KOMUNIKASYON SA PAKIKIPAGKAPWA
Dati, kapag may gusto kang sabihin sa isang tao, kailangan mo siyang
puntahan, gaano man siya kalapit o kalayo sa iyo. Mahalaga man o hindi ang
sasabihin mo, kailangan mong maglaan ng pagod upang ito ay maibahagi. Ngayon,
ilang pindot na lang sa telepono, masasabi mo na ang iyong nais sabihin, ilang
tipa na lamang sa keyboard ng computer at maibabahagi mo na ang iyong kaisipan
at damdamin sa isang tao. Nakabalita ka na ba ng isang kakilala na nagkakilala
dahil sa cellphone, nagligawan dahil sa cellphone, nagkaroon ng malapit na
ugnayan dahil sa cellphone o maaaring nagpakasal dahil sa cellphone? Ang lahat
nga naman ay napadadali ng teknolohiya. Ngunit sa kabila ng ginhawang ito ay
may natatagong epekto ito sa pakikipagkapwa ng tao.
Ang komunikasyon ay napakahalaga sa anomang pakikipag-ugnayan.
Nagagawang posible ng komunikasyon ang relasyon o pakikipagugnayan,
pagkakaibigan, at pagiging malapit ng mga kasapi ng pamilya. Mahalagang mahubog
ang kakayahan ng isang tao na gamitin at unawain ang iba’t ibang uri ng
komunikasyon.
1. Pasalita. Ito ang pangunahing uri ng komunikasyon. Kasama
rito ang pasalita (oral) at pasulat (written) na komunikasyon. Sa ganitong uri
ng komunikasyon mahalagang tandaan na ang iyong salita at pagpapaliwanag ay
nakaaapekto sa kaisipan at damdamin ng taong tatanggap nito. Kailangan din ng
pag-iingat sa mga salitang gagamitin upang hindi makasakit ng damdamin ng
kapwa.
2. Di-Pasalita. Ito ay mahalagang uri ng komunikasyon. Mas masasalamin ang totoong
damdamin sa ekspresyon ng mukha o sa galaw ng katawan. Kapag nakikipag-ugnayan
tayo sa ibang tao, tayo ay nakapagbibigay at nagkatatanggap ng hindi mabilang
na di pasalitang hudyat (signals). Ang lahat ng ating mga di-pasalitang gawi – ang
galaw, maging ang paraan ng pag-upo, kung gaano kalakas o kabilis ang
pagsasalita, gaano tayo kalapit sa ating kausap, ang pagtingin sa mata ng ating
kausap – ay nagpapadala ng mahahalagang mensahe sa ating kausap. Ipinahihiwatig
sa atin na higit sa salita ang makabubuo ng isang mabuting at matatag na
ugnayan o relasyon.
Makatutulong ito sa iyo upang
a. Mabasa nang tama ang isang tao, maging ang kanyang damdamin at
ang mga di- pasalitang mensahe na nais niyang iparating
b. Makalikha ng tiwala at pagiging bukas sa isang ugnayan
c. Makatugon sa mga d-pasalitang hudyat (cues) na nagpapahiwatig sa
iba na nakauunawa ka, napapansin mo ito at iniintindi mo ang kanilang mensahe
3. Virtual. Ang virtual na komunikasyon ay dulot ng
makabagong teknolohiya kung saan ang paghahatid ng impormasyon o aksyon ay naipahahatid
saan mang lokasyon gamit ang information technology. Dahil sa patuloy na
paglago ng teknolohiya sa mundo, marami na ang naging pagbabago. Sabi nila
dahil sa teknolohiya nagkalapit ang mundo. Naging madali ang komunikasyon para
sa lahat. Ngunit kailangang isaisip na hindi nito mapapalitan ang personal na
interaksyon. Mas malallim na pakikipag-ugnayan ang nabubuo ng personal na
pakikipag-ugnayan.
Mahalagang maunawaan ang lahat ng uri ng komunikasyon upang
mapaunlad ang kakayahan sa pakikipagkapwa. Bahagi ito ng ating buhay sa araw-araw
kung kaya dapat itong paunlarin. Kasabay ng pagpapaunlad ng paggamit ng iba’t
ibang uri ng komunikasyon ay mahalaga ring maunawaan ang mga antas nito.
