Tuesday, October 30, 2012

EP II Yunit II Aralin 4


ANG EMOSYON
Sabi nila ang vetsin, pampalasa ng pagkain. Itaktak mo lang sa pagkain malalasahan na ang linamnam nito. Yan ang naririnig lagi sa isang patalastas sa telebisyon. At kung gagamitin ang pagtutulad, dito natin maihahalintulad ang emosyon ng tao. Ito ang vetsin ng buhay. Ito ang nagbibigay ng buhay, kulay at saysay sa buhay ng isang tao. Masarap maging masaya hindi ba? Yung saya na parang walang anoman na pwedeng mangyari na makapapawi nito. Yung hindi maalis-alis sa mukha mo ang ngiti, nagniningning ang iyong mga mata at magaan na magaan ang iyong pakiramramdam. Ang sarap balika-balikan ng ganitong mga pagkakatao. Isa lamang itong halimbawa ng nakapakaraming iba’t ibang emosyon na maaari mong maramdaman. Makatutulong sa iyon ang babasahin na ito upang maging mas malalim ang iyong pag-unawa tungkol sa emosyon. Handa ka na ba?

Ayon sa aklat ni Adele Lynn (2005) na The EQ Difference, mayroon daw tatlong pangunahing sangkap o bahagi ang emosyon ng tao.Mahalagang maunawaan natin ang lahat ng ito upang maging ganap ang ating pag-unawa tungkol sa emosyon.

Tatlong Pangunahing Sangkap ng Emosyon
1. Nagbibigay-malay o kognitibo (cognitive component). Ang ating mga pananaw, iniisip, paniniwala, at mga inaasahan ang bumubuo sa bahagi o sangkap na ito ng emosyon. Sabi nga sa isang aklat, ayon kay Shakespeare sa kanyang aklat na Hamlet, “walang mabuti o masama, ngunit ang isip ang nagpapabuti o nagpapasama dito”. Ang ating pananaw, iniisip, paniniwala at mga inaasahan na  nananahan sa ating utak ay nakatutulong sa pagdidkta ng ating emosyon.

Halimbawa, mula sa pagkabata ay pangarap mo ng maging guro, nakahanda na ang iyong sarili na ito ang kursong iyong kukunin pagdating sa kolehiyo, labis labis ang iyong paghanga sa iyong mga guro dahil nakikita mo na ang iyong sarili sa kanila sa hinaharap. Ang lahat ng iyong pagsisikap ay iniaalay mo sa pangarap na ito. Ngunit kinakausap ka palagi ng iyong mga magulang at kanilang sinasabi sa iyo na mas maganda kung isaw ay magiging nurse dahil mas maganda ang kinabukasan na naghihintay sa iyo. Sinabi nila na may pag-asa ka pang makarating ng ibang bansa.

Nanghihnayang daw sila sa iyong katalinuhan kung ikaw ay magiging guro lamang. Sa bawat pagkakataon na kayo ay magkikita ay lagi nilang sinasabi ito sa iyo. Ikinukwento pa nila sa iyo palagi ang mga kakilala niyang nurse na nasa ibang bansa at ang napakaganda ng katayuan nila sa buhay at ng kanilang pamilya. Kung kaya habang tumatagal din ay napansin mo na rin ang pagbabago sa pagtingin at pakikitungo mo sa iyong guro at hindi na katulad ng dati ang iyong ang iyong tuwa kapag naiisip mo na ikaw ang magiging guro. Dahil nababago na ang iyong pananaw at naaapektuhan nito ang kalagayan ng iyong emosyon.

2. Pisyolohikal (Physiological component). Paano kaya kung minsan isang hatinggabi at naglalakad ka sa daan ay biglang may nakita kang tao sa iyong harapan at nakita mong tumatakbo patungo sa iyo, ano kaya ang iyong mararamdaman? Malamang labis labis ang iyong nadaramang takot. Ang takot na ito ay awtomatikong magdudulot ng reaksyon pisyolohikal katulad ng mabilis na pagtibok ng puso, panunuyo ng lalamunan, mabilis o hindi regular na paghinga, panginginig ng katawan o malamang pagpapawisan ka. Ang mga pisyolohikal na reaksyon na ito ay nakatutulong sa atin upang protektahan tayo at kontrolin ang ating kilos, tumutulong ito upang
awtomatikong tumugon an gating isip kung sa panahon ng panganib tayo na ay aatake, poprotektahan ang ating sarili o uurong na lamang. Ito ay kontrolado ng ating limbic system, partikular ang hypothalamus at amygdala. Ang ating katawan ay naglalabas ng mga malalakas na hormones na nagpapatalas ng ating pakiramdam, nagpapatatag ng ating muscle at nagpapalakas ng tibok ng ating puso. Ang iyong kakayahan na kilalanin ang mga pisikal na reaksyon na ito ng iyong katawan ay makatutulong sa iyo upang ganap mo ring makilala ang iyong emosyon. Hindi ito nagsisinungaling. Sila ang pinaka kapani-paniwalang mapagkukunan ng impormasyon  tungkol sa iyong emosyon.

