PAKIKIPAGKAIBIGAN
Isang batang lalaki ang gumawa ng kanyang unang tula tungkol sa pakikipagkaibigan.
Mahalaga ang Aking Aso sa Akin
Ang aking aso ay tahimik at mabait na kasama
Hindi niya sinasabing Gawin Mo!…, tulad ni ina
Hindi niya sinasabing Huwag mong gawin!…, tulad ni ama
Hindi niya sinasabing Tigil!, tulad ni kuya
Ang aking asong si bantay at ako ay tahimik lamang na nakaupo sa isang sulok ng mundo
Gusto ko siya at gusto nya rin ako!
Matalik na magkaibigan si bantay at ako
Ito ang pakahulugan ng isang paslit sa pakikipagkaibigan. Ikaw ba ano ang pakikipagkaibigan para sa iyo? Nakalulungkot ngunit tunay na kakaunti ang mga ginagawang pag-aaral tungkol sa napakahalagang bahaging ito ng ating buhay.
Ayon sa Wikipedia ang pakikipagkaibigan ay isang higit na malalim na uri ng pakikipag-ugnayan sa kapwa kaysa karaniwan. Ang halaga ng pakikipagkaibigan ay nababatay sa pagpapakita ng mga sumusunod na pagpapahalaga ng magkaibigan sa isa’t isa: 1) ang pagnanais ng makabubuti para sa kaibigan; 2) pakikiramay at pakikiisang damdamin; 3) pagiging totoo; 4) pagiging maunawain at mapag-alala; 5) pagtitiwala (na hindi huhusgahan ng kaibigan); 6) pagbibigayan.
Higit na malalim ang pakahulugan sa pakikipagkaibigan ng isang taong nakaranas nang mabiyayaan ng tunay na kaibigan. Ayon nga kay Emily Dickenson, isang sikat na Amerikanang manunula, “Para sa akin ang larawan ng Langit ay isang malawak at bughaw na kalangitan… malawak pa sa pinakamalawak na nakikita ko tuwing tag-araw – at sa loob nito ay naroroon ang lahat ng aking mga kaibigan – bawa’t isa sa kanila.” Para kay C.S. Lewis isang manunulat na Ingles at makabagong pilosopo, “ang pakikipagkaibigan ay hindi natin pangunahing pangangailangan, tulad ng pilosopiya, mga likhang-sining…hindi ito kinakailangan upang mabuhay; bagkus isa ito sa mga bagay na nagbibigay halaga sa buhay.” Si George Santayana naman, isang EspaƱol na manunula, ay isinulat na “ang isang kaibigan ay ang bahagi ng sangkatauhan kung saan maari kang maging (totoong) tao.” Tulad din ito ng sinabi ni Ralph Waldo Emerson, isang manunulat na Amerikano, “sa harap ng tunay na kaibigan ay maari akong maging totoo, sa harap niya ay
maari kong ibulalas ang aking mga iniisip.”
Maging si Aristotle ay nagsabi na “walang tao na pipiliing mabuhay na walang mga kaibigan.” Ayon pa sa kanya habang tumataas tayo ng estado sa buhay lalo lamang umiigting ang pagnanais nating magkaroon ng kaibigan. Sabi naman ni Plato, ang kanyang guro, “Ang tunay na pagkakaibigan ay walang wakas at imortal.”
Kung nais natin ng mas malalim pang pag-unawa sa pakikipagkaibigan, kailangan nating maintindihan ang nagbabagong pananaw tungkol dito sa paglipas ng panahon.
Ang Pananaw ng mga Sinaunang Pilosopo
May tatlong pilosopiya tungkol sa pakikipagkaibigan ang kumakatawan sa tradisyunal na kanluraning pananaw sa pakikipagkaibigan: ito ang pilosopiya ni Aristotle, ang paglalarawan ni Cicero at ang ispiritwal na pagpapakahulugan dito ni San Agustin. Si Aristotle ay isang pilosopong Griyego na nabuhay noong 384 B.C. hanggang 332 B.C. o bago pa ipinanganak si Kristo; si Cicero naman ay isang Italyanong politiko at pilosopo na nabuhay din noong bago ipanganganak si Kristo; si San Agustin, ay kinikilalang isang maimpluwensyang manunulat sa pilosopiyang Kristiyano noong 354 hanggang 386 A.D. at magpahanggang sa kasalukuyang panahon.
Ayon kay Aristotle ang tunay na pakikipagkaibigan ay maari lamang mangyari sa pagitan ng mabubuting tao. Ang bawat isa ay naghahangad ng ikabubuti ng kaibigan sapagkat mabuti ang pagkatao nila. Hinahangad nila ang ikabubuti ng kaibigan dahil lamang sa malasakit dito at hindi dahil sa kasiyahang naidudulot o silbi nito sa kanila. Pinahahalagahan ang kaibigan tulad ng pagpapahalaga sa sarili. Samakatwid, ang taong ito ay naghahangad din ng pansariling ikabubuti kung kaya’t mahalaga sa kanya ang ikabubuti ng kaibigan.