Limang Antas ng Komunikasyon
1. Pakikipag-usap
sa isang simpleng kakilala (Level of Acquaintance).
Ang ganitong uri ng pakikipag-usap ay pinakamababaw ngunit sa ating
mga Pilipino, madalas natin itong ginagamit. Halimbawa sa mga pagkakataon na
ikaw ay kumakain at mayroong dumaang kakilala o kaibigan, tatawagin mo ito at
aalukin ng pagkain ngunit alam mo naman na sapat lamang ito para sa iyo.
Inaanyahan mo siya para lang masabi na naganyaya ka ngunit kulang sa
sinseridad. Maraming salita na nakagawian na lamang nating sabihin at para bang
awtomatiko nang lumalabas sa ating bibig ngunit salat sa lalim. Halibawa,
“Kumusta?” … “OK lang”. Hindi na natin nabibigyan ng malalim na pansin ang
tunay na kahulugan nito. Hindi makabubuti kung ang lahat ng tao ay iyong
kakausapin sa ganito lamang na antas.
2. Pakikipag-usap
upang magbahagi ng makatotohanang impormasyon (Reporter’s Talk).
Ito ay pagbabahagi ng mga
impormasyon na tumutugon sa tanong na Ano, Sino, Saan, Kailan at iba pa.
Ibinahagi mo lamang sa ibang kung ano ang iyong nakita o narinig at kung saan
at kailan ito naganap. Sa ganitong antas ng komunikasyon, wala tayong
ibinabahaging malalim tungkol sa ating sarili at wala tayong hinihingi tungkol
sa ating kausap. Dito, hindi hinihingi ang opinyon o ng ekspresyon ng damdamin.
Hindi ito bumubuo ng intelektwal, emosyonal, ispiritwal o pisikal na
pagkakalapit (intimacy)
3. Pakikipag-usap
upang magbahagi ng ideya o opinion (Intelllectual talk).
Sa pagkakataon na ito, hindi
na lamang mga impormasyon ang ating ibinabahagi kundi nagbabahagi na rin tayo
ng ating opinyon, mga pakahulugan o interpretasyon, at mga paghatol
(judgements). Hinahayaan na natin na makita ng tao ang ating iniisip at kung
paano pinoproseso ang mga impormasyon na nakakalap nito. Sa antas na ito, may
mga
posibilidad na magdulot ng pagsasalungatan, kung kaya nga ang taong
nagsasalita ay nagiging maingat na sa mga salitang kanyang bibitawan. Nagsasagawa
muna siya ng obserbasyon sa reaskyon ng kanyang kausap bago niya ipagpatuloy
ang pagsasalita. Kung nakikita ang positibong tugon sa kanyang sinasabi,
nagbibigay ito ng hudyat na maaari niyang ipagpatuloy ang pagbabahagi ng
kanyang iniisip.
4. Pakikipag-usap
upang magbahagi ng sariling damdamin (Emotional Talk).
Sa antas na ito, malaya na na naibabahagi ang iyong sariling damdamin
sa iba. Mas mahirap magbahagi ng damdamin kaysa sa iniisip dahil itinuturing
natin na ang ating damdamin ay pribado. Maituturing na malayo ang agwat nito sa
ikatlong antas dahil malalim na bahagi ng ating sarili ang ibinabahagi sa ibang
tao. Mas madaling tanggapin ang pagsalungat sa opinyon o ideya ngunit hindi sa
damdamin. Maaaring isipin na kaya sinasalungat ang iyong damdamin ay dahil may
itinatagong sama ng loob sa iyo ang isang tao o kaya naman ay malalim na galit.
Kapag nangyari ito, hindi mo na hahayaang muling maibahagi sa kanya ang iyong
damdamin, maglalagay na iyo ng pader sa inyong ugnayan. Kung kaya mahalaga ang
pagiging maingat sa paggamit ng antas na ito.Ngunit kapag napagtagumpayan ito,
mas malalim na uri ng pakikipag-ugnayan ang maaaring mabuo rito.