3. Behavioral. Kasama rito ang iba’t ibang anyo ng ekspresyon na maaaring maidulot ng ating emosyon. Halimbawa, ekspresyon ng ating mukha (facial expression), tindig ng ating katawan, galaw, o tono ng boses na lahat ay nagbabago kung tayo ay nakararamdam ng kagalakan, takot, galit o lungkot. Ang mga reaksyon na ito ang nagbibigay sa ibang tao ng clue o palatandaan sa kung ano ang tunay na nararamdaman.

Malaki ang maitutulong ng pag-unawa sa mga sangkap na ito upang ganap na makilala ng tao ang mga emoson na kanyang nararamdaman. Ano-ano nga ba ang iba’t ibang emosyon ng tao? Ito naman ang susunod na tanong na bibigyan natin ng kasagutan.

Ayon kay Esteban (1990), mayroong mga pangunahing emosyon ang tao.
Pangunahing Emosyon
Pagmamahal (love)
Paghahangad (desire)
Kagalakan (joy)
Pag-asa (hope)
Tapang (courage)
Pagkamuhi (hatred)
Pag-ayaw (aversion)
Pighati (sorrow)
Kawalan ng pag-asa
(despair)

Ikaw, naramdaman mo na ba ito? Huwag kang mag-alala kung hindi mo pa ganap na nauunawaan ang mga emosyon na ito. Maraming tao ang nakararanas ng ganito. Hindi lahat ng tao ay ganap ang kaalaman sa kanyang emosyon, hindi lahat ay may sapat na kakayahan upang kilalanin ang kanyang tunay na nararamdaman. Sa maniwala ka o sa hindi, kailangan ding pag-aralan ang emosyon ng tao. Marahil itatanong mo, Kailangan pa ba yon? Ano naman ang tulong nito sa akin?

Noon, ang sukatan ng galing ng tao ay nakabatay sa kanyang katalinuhan, sa kakayahan ng kanyang isip. Sabi nga nila, nakakainggit naman ang taong mataas ang IQ. Ngunit sa paglipas ng panahon at nakikita nila na sa maraming mga institusyon,
mayroon pa ring kulang sa katalinuhan na nagiging balakid upang hindi maging ganap ang kanilang tagumpay. Maraming matatalinong tao na hindi pa rin nahahanap ang kakuntentuhan sa buhay. Kaya nilang bigyang katwiran ang maraming bagay ngunit bakit hindi pa rin sapat. Dahil sa maraming pangyayaring katulad nito, nakita ng maraming siyentipiko ang halaga ng emosyon at ang kapangyarihan ng pangangalaga rito.

Nakakita ka na ba ng isang lalaki na sa sobrang galit ay sinusuntok ang pader  o kaya naman ay nag-aamok sa daan? Nakarinig ka na ba ng balita na may isang tao na inatake sa puso nang malaman na nanalo siya sa lotto? O ng isang kabataan na sa labis napaghahangad na mahalin ng isang babae ay gumawa ng paraan upang ito ay paniwalain sa maraming mga kasinungalingan?

 Ilan lamang ito sa mga patunay na maraming mga pagkakataon na hindi napanghahawakan ng tao ang kanyang emosyon at nagdadala ito ng hindi magandang bunga sa kanyang sarili at maging sa kanyang pakikipag-ugnayan sa kanyang kapwa. Ito ang dahilan kung bakit kailangan ng tao ng literasiya (literacy) sa kanyang emosyon. 

Kung titingnan mo ang katumbas na salita sa Filipino ng literacy, makikita mo na ito ay karunungang magbasa at magsulat. At sa pakahulugan ni Francis Seeburger (1997) sa emotional literacy, inihalintulad niya ito sa karunungan ng tao sa pagbasa. Dahil ito ay ang pagkakaroon ng tao ng sapat na karunungan upang basahin ang kanyang emosyon.

Dalawa ang kakayahan na binanggit ni Seeburger sa kanyang aklat:
1. Linangin ang kakayahan ng tao na maramdaman ang lahat ng mga emosyon at,
2. Pag-aralang maramdaman ang emosyon na akma sa totoong sitwasyon na ating kinasasangkutan.

Para sa kanya kailangan munang pag-aralan na basahin ng isang tao ang mga emosyon. Katulad ng isang batang nagbabasa, kailangan muna niyang mabasa ang bawat isang salita, kailangan munang malaman ng tao ang bawat isang emosyon at maramdaman ito at makita ang pagkakaiba nito sa iba pang emosyon. Sa ganitong paraan mas madali na para sa atin na malaman kung ano ang nararapat na emosyon sa bawat pangyayari na kinakaharap natin sa araw-araw. Hindi tayo aabot sa pagkakataon na parang wala tayong maisagot kundi, “Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman”. Kapag napagtagumpayan ito, magiging madali na ang pagsisimula sa pag-aaral ng pamamahala sa emosyon.

