay mo ngayon ay bunga ng mga pagkakamali mo sa nakaraan. Ito ay bunga ng hindi mo pagiging maingat sa iyong mga pagpapasya at kilos. Kung ikaw ang dahilan sa anomang bagay na nangyayari sa iyo sa kasalukuyan, ikaw din ang maaaring makapag-ayos nito. Ang kailangan lamang ay tanggapin mo ito

Ang bawat pangyayari o karanasan sa iyong buhay ay parang isang “guidepost” na nagsasabi sa iyo kung ikaw ba ay nasa tamang landasin patungo sa iyong mithiin. Ito rin ang nagsasabi sa iyo kung mayroong kailangang mabago sa iyong mga pananaw upang iwasan na ang makagawa pa ng isa pang pagkakamali. Mahalagang kilalanin at ipakita mo ang pagpapasalamat dahil ang lahat ng nangyayari sa iyong buhay ay isang milagro, ito ay isang likha na walang ibang gumawa kundi ikaw lamang.


Bahagi na ng ating pagkabata ang pagtuturo sa atin ng ating mga magulang na maging mapagpasalamat sa mga ginagawang mabuti sa atin ng ating kapwa. Kung kaya mabilis para sa atin ang magsabi ng SALAMAT dahil ito ay bahagi ng turo sa atin ng kagandang-asal. Ang ating kakayahang magpasalamat kahit na sa napakaliit na bagay na nagawa para sa atin ng ating kapwa ay palatandaan tayo ay nahubog ng ating mga magulang na taglay ang pagpapahalaga.

Mahalagang ibalik natin ang nararapat para sa taong nagbigay ng tulong sa atin; makasarili ang taong ipagsasawalang-bahala ang tulong na ibinibigay ng kapwa. Ang ating mga magulang halimbawa, alam natin na ang kanilang ginagawa para sa atin ay hindi naghihintay ng anomang kapalit o kabayaran. Taos sa kanilang puso ang tayo ay paglingkuran bilang kanilang anak. Ngunit hindi ito nangangahulugan na sila ay hindi na pasasalamatan. Mas nararapat  na sila ay pasalamatan dahil sa kanilang pagmamahal at pag-aaruga sa atin hanggang sa ating paglaki.

Makatataba ng kanilang puso ang makitang sinusuklian mo ang kanilang pagmamahal at pag-aaruga. Narito ang ilan sa mga makabuluhang paraan kung paano mo maipakikita ang iyong pasasalamat sa loob ng tahanan: (International Association of Character Cities, 2000)
_ Paggawa ng mga gawain sa tahanan nang kusa o kahit hindi inuutusan. Ito ay makababawas sa gawain ng iyong mga magulang. Ang panahong gugugulin nila para rito ay maaari nang ilaan para sa iba pang gawain o sa pagpapahinga. Tandaan lamang na ito ay dapat na ginagawa nang may pagmamahal at pananagutan
_ Pagsasabi sa mga magulang at kapamilya ng pagkalugod dahil naging bahagi sila ng iyong buhay. Sa paraang ito, maipadarama mo sa kanila na hindi ka magiging buo kung wala sila sa iyong buhay
_ Pagsasabi ng salitang “salamat” sa bawat masarap na pagkain na kanilang niluto, sa mga damit na kanilang nilabahan, sa regalong iyongAng bawat pangyayari o karanasan sa iyong buhay ay parang isang “guidepost” na nagsasabi sa iyo kung ikaw ba ay nasa tamang landasin patungo sa iyong mithiin. Ito rin ang nagsasabi sa iyo kung mayroong kailangang mabago sa iyong mga pananaw upang iwasan na ang makagawa pa ng  isa pang pagkakamali.

Ang pagpapasalamat ay isang moral na obligasyon. Ang sinomang nagbibigay ay nararapat lamang na pasalamatan. Kailangan nating ibalik sa ating kapwa ang nararapat lamang para sa kanya. Hindi ito namimili, hindi nakabatay sa kalagayan sa buhay o sa estado sa lipunan. Asahan mo na ang
lahat ng ito ay babalik sa iyo. Sabi nga ni McConnel ang pagpapasalamat ay parang isang malaking magnet na mag-aanyaya pa ng maraming biyaya na iyong ipagpapasalamat. Ikaw, nakahanda ka na bang tumanggap ng maraming mga biyaya mula sa pasasalamat?