5. Pakikipag-usap
upang ibahagi ang totoong sarili na ginagabayan ng pagmamahal (Loving, Genuine,
Truth Talk).
Ito ang pinakamataas na antas ng komunikasyon. Sa pagkakataong ito,
ibinabahagi na natin sa ibang tao ang ating mga pangangailangan, mga
alalahanin, pangarap,takot o pag-asa. Nasasabi natin ang lahat ng ito nang
buong katapatan at wala tayong inhibisyon o pag-aalinlangan. Sa bahaging ito,
mahalaga ang pagtanggap, pag-unawa at paggalang. Huwag kakaligtaan na
mapagtatagumpayan lamang ito kung ito ay gagabayan ng tunay na pagmamahal.
Ang pagkakaroon ng kamalayan sa limang antas na ito ay makatutulong
upang mapahusay ang kalidad ng ating pakikipag-ugnayan o komunikasyon sa ating
kapwa. Habang tumataas ang antas ng komunikasyon na ating ginagamit, mas
lumalalim ang pakikipag-ugnayan na matatamo. Hindi imposibleng makamit ang
ika-limang antas. May mga sagabal na maaaring kaharapin sa proseso nito. Narito
ang ilan hango sa internet.
Mga
Hadlang sa Epektibong Komunikasyon:
1.
Pagtanggi (Denial) – May mga pagkakataon na ang tao ay tumatangging
ibahagi lalo na yaong mga bagay na hindi tayo komportableng ibahagi sa ating
kapwa. Lalo na kung mga bagay na hindi natin masabi nang harapan o kaya naman
ay mga bagay na hindi tayo komportableng ipagtapat sa kanila nang harap-harapan
2.
Pagpapalit (Substitution) – May mga
pagkakataon na naibabaling natin sa ibang tao ang mga bagay na hindi natin
masabi sa taong nararapat na makatanggap nito. Hal. mayroon kang sama ng loob
sa iyong ina, sa halip na kausapin mo siya upang ibahagi ang iyong damdamin ay
sinasabi mo ang lahat ng ito sa iyong kaibigan. Nakahahadlang ito sa epektibong
komunikasyon dahil hindi makatutulong ang pagbaling sa ibang tao upang
mabigyang-solusyon ang suliranin.
3.
Di-pagkakapareho o di-pagkakaangkop (Incongruence) –
Nangyayari ito sa mga pagkakataon na ang pasalitang paraan ng komunikasyon
ay di tumutugma sa ekspresyon ng mukha, tono ng pananalita, lakas o hina na
boses at iba pa. Ang taong tumatanggap ay magbibigay ng kaniyang sariling
interpretasyon sa iyong ipinahihiwatig. Minsan halimbawa, mas pinaniniwalaan ng
tao ang ekspresyon ng mukha kaysa sa sinasabi ng tao. Sa pagkakataon na
sinasabi nating masaya tayo ngunit mas lungkot ang mababakas sa ekspresyon ng
mukha, mas paniniwalaan nila na hindi totoo ang saya na iyong sinasabi.
4.
Pagbabawal (Inhibition). May mga
pagkakataon, lalo na sa tahanan kung saan pinagbabawalan ang ilang kasapi na
magbahagi ng ilan sa kanilang mga ideya at damdamin. Kapag nakasanayan,
magiging balakid ito sa ganap na pagiging bukas sa komunikasyon sa loob ng
pamilya.
Sa lahat ng pagkakataon ay mahalagang pairalin ang katatagan at ang
pagiging maingat. Maging sa komunikasyon sa pakikipagkapwa ay kailangan itong
ilapat. Akala natin sapat na na nasasabi natin ang ating iniisip at nadarama
ngunit mahalagang magsikap upang ito ay magkaroon ng positibong bunga sa
pakikipagkapwa. Simulan mo na ang pagsusuri sa iyong kakayahan sa komunikasyon
sa pakikipagkapwa upang mapagsikapan mong baguhin ang mga mali at mas paunlarin
ang ginagawa mo nang tama.
Reference: 2010 Secondary Education Curriculum
Gabay sa Pagtuturo ng Edukasyon sa Pagpapahalaga II
No comments:
Post a Comment