Mahalaga rin na matutunan na magkaroon ng kamulatan sa sariling emosyon. Ito ay nangangahulgang pagkilala sa kung paano nakaaapekto ang ating emosyon sa ating pagganap ng ating mga gampanin at ang ating kakayahan na gamitin ang ating mga
pagpapahalaga upang gabayan tayo sa ating mga pagpapasya. Ang mga taong mayroong ganitong kakayahan ay (Goleman, 1998):
1. Nakikilala kung ano ang emosyon na kanilang nararamdaman at mulat sa dahilan
2. Nakikilala ang kaugnayan ng kanyang damdamin at ng kanyang iniisip, ginagawa at sinasabi
3. Nakikilala kung paano naaapektuhan ng kanilang damdamin ang kanilang pagganap o paggawa
4. Mayroong kamulatan sa kanilang pagpapahalaga at mithiin

Ayon kay Goleman, ang taong may kagalingan sa kakayahan na ito ay mulat sa kanyang emosyon sa lahat ng pagkakataon –madalas na napupuna kung ano ang pisikal na pakiramdam na kaakibat nito. Nasasabi niya ang mga damdamin na ito at naipakikita ang niya ng wastong ekspresyon nito. Hindi ito mahirap, lalo na kung pagtutuunan ng pansin at pagsisikap. Kapag napagtagumpayan mo ito, masasabi na na mataas ang iyong EQ o Emotional Quotient, mas kilala itong Emotional Intelligence.
Ito ang nakita ng mga siyentipiko na pantapat sa IQ, ito ang nakikita nilang kakulangan ng mga taong mataas ang IQ ngunit hindi pa rin masaya at ganap na nagtatagumpay. Ayon pa rin ay Goleman, mahalagang mapagyaman ng tao ang kanyang kakayahang emosyonal at sosyal upangganap na mapangasiwaan ang iyong emosyon.

Limang Pangunahing Kakayahang Emosyonal at Panlipunan
1. Pagkilala sa Sarili (Self-awareness). Pag-alam sa kung ano ang ating kasalukuyang nararamdaman at gamitin itong gabay sa ating mga pagpapasya; pagkakaroon ng makatotohanang pagsusuri sa ating mga kakayahan at makatwirang tiwala sa sarili
2. Pangangasiwa sa Sarili (Self-regulation). Pangasiwaan ang ating damdamin upang ito ay makatulog sa halip na maging sagabal sa ating mga kasalukuyan gawain; pagpapairal ng katapatan sa halip na pagtugong sa pansariling kasiyahan sa pagkamit ng mga mithiin; at magiting na pagbangon mula sa dalamhati, sakit o pangamba
3. Motibasyon. Gamitin ang ating kakayahang mamili upang makatulong sa pagkamit ng ating mga mithiin, tulungan tayongmagsimula at magsikap na pagyamanin ang sarili at magtiyaga sa kabila ng mga sagabal at kabiguan
4. Pagdama at Pag-unawa sa Damdamin ng iba (Empathy). Pagdama sa kung ano ang nararamdaman ng kapwa, maunawaan ang perspektibo ng ibang tao at pagyamanin ang pakikipag-ugnayan at pakikiisa sa iba-ibang uri ng tao
5. Kakayahang sosyal. Napamamahalaan nang mahusay at wasto ang emosyon sa pakikipag-ugnayan gamit ang kakayahang basahin ang sosyal na sitwasyon at maayos na pakikipag-ugnayan; ginagamit ang mga kakayahan na ito upang makahimok at mamuno, makipagkasundo, at magsaayos ng hindi pagkakaunawaan para sa pagtutulungan at teamwork.

Ang ilan sa mga pangunahing hinahangad ng tao ay ang magtagumpay sa buhay, maging masaya kasama ang pamilya at ang magkaroon ng mabuting pakikipag-ugnayan sa kapwa. Ang lahat ng ito ay makakamit kung tunay na pagsisikapan at kung ilalapat natin ang mga kaalaman ukol sa pamamahala ng ating emosyon at kung gagamitin mong gabay ang mga pagpapahalaga at birtud.

Lagi mong tatandaan, hindi makatutulong kung lagi susunod lamang ang iyong katawan sa digta ng iyong emosyon. Kailangang laging isaisip na kailangan mong ipakita ang tamang damdamin sa tamang lugar, tamang pagkakataon at sa tamang tao.

Huwag mong talikuran ang hamon upang mapataas ang iyong EQ. Makikita mo na sa pagtatagumpay mo, hindi matutumbasan ng anomang halaga ang premyo na iyong makukuha. Ngayon pa lang. Simulan mo na.

Hango sa 2010 Secondary Education Curriculum
Gabay sa Pagtuturo sa Edukasyon sa Pagpapahalaga II

No comments:

Post a Comment