Note: Ang artikulong ito ay hango sa Gabay sa Pagtuturo ng Edukasyon sa Pagpapahalaga II /UBD ; 2010 SEC.


Homework


Salamat po. Thank you. Agyamanak.


SSC
          Gumawa ng isang talata na naglalaman ng mga panalangin sa Diyos at nakatuon sa pagpapasalamat sa lahat ng biyayang natanggap, materyal man o di-materyal. Ito ay maaaring naglalaman din ng mga pangakong patuloy na ipagpapasalamat ang lahat ng kabutihang natanggap sa bawat araw.

Good luck.

Wednesday, October 31, 2012

Pagudpud

Paraiso sa Ilocos!


Kailangan mo ng lugar para makapagpahinga? Malayo sa gulo ng siyudad o sa dami ng mga ginagawa? Palagay ko, ito ang lugar para sa atin.



Variety is a spice of life...sabi nga nila. Kung puro tayo trabaho, at hindi na makahanap ng oras para makapagsaya o makapagpahinga...sa tunay na kahulugan ng salitang ito.. ay madali tayong mabagot sa ating mga gawain.



Kailangan din nating mag-retreat. Kung baga...parang sa isang labanan, kailangan nating umatras sandali sa laban upang makaipon ng lakas o sigla... para sa susunod na pag-atake ay malakas tayo.
Malayo man...sobrang nakakapagod man ang napakahabang biyahe...sulit ang mga sandaling ilalagi mo sa lugar na katulad nito.

Ang preskong hangin...magagandang tanawin...ang banayad na alon sa dagat lao na kapag pasikat pa lang ang araw sa umaga...'yon bang...

kagigising mo pa lang at mukhang gusto mo nang maligo...pero sobrang maginaw yata...kaya't makukontento ka na lang muna sa pagtampisaw sa malamig na tubig... 

O kaya ay mauupo ka lang muna sa mga bato...kahit ang tubig ay sobrang nang-aakit...

Puwede rin namang makontento sa pagtanaw ng karagatan mula sa veranda ng Hotel Terra Rika.

Kulang yata ang mga salita upang mailarawan ko nang husto ang paraisong ito ng Ilocos.

Sa susunod na aking pagdalaw dito, alam kong magiging kakaibang eksperyensiya at higit na saya ang aking maibabahagi hindi lamang sa iyo kundi sa lahat ng naghahanap ng paraan upang maging masigla at kapanapanabik ang bawat sandali ng buhay sa kabila ng mga dami ng alalahanin at gawaing pinagkakaabalahan.

Salamat sa pagbisita.






Vigan City


"I am a total stranger in my own country."

"Bakit ko ba nasabi ito? Sapagkat kakaiba ang kapaligiran at mga gusaling aking nakikita sa lugar na ito kumpara sa mga tipikal na lugar na aking nakikita sa araw-araw. Para bagang ako'y nadalaw sa panahon ng mga kastila na sa mga lumang larawan at pelikula na lamang nakikita sa ngayon.
Ito'y ilan lamang sa mga larawan ng mga lugar na  aming nabisita sa loob ng dalawang araw at isang gabing paglalakbay sa mga probinsya ng Ilocos."




Mcdo in Vigan

Vigan Church

Riding a Kalesa is one thing i wanna do in Vigan...pero di ko yata kaya!
Nakuntento na lang ako sa pagkuha ng larawan. 



Ilocos Sur Capitol


Pagburnayan in Vigan

Burnay jars


Heritage Village at night



Ito ang simbahan ng Vigan kapag gabi.

Tuesday, October 30, 2012

EP II Yunit II Aralin 4


ANG EMOSYON
Sabi nila ang vetsin, pampalasa ng pagkain. Itaktak mo lang sa pagkain malalasahan na ang linamnam nito. Yan ang naririnig lagi sa isang patalastas sa telebisyon. At kung gagamitin ang pagtutulad, dito natin maihahalintulad ang emosyon ng tao. Ito ang vetsin ng buhay. Ito ang nagbibigay ng buhay, kulay at saysay sa buhay ng isang tao. Masarap maging masaya hindi ba? Yung saya na parang walang anoman na pwedeng mangyari na makapapawi nito. Yung hindi maalis-alis sa mukha mo ang ngiti, nagniningning ang iyong mga mata at magaan na magaan ang iyong pakiramramdam. Ang sarap balika-balikan ng ganitong mga pagkakatao. Isa lamang itong halimbawa ng nakapakaraming iba’t ibang emosyon na maaari mong maramdaman. Makatutulong sa iyon ang babasahin na ito upang maging mas malalim ang iyong pag-unawa tungkol sa emosyon. Handa ka na ba?