Gayon pa man, may tatlong uri daw ng pakikipagkaibigan. Ang una ay ang pakikipagkaibigang nakabatay sa pangangailangan. Kaibigan lamang ang turing sapagkat kailangan niya ito. Sa oras na matapos na ang pangangailangan dito ay natatapos na rin ang pagkakaibigan. Madalas ang ganitong ugnayan daw ay sa pagitan ng dalawang matatanda. Karaniwang ang ganitong pagkakaibigan ay dala lamang ng pangangailangan upang magkaroon ng kasama o kaagapay sa buhay.
Ang ikalawang uri ay ang nakabatay sa pansariling kasiyahan. Karaniwan daw ito sa mga kabataan dahil ang damdamin at kapusukan ang namamayani sa buhay ng mga ito. Habang sila’y tumatanda at lumalago, nagbabago din ang mga bagay na nagpapasaya sa kanila; kaya nga kasabay nito’y maaring magbago na rin ang damdamin sa kaibigan. Sa kabataan din nararamdaman ang umibig sa katapat na kasarian. Sa panahong ito ay maaring piliin nila ang makapiling palagi ang kanilang iniibig.
Ang ikatlong uri ay ang pakikipagkaibigan na nakabatay sa kabutihan. Ang pakikipagkaibigan sa antas na ito ay nananatili hanggang nanatiling mabuti ang magkaibigan; at ang pagiging mabuti ay isang katangiang tumatagal. Ang isang taong naghahangad ng ikabubuti ng kapwa ay tunay na nakatutulong at may silbi sa kaibigan. Gayun din napasasaya ng magkaibigan ang isa’t isa sa kanilang pagiging magkaibigan; sapagkat anumang lubos na mabuti ay nakapagbibigay ng kasiyahan. Masasabing pambihira ang ganitong uri ng pagkakaibigan. Natural ito sapagkat bihira din naman ang lubos na mabuting tao. Ang ganitong uri ng pakikipagkaibigan din ay nangangailangan ng panahon at pagkakataong lubos na makilala ang isa’t isa. Mahirap matanggap ang isang tao bilang kaibigan hanggang hindi pa nito napatutunayang siya ay karapat-dapat sa pagkakaibigang ito. Ang pagnanais na makipagkaibigan ay higit na mabilis kaysa sa pagiging tunay na magkaibigan.
Hindi rin naman nalalayo ang pananaw ni Cicero kay Aristotle. Ayon sa kanya may isang batas ang pakikipagkaibigan- “na dapat nating hilingin mula sa kaibigan at gawin para sa kanya yaong makabubuti lamang.” Kung maari nga daw ay huwag na nating hintayin pang hilingin sa atin ito ng kaibigan. Dapat ay buong puso nating gawin ang makabubuti sa kanya. Huwag din daw tayong magkulang sa pagpapayo. Kung maari’y maging mapanindigan sa pagbibigay nito lalo’t hinihingi ng mga pagkakataon. Dapat ding tayo’y maging karapat-dapat sa pakikipagkaibigan. Nararapat na nagtataglay tayo ng mga katangiang kaibig-ibig. Mahalin natin ang ating kaibigan na wari ba’y ikalawang sarili natin. Kaya nga mahalaga rin na mahalin natin ang ating sarili.
Para kay Cicero, mga birtud ang nagbibigay daan at nagpapanatili ng pagkakaibigan. Kinakailangan sa pakikipagkaibigan ang pagkakatulad ng interes, katapatan at tibay. Hindi rin niya inihihiwalay ang pag-ibig sa pakikipagkaibigan. Ang dalawa daw ay may iisang salitang-ugat sa Latin – am; amiticia ang Latin para sa salitang kaibigan at amor naman ang sa pag-ibig. Para sa kanya ang mga salitang pakikipagkaibigan at pag-ibig ay ang pagkaakit at pagkasi o pagmamahal sa isang tao na hindi dahil lamang sa pagkagiliw dito o sa hinahangad na makamit dito. Ipinayo niya na sa mundong ito, dahil ang lahat sa huli ay nagwawakas o namamatay, patuloy tayong maghanap ng mamahalin at magmamahal sa atin; dahil kung mawawala ang pagmamahal at kabutihan sa ating buhay, ay mawawala riin ang sanhi ng pagnanais na mabuhay
Ang Pananaw ng mga Kristiyano sa Pakikipagkaibigan
Malaki ang pagkakaiba ng pananaw na Kristiyano sa pagmamahal (agape) sa naunang pananaw nina Aristotle at Cicero. Ang pakikipagkaibigan, ayon sa dalawang pilosopo ng lumang panahon, ay pinipili o may pagkiling at kailangang sinusuklian din ng pakikipagkaibigan. Samantalang, ayon sa mga turo ni Kristo, nararapat nating mahalin ang ating kapwa tulad sa ating sarili. Ang pagmamahal na ito ay walang pinipili – kaibigan, hindi kaibigan o maging kaaway man. Nakabase din ang uri ng pakikipagkaibigang ito sa pagpapatawad.