Ayon sa aklat ni Adele Lynn (2005) na The EQ Difference, mayroon daw tatlong pangunahing sangkap o bahagi ang emosyon ng tao.Mahalagang maunawaan natin ang lahat ng ito upang maging ganap ang ating pag-unawa tungkol sa emosyon.

Tatlong Pangunahing Sangkap ng Emosyon
1. Nagbibigay-malay o kognitibo (cognitive component). Ang ating mga pananaw, iniisip, paniniwala, at mga inaasahan ang bumubuo sa bahagi o sangkap na ito ng emosyon. Sabi nga sa isang aklat, ayon kay Shakespeare sa kanyang aklat na Hamlet, “walang mabuti o masama, ngunit ang isip ang nagpapabuti o nagpapasama dito”. Ang ating pananaw, iniisip, paniniwala at mga inaasahan na  nananahan sa ating utak ay nakatutulong sa pagdidkta ng ating emosyon.

Halimbawa, mula sa pagkabata ay pangarap mo ng maging guro, nakahanda na ang iyong sarili na ito ang kursong iyong kukunin pagdating sa kolehiyo, labis labis ang iyong paghanga sa iyong mga guro dahil nakikita mo na ang iyong sarili sa kanila sa hinaharap. Ang lahat ng iyong pagsisikap ay iniaalay mo sa pangarap na ito. Ngunit kinakausap ka palagi ng iyong mga magulang at kanilang sinasabi sa iyo na mas maganda kung isaw ay magiging nurse dahil mas maganda ang kinabukasan na naghihintay sa iyo. Sinabi nila na may pag-asa ka pang makarating ng ibang bansa.

Nanghihnayang daw sila sa iyong katalinuhan kung ikaw ay magiging guro lamang. Sa bawat pagkakataon na kayo ay magkikita ay lagi nilang sinasabi ito sa iyo. Ikinukwento pa nila sa iyo palagi ang mga kakilala niyang nurse na nasa ibang bansa at ang napakaganda ng katayuan nila sa buhay at ng kanilang pamilya. Kung kaya habang tumatagal din ay napansin mo na rin ang pagbabago sa pagtingin at pakikitungo mo sa iyong guro at hindi na katulad ng dati ang iyong ang iyong tuwa kapag naiisip mo na ikaw ang magiging guro. Dahil nababago na ang iyong pananaw at naaapektuhan nito ang kalagayan ng iyong emosyon.

2. Pisyolohikal (Physiological component). Paano kaya kung minsan isang hatinggabi at naglalakad ka sa daan ay biglang may nakita kang tao sa iyong harapan at nakita mong tumatakbo patungo sa iyo, ano kaya ang iyong mararamdaman? Malamang labis labis ang iyong nadaramang takot. Ang takot na ito ay awtomatikong magdudulot ng reaksyon pisyolohikal katulad ng mabilis na pagtibok ng puso, panunuyo ng lalamunan, mabilis o hindi regular na paghinga, panginginig ng katawan o malamang pagpapawisan ka. Ang mga pisyolohikal na reaksyon na ito ay nakatutulong sa atin upang protektahan tayo at kontrolin ang ating kilos, tumutulong ito upang
awtomatikong tumugon an gating isip kung sa panahon ng panganib tayo na ay aatake, poprotektahan ang ating sarili o uurong na lamang. Ito ay kontrolado ng ating limbic system, partikular ang hypothalamus at amygdala. Ang ating katawan ay naglalabas ng mga malalakas na hormones na nagpapatalas ng ating pakiramdam, nagpapatatag ng ating muscle at nagpapalakas ng tibok ng ating puso. Ang iyong kakayahan na kilalanin ang mga pisikal na reaksyon na ito ng iyong katawan ay makatutulong sa iyo upang ganap mo ring makilala ang iyong emosyon. Hindi ito nagsisinungaling. Sila ang pinaka kapani-paniwalang mapagkukunan ng impormasyon  tungkol sa iyong emosyon.

3. Behavioral. Kasama rito ang iba’t ibang anyo ng ekspresyon na maaaring maidulot ng ating emosyon. Halimbawa, ekspresyon ng ating mukha (facial expression), tindig ng ating katawan, galaw, o tono ng boses na lahat ay nagbabago kung tayo ay nakararamdam ng kagalakan, takot, galit o lungkot. Ang mga reaksyon na ito ang nagbibigay sa ibang tao ng clue o palatandaan sa kung ano ang tunay na nararamdaman.

Malaki ang maitutulong ng pag-unawa sa mga sangkap na ito upang ganap na makilala ng tao ang mga emoson na kanyang nararamdaman. Ano-ano nga ba ang iba’t ibang emosyon ng tao? Ito naman ang susunod na tanong na bibigyan natin ng kasagutan.

Ayon kay Esteban (1990), mayroong mga pangunahing emosyon ang tao.
Pangunahing Emosyon
Pagmamahal (love)
Paghahangad (desire)
Kagalakan (joy)
Pag-asa (hope)
Tapang (courage)
Pagkamuhi (hatred)
Pag-ayaw (aversion)
Pighati (sorrow)
Kawalan ng pag-asa
(despair)

Ikaw, naramdaman mo na ba ito? Huwag kang mag-alala kung hindi mo pa ganap na nauunawaan ang mga emosyon na ito. Maraming tao ang nakararanas ng ganito. Hindi lahat ng tao ay ganap ang kaalaman sa kanyang emosyon, hindi lahat ay may sapat na kakayahan upang kilalanin ang kanyang tunay na nararamdaman. Sa maniwala ka o sa hindi, kailangan ding pag-aralan ang emosyon ng tao. Marahil itatanong mo, Kailangan pa ba yon? Ano naman ang tulong nito sa akin?

Noon, ang sukatan ng galing ng tao ay nakabatay sa kanyang katalinuhan, sa kakayahan ng kanyang isip. Sabi nga nila, nakakainggit naman ang taong mataas ang IQ. Ngunit sa paglipas ng panahon at nakikita nila na sa maraming mga institusyon,
mayroon pa ring kulang sa katalinuhan na nagiging balakid upang hindi maging ganap ang kanilang tagumpay. Maraming matatalinong tao na hindi pa rin nahahanap ang kakuntentuhan sa buhay. Kaya nilang bigyang katwiran ang maraming bagay ngunit bakit hindi pa rin sapat. Dahil sa maraming pangyayaring katulad nito, nakita ng maraming siyentipiko ang halaga ng emosyon at ang kapangyarihan ng pangangalaga rito.

Nakakita ka na ba ng isang lalaki na sa sobrang galit ay sinusuntok ang pader  o kaya naman ay nag-aamok sa daan? Nakarinig ka na ba ng balita na may isang tao na inatake sa puso nang malaman na nanalo siya sa lotto? O ng isang kabataan na sa labis napaghahangad na mahalin ng isang babae ay gumawa ng paraan upang ito ay paniwalain sa maraming mga kasinungalingan?

 Ilan lamang ito sa mga patunay na maraming mga pagkakataon na hindi napanghahawakan ng tao ang kanyang emosyon at nagdadala ito ng hindi magandang bunga sa kanyang sarili at maging sa kanyang pakikipag-ugnayan sa kanyang kapwa. Ito ang dahilan kung bakit kailangan ng tao ng literasiya (literacy) sa kanyang emosyon. 

Kung titingnan mo ang katumbas na salita sa Filipino ng literacy, makikita mo na ito ay karunungang magbasa at magsulat. At sa pakahulugan ni Francis Seeburger (1997) sa emotional literacy, inihalintulad niya ito sa karunungan ng tao sa pagbasa. Dahil ito ay ang pagkakaroon ng tao ng sapat na karunungan upang basahin ang kanyang emosyon.

Dalawa ang kakayahan na binanggit ni Seeburger sa kanyang aklat:
1. Linangin ang kakayahan ng tao na maramdaman ang lahat ng mga emosyon at,
2. Pag-aralang maramdaman ang emosyon na akma sa totoong sitwasyon na ating kinasasangkutan.

Para sa kanya kailangan munang pag-aralan na basahin ng isang tao ang mga emosyon. Katulad ng isang batang nagbabasa, kailangan muna niyang mabasa ang bawat isang salita, kailangan munang malaman ng tao ang bawat isang emosyon at maramdaman ito at makita ang pagkakaiba nito sa iba pang emosyon. Sa ganitong paraan mas madali na para sa atin na malaman kung ano ang nararapat na emosyon sa bawat pangyayari na kinakaharap natin sa araw-araw. Hindi tayo aabot sa pagkakataon na parang wala tayong maisagot kundi, “Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman”. Kapag napagtagumpayan ito, magiging madali na ang pagsisimula sa pag-aaral ng pamamahala sa emosyon.