Si San Agustin na marahil ang pilosopong Kristiyano na nagpatunay at nagbigay ng mataas na pagpapahalaga sa pakikipagkaibigan. Ayon nga kay Edward Sellner (1991), si San Agustin ay tunay na malapit sa kanyang mga kaibigan at saan mang dako at ano mang yugto sa kanyang buhay ay palagi siyang napaliligiran ng mga ito
Ayon sa Kristiyanong pananaw, “hindi magkakaroon ng tunay na pagkakaibigan kung ang magkaibigan ay hindi pinag-isa ng pagmamahal ng
Diyos na pinalalaganap sa ating mga puso sa pamamagitan ng ispiritu santo.” (Confessions, IV, 73)
Kung ang pakikipagkaibigan ay inilalarawan ng mga klasikong manunulat bilang – ang makaagapay na paghahanap ng kagandahan, katotohanan, at karunungan; sa Kristiyanong pananaw, ang paghahanap na ito, sa huli, ay maghahatid sa atin sa pinagmumulan ng Kagandahan,
Karunungan, Katotohanan, at Pag-Ibig; ang Diyos.
Mahalaga rin ang konsepto ng pagpapatawad sa pakikipagkaibigan. Ayon nga sa Lumang Tipan, sina Moses at Abraham ay tinawag na mga kaibigan ng Diyos. Sa bagong tipan sinabi ni Kristo na ang pakikipagkaibigan sa Diyos ay hindi nakareserba sa iilan o sa mga pinili lamang. Sino mang sumunod kay Kristo, nagmahal sa kapwa ay maari Niyang maging kaibigan.
Ayon sa Juan 15:15 “hindi ko na kayo tatawaging mga utusan sapagkat hindi nalalaman ng utusan ang ginagawa ng kanyang panginoon, tinawag ko kayong kaibigan sapagkat ang lahat ng narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko sa inyo.” Ibinigay ni Kristo ang kanyang buhay upang mapatawad tayo sa ating mga kasalanan. Gayon din sinabi niya sa Marcos 11:25 “At kung kayo’y nakatayong nanalangin, magpatawad kung kayo’y may sama ng loob sa kanino mang tao, upang patawarin naman kayo ng inyong Amang nasa langit sa inyong mga kasalanan.
Modernong Pananaw
Maraming manunulat sa kasalukuyan ang naglalarawan sa pakikipagkaibigan bilang isang ugnayang pinili ng dalawang taong kapwa may kalayaang magpasya para sa sarili. Inilalahad ito bilang isang espesyal na ugnayan sa pagitan ng dalawang nilalang na may pantay na katayuan o
kalagayan sa buhay. (Bell at Coleman, 1999) Gayun pa man may mga tumutuligsa sa pananaw na ang pagiging magkaibigan ay malayang pinipili at isang personal na pasya. Ito ay sapagkat lahat ng pakikipag-ugnayan sa ating kapwa ay nangyayari sa loob ng hangganang idinidikta ng katayuan sa
buhay, edad, lahi, at kinalalagyan o lugar. (Graham Allan, 1989)
Si C.S. Lewis ang nagsabi na ang pakikisama o maging ang pakikihalubilo ay mga sitwasyong maaring pag-ugatan ng pakikipagkaibigan. Madalas nga ang iba ay pinagkakamalang pakikipagkaibigan ang pakikisama. Nagiging magkaibigan ang dalawang magkasama, hallimbawa sa trabaho o sa libangan, kung sa kanilang madalas na pagsasama ay natuklasan nilang mayroon pala silang pagkakapareho na wala sa iba. Madalas ang tunay na pagkakaibigan ay nagsisimula sa mga katagang – “Ang ibig mong sabihin ay ikaw rin… akala ko ako lang…!” Hindi lamang ito basta pagkakatulad sa relihiyon, pag-aaral, propesyon o karera, o pinaglilibangan. Sa ganitong uri ng pagtitinginan, ang pagtatanong ng “Mahal mo ba ako?” ay pagtatanong din ng “Nakikita mo ba ang nakikita ko?” o kaya’y Mahalaga ba sa iyo ang mahalaga sa akin?
Gaya nga ng nabanggit, ang pakikipagkaibigan ay nakapaloob sa iba pang aspeto ng pamumuhay ng tao. Sa ating kultura, madalas masasabi natin na tunay nga nating itinuturing na kaibigan ang isang kasama kung siya ay ating isinasama sa ating tahanan at ipinakikilala sa ating mga kaanak. Ang isang katrabaho halimbawa ay maaring sa trabaho lamang natin kasabay kumakain, naghihintay ng sasakyan, o maaring kakwentuhan at kabiruan pero hindi natin siya matatawag na kaibigan kundi kasama lamang sa trabaho kung hindi sya nagiging bahagi ng mahahalagang kabanata sa ating buhay, lalo na ang buhay pamilya. Halimbawa’y sa kasal, luksa at paglilibing, pagbibinyag, mga anibersaryo at kaarawan, at maging sa pasko, bagong taon at iba pang katulad na kasayahan. Sinang-ayunan din ang obserbasyong ito ng pag-aaral ni Allan (1996).
Note: Edukasyon sa Pagpapahalaga II
Hango sa 2010 SEC
Gabay sa Pagtuturo ng Edukasyon sa Pagpapahalaga II