Mahalaga rin na matutunan na magkaroon ng kamulatan sa sariling emosyon. Ito ay nangangahulgang pagkilala sa kung paano nakaaapekto ang ating emosyon sa ating pagganap ng ating mga gampanin at ang ating kakayahan na gamitin ang ating mga
pagpapahalaga upang gabayan tayo sa ating mga pagpapasya. Ang mga taong mayroong ganitong kakayahan ay (Goleman, 1998):
1. Nakikilala kung ano ang emosyon na kanilang nararamdaman at mulat sa dahilan
2. Nakikilala ang kaugnayan ng kanyang damdamin at ng kanyang iniisip, ginagawa at sinasabi
3. Nakikilala kung paano naaapektuhan ng kanilang damdamin ang kanilang pagganap o paggawa
4. Mayroong kamulatan sa kanilang pagpapahalaga at mithiin

Ayon kay Goleman, ang taong may kagalingan sa kakayahan na ito ay mulat sa kanyang emosyon sa lahat ng pagkakataon –madalas na napupuna kung ano ang pisikal na pakiramdam na kaakibat nito. Nasasabi niya ang mga damdamin na ito at naipakikita ang niya ng wastong ekspresyon nito. Hindi ito mahirap, lalo na kung pagtutuunan ng pansin at pagsisikap. Kapag napagtagumpayan mo ito, masasabi na na mataas ang iyong EQ o Emotional Quotient, mas kilala itong Emotional Intelligence.
Ito ang nakita ng mga siyentipiko na pantapat sa IQ, ito ang nakikita nilang kakulangan ng mga taong mataas ang IQ ngunit hindi pa rin masaya at ganap na nagtatagumpay. Ayon pa rin ay Goleman, mahalagang mapagyaman ng tao ang kanyang kakayahang emosyonal at sosyal upangganap na mapangasiwaan ang iyong emosyon.

Limang Pangunahing Kakayahang Emosyonal at Panlipunan
1. Pagkilala sa Sarili (Self-awareness). Pag-alam sa kung ano ang ating kasalukuyang nararamdaman at gamitin itong gabay sa ating mga pagpapasya; pagkakaroon ng makatotohanang pagsusuri sa ating mga kakayahan at makatwirang tiwala sa sarili
2. Pangangasiwa sa Sarili (Self-regulation). Pangasiwaan ang ating damdamin upang ito ay makatulog sa halip na maging sagabal sa ating mga kasalukuyan gawain; pagpapairal ng katapatan sa halip na pagtugong sa pansariling kasiyahan sa pagkamit ng mga mithiin; at magiting na pagbangon mula sa dalamhati, sakit o pangamba
3. Motibasyon. Gamitin ang ating kakayahang mamili upang makatulong sa pagkamit ng ating mga mithiin, tulungan tayongmagsimula at magsikap na pagyamanin ang sarili at magtiyaga sa kabila ng mga sagabal at kabiguan
4. Pagdama at Pag-unawa sa Damdamin ng iba (Empathy). Pagdama sa kung ano ang nararamdaman ng kapwa, maunawaan ang perspektibo ng ibang tao at pagyamanin ang pakikipag-ugnayan at pakikiisa sa iba-ibang uri ng tao
5. Kakayahang sosyal. Napamamahalaan nang mahusay at wasto ang emosyon sa pakikipag-ugnayan gamit ang kakayahang basahin ang sosyal na sitwasyon at maayos na pakikipag-ugnayan; ginagamit ang mga kakayahan na ito upang makahimok at mamuno, makipagkasundo, at magsaayos ng hindi pagkakaunawaan para sa pagtutulungan at teamwork.

Ang ilan sa mga pangunahing hinahangad ng tao ay ang magtagumpay sa buhay, maging masaya kasama ang pamilya at ang magkaroon ng mabuting pakikipag-ugnayan sa kapwa. Ang lahat ng ito ay makakamit kung tunay na pagsisikapan at kung ilalapat natin ang mga kaalaman ukol sa pamamahala ng ating emosyon at kung gagamitin mong gabay ang mga pagpapahalaga at birtud.

Lagi mong tatandaan, hindi makatutulong kung lagi susunod lamang ang iyong katawan sa digta ng iyong emosyon. Kailangang laging isaisip na kailangan mong ipakita ang tamang damdamin sa tamang lugar, tamang pagkakataon at sa tamang tao.

Huwag mong talikuran ang hamon upang mapataas ang iyong EQ. Makikita mo na sa pagtatagumpay mo, hindi matutumbasan ng anomang halaga ang premyo na iyong makukuha. Ngayon pa lang. Simulan mo na.

Hango sa 2010 Secondary Education Curriculum
Gabay sa Pagtuturo sa Edukasyon sa Pagpapahalaga II

EP II Yunit II Aralin 3


KOMUNIKASYON SA PAKIKIPAGKAPWA

Dati, kapag may gusto kang sabihin sa isang tao, kailangan mo siyang puntahan, gaano man siya kalapit o kalayo sa iyo. Mahalaga man o hindi ang sasabihin mo, kailangan mong maglaan ng pagod upang ito ay maibahagi. Ngayon, ilang pindot na lang sa telepono, masasabi mo na ang iyong nais sabihin, ilang tipa na lamang sa keyboard ng computer at maibabahagi mo na ang iyong kaisipan at damdamin sa isang tao. Nakabalita ka na ba ng isang kakilala na nagkakilala dahil sa cellphone, nagligawan dahil sa cellphone, nagkaroon ng malapit na ugnayan dahil sa cellphone o maaaring nagpakasal dahil sa cellphone? Ang lahat nga naman ay napadadali ng teknolohiya. Ngunit sa kabila ng ginhawang ito ay may natatagong epekto ito sa pakikipagkapwa ng tao.

Ang komunikasyon ay napakahalaga sa anomang pakikipag-ugnayan. Nagagawang posible ng komunikasyon ang relasyon o pakikipagugnayan, pagkakaibigan, at pagiging malapit ng mga kasapi ng pamilya. Mahalagang mahubog ang kakayahan ng isang tao na gamitin at unawain ang iba’t ibang uri ng komunikasyon.

1. Pasalita. Ito ang pangunahing uri ng komunikasyon. Kasama rito ang pasalita (oral) at pasulat (written) na komunikasyon. Sa ganitong uri ng komunikasyon mahalagang tandaan na ang iyong salita at pagpapaliwanag ay nakaaapekto sa kaisipan at damdamin ng taong tatanggap nito. Kailangan din ng pag-iingat sa mga salitang gagamitin upang hindi makasakit ng damdamin ng kapwa.

2. Di-Pasalita. Ito ay mahalagang uri ng komunikasyon. Mas masasalamin ang totoong damdamin sa ekspresyon ng mukha o sa galaw ng katawan. Kapag nakikipag-ugnayan tayo sa ibang tao, tayo ay nakapagbibigay at nagkatatanggap ng hindi mabilang na di pasalitang hudyat (signals). Ang lahat ng ating mga di-pasalitang gawi – ang galaw, maging ang paraan ng pag-upo, kung gaano kalakas o kabilis ang pagsasalita, gaano tayo kalapit sa ating kausap, ang pagtingin sa mata ng ating kausap – ay nagpapadala ng mahahalagang mensahe sa ating kausap. Ipinahihiwatig sa atin na higit sa salita ang makabubuo ng isang mabuting at matatag na ugnayan o relasyon.

Makatutulong ito sa iyo upang

a. Mabasa nang tama ang isang tao, maging ang kanyang damdamin at ang mga di- pasalitang mensahe na nais niyang iparating

b. Makalikha ng tiwala at pagiging bukas sa isang ugnayan

c. Makatugon sa mga d-pasalitang hudyat (cues) na nagpapahiwatig sa iba na nakauunawa ka, napapansin mo ito at iniintindi mo ang kanilang mensahe

3. Virtual. Ang virtual na komunikasyon ay dulot ng makabagong teknolohiya kung saan ang paghahatid ng impormasyon o aksyon ay naipahahatid saan mang lokasyon gamit ang information technology. Dahil sa patuloy na paglago ng teknolohiya sa mundo, marami na ang naging pagbabago. Sabi nila dahil sa teknolohiya nagkalapit ang mundo. Naging madali ang komunikasyon para sa lahat. Ngunit kailangang isaisip na hindi nito mapapalitan ang personal na interaksyon. Mas malallim na pakikipag-ugnayan ang nabubuo ng personal na pakikipag-ugnayan.

Mahalagang maunawaan ang lahat ng uri ng komunikasyon upang mapaunlad ang kakayahan sa pakikipagkapwa. Bahagi ito ng ating buhay sa araw-araw kung kaya dapat itong paunlarin. Kasabay ng pagpapaunlad ng paggamit ng iba’t ibang uri ng komunikasyon ay mahalaga ring maunawaan ang mga antas nito.

Limang Antas ng Komunikasyon
1. Pakikipag-usap sa isang simpleng kakilala (Level of Acquaintance).
Ang ganitong uri ng pakikipag-usap ay pinakamababaw ngunit sa ating mga Pilipino, madalas natin itong ginagamit. Halimbawa sa mga pagkakataon na ikaw ay kumakain at mayroong dumaang kakilala o kaibigan, tatawagin mo ito at aalukin ng pagkain ngunit alam mo naman na sapat lamang ito para sa iyo. Inaanyahan mo siya para lang masabi na naganyaya ka ngunit kulang sa sinseridad. Maraming salita na nakagawian na lamang nating sabihin at para bang awtomatiko nang lumalabas sa ating bibig ngunit salat sa lalim. Halibawa, “Kumusta?” … “OK lang”. Hindi na natin nabibigyan ng malalim na pansin ang tunay na kahulugan nito. Hindi makabubuti kung ang lahat ng tao ay iyong kakausapin sa ganito lamang na antas.

2. Pakikipag-usap upang magbahagi ng makatotohanang impormasyon (Reporter’s Talk).
 Ito ay pagbabahagi ng mga impormasyon na tumutugon sa tanong na Ano, Sino, Saan, Kailan at iba pa. Ibinahagi mo lamang sa ibang kung ano ang iyong nakita o narinig at kung saan at kailan ito naganap. Sa ganitong antas ng komunikasyon, wala tayong ibinabahaging malalim tungkol sa ating sarili at wala tayong hinihingi tungkol sa ating kausap. Dito, hindi hinihingi ang opinyon o ng ekspresyon ng damdamin. Hindi ito bumubuo ng intelektwal, emosyonal, ispiritwal o pisikal na pagkakalapit (intimacy)

3. Pakikipag-usap upang magbahagi ng ideya o opinion (Intelllectual talk).
 Sa pagkakataon na ito, hindi na lamang mga impormasyon ang ating ibinabahagi kundi nagbabahagi na rin tayo ng ating opinyon, mga pakahulugan o interpretasyon, at mga paghatol (judgements). Hinahayaan na natin na makita ng tao ang ating iniisip at kung paano pinoproseso ang mga impormasyon na nakakalap nito. Sa antas na ito, may mga
posibilidad na magdulot ng pagsasalungatan, kung kaya nga ang taong nagsasalita ay nagiging maingat na sa mga salitang kanyang bibitawan. Nagsasagawa muna siya ng obserbasyon sa reaskyon ng kanyang kausap bago niya ipagpatuloy ang pagsasalita. Kung nakikita ang positibong tugon sa kanyang sinasabi, nagbibigay ito ng hudyat na maaari niyang ipagpatuloy ang pagbabahagi ng kanyang iniisip.

4. Pakikipag-usap upang magbahagi ng sariling damdamin (Emotional Talk).
Sa antas na ito, malaya na na naibabahagi ang iyong sariling damdamin sa iba. Mas mahirap magbahagi ng damdamin kaysa sa iniisip dahil itinuturing natin na ang ating damdamin ay pribado. Maituturing na malayo ang agwat nito sa ikatlong antas dahil malalim na bahagi ng ating sarili ang ibinabahagi sa ibang tao. Mas madaling tanggapin ang pagsalungat sa opinyon o ideya ngunit hindi sa damdamin. Maaaring isipin na kaya sinasalungat ang iyong damdamin ay dahil may itinatagong sama ng loob sa iyo ang isang tao o kaya naman ay malalim na galit. Kapag nangyari ito, hindi mo na hahayaang muling maibahagi sa kanya ang iyong damdamin, maglalagay na iyo ng pader sa inyong ugnayan. Kung kaya mahalaga ang pagiging maingat sa paggamit ng antas na ito.Ngunit kapag napagtagumpayan ito, mas malalim na uri ng pakikipag-ugnayan ang maaaring mabuo rito.

5. Pakikipag-usap upang ibahagi ang totoong sarili na ginagabayan ng pagmamahal (Loving, Genuine, Truth Talk).
Ito ang pinakamataas na antas ng komunikasyon. Sa pagkakataong ito, ibinabahagi na natin sa ibang tao ang ating mga pangangailangan, mga alalahanin, pangarap,takot o pag-asa. Nasasabi natin ang lahat ng ito nang buong katapatan at wala tayong inhibisyon o pag-aalinlangan. Sa bahaging ito, mahalaga ang pagtanggap, pag-unawa at paggalang. Huwag kakaligtaan na mapagtatagumpayan lamang ito kung ito ay gagabayan ng tunay na pagmamahal.

Ang pagkakaroon ng kamalayan sa limang antas na ito ay makatutulong upang mapahusay ang kalidad ng ating pakikipag-ugnayan o komunikasyon sa ating kapwa. Habang tumataas ang antas ng komunikasyon na ating ginagamit, mas lumalalim ang pakikipag-ugnayan na matatamo. Hindi imposibleng makamit ang ika-limang antas. May mga sagabal na maaaring kaharapin sa proseso nito. Narito ang ilan hango sa internet.

Mga Hadlang sa Epektibong Komunikasyon:
1. Pagtanggi (Denial) May mga pagkakataon na ang tao ay tumatangging ibahagi lalo na yaong mga bagay na hindi tayo komportableng ibahagi sa ating kapwa. Lalo na kung mga bagay na hindi natin masabi nang harapan o kaya naman ay mga bagay na hindi tayo komportableng ipagtapat sa kanila nang harap-harapan

2. Pagpapalit (Substitution)May mga pagkakataon na naibabaling natin sa ibang tao ang mga bagay na hindi natin masabi sa taong nararapat na makatanggap nito. Hal. mayroon kang sama ng loob sa iyong ina, sa halip na kausapin mo siya upang ibahagi ang iyong damdamin ay sinasabi mo ang lahat ng ito sa iyong kaibigan. Nakahahadlang ito sa epektibong komunikasyon dahil hindi makatutulong ang pagbaling sa ibang tao upang mabigyang-solusyon ang suliranin.

3. Di-pagkakapareho o di-pagkakaangkop (Incongruence) –
Nangyayari ito sa mga pagkakataon na ang pasalitang paraan ng komunikasyon ay di tumutugma sa ekspresyon ng mukha, tono ng pananalita, lakas o hina na boses at iba pa. Ang taong tumatanggap ay magbibigay ng kaniyang sariling interpretasyon sa iyong ipinahihiwatig. Minsan halimbawa, mas pinaniniwalaan ng tao ang ekspresyon ng mukha kaysa sa sinasabi ng tao. Sa pagkakataon na sinasabi nating masaya tayo ngunit mas lungkot ang mababakas sa ekspresyon ng mukha, mas paniniwalaan nila na hindi totoo ang saya na iyong sinasabi.

4. Pagbabawal (Inhibition). May mga pagkakataon, lalo na sa tahanan kung saan pinagbabawalan ang ilang kasapi na magbahagi ng ilan sa kanilang mga ideya at damdamin. Kapag nakasanayan, magiging balakid ito sa ganap na pagiging bukas sa komunikasyon sa loob ng pamilya.

Sa lahat ng pagkakataon ay mahalagang pairalin ang katatagan at ang pagiging maingat. Maging sa komunikasyon sa pakikipagkapwa ay kailangan itong ilapat. Akala natin sapat na na nasasabi natin ang ating iniisip at nadarama ngunit mahalagang magsikap upang ito ay magkaroon ng positibong bunga sa pakikipagkapwa. Simulan mo na ang pagsusuri sa iyong kakayahan sa komunikasyon sa pakikipagkapwa upang mapagsikapan mong baguhin ang mga mali at mas paunlarin ang ginagawa mo nang tama.

Reference: 2010 Secondary Education Curriculum
                     Gabay sa Pagtuturo ng Edukasyon sa Pagpapahalaga II


Sunday, October 21, 2012

Paoay

We visited Paoay, Ilocos Norte on Teacher's Day
 Mam Annabell and her grandma  walking  to the church.....

This is Paoay church

Taken with friends...

I have a lot of photos taken and preserved memories during our trip to Ilocos last October 13 and 14, 2012. I will post them all next night...sort of sharing our way of celebrating our big day...Teacher's Day. Thanks for visiting.