Showing posts with label Mga Sanaysay. Show all posts
Showing posts with label Mga Sanaysay. Show all posts

Sunday, September 16, 2012

Himutok


“Nakalimutan mo na yata ako, Lord!”
Ito ang himutok ng isang matandang may edad na mahigit sa isang daang taon.Hindi na siya halos makarinig at makakita, ni makagulapay sa katandaan. Naghihimutok siya dahil lahat na umano ng kanyang mga kaibigan, mga kaedad at kapanahon ay nangamatay na at siya na lamang ang natitira. Pagod na pagod na daw siya sa buhay. Matanda na siya at gusto na rin niyang magpahinga. Pero tila mahaba pa ang ilalagi niya sa mundo.
Kung ikaw ang tatanungin, nakalimutan na nga ba siya ni Lord?

Nakakapagod ang aking buhay! Puro trabaho…trabaho! Kung may kapangyarihan lang sana akong balikan ang nakaraan sa aking buhay…baka mas maganda ang buhay ko noon kaysa ngayon!”
Ito naman ang himutok ng isang ginang na nahaharap sa maraming gawain. Sa sobrang kapaguran ng gabing iyon ay nakatulog siya ng mahimbing. At sa kanyang panaginip ay nakita niya ang kanyang buhay sa nakaraang panahon…pagod na pagod siya…sa pagtakbo sa masukal na daan. May kadiliman….kagubatan….may humahabol sa kanya….mga sundalo….mababangis….nanlilisik ang mga mata at mukhang hindi siya tinitigilan…hanggang sa mapatili siya…ikalawang digmaan…! Ito ang tumambad sa kanyang harapan. Nagising siyang humihingal pa rin.
At napag-isip-isip niya…hindi na baleng pagod na pagod siya sa hirap ng kanyang mga gawain sa ngayon, basta’t masaya at payapang kapiling ang mga mahal sa buhay.

Salamat sa pagbisita,
Mam Eddie
:

Pamana

Isang tagpo tuwing Lunes sa bawat paaralan...flag ceremony.

Mag-aral ang isa sa hindi matatawarang pribilihiyo  na makakamit ng isang tao. Bihira ang nakakaabot sa kolehiyo  sa ngayon,  sa hirap ng buhay.
Ano ang rason kung bakit gusto ng isang tao ang mag-aral? Upang makakuha ng magandang trabaho, magkaroon ng magandang bukas,makamit ang mga pangarap… ang ilan sa mga kadahilanan. Kahit isang batang paslit ay alam ang mga rasong ito.

Isang grupo ng mga mananaliksik ang pumasok sa isang paaralan upang tanungin ang mga estudyante kung bakit sila nag-aaral at pumapasok sa eskuwelahang iyon. Ang iba ay may malinaw na sagot bukod sa isa na hindi alam kung bakit. Nag-aaral daw siya upang  “mag-aral”, para masabing siya ay nag-aaral. “Wala lang..”

Nakakatakot ang  mga ganitong kabataan. Tila hindi alam ang mga daang tinatahak.

“A rolling stone gathers no most.” Angkop ito sa mga batang hindi alam kung saan patungo…kung  saan mapadpad…walang direksyon…tila walang pangarap makamit sa buhay. Bahala na bukas!

Madalas nating marinig ang litanya  ng ating mga nanay. “Tanging edukasyon lamang ang maipapamana naming mga magulang sa aming mga anak, kaya mag-aral kang mabuti.” Kadalasan kung sino pa ang may perang pang-aral, sila ang di nakakapag-aral. At ang mga walang pang-aral, dahil sa sikap at determinasyon ay nakakatapos.

Marami pa ring mga kabataan ngayon ang dapat na matuto sa kahalagahan ng mga prebilihiyo na nasa kanilang harapan. Minsan lang kumatok sa ating pintuan ang pagkakataong ibinibigay ng ating mga magulang upang mag-aral.
Sana lang… ang mga kabataang ito na hindi makita ang halaga ng edukasyon sa kanilang buhay sa kasalukuyan ay matutong mag-isip…magising, upang huwag mapalampas ang mga prebilihiyo at pagkakataong  ganito.

Friday, August 31, 2012

Gulong

"Trust in the Lord with all your heart, and lean not on your own understanding.
In all your ways, acknowledge Him, and He shall direct your paths."
                                                               Proverbs 3:5-6

      Sa ating paglalakbay sa mundong ito, may kapighatian at kasiyahan...may kasaganaan at kagipitan. Hindi malaman kung saan susuling. Minsan ay kumakapit sa kung anong puwedeng kapitan...upang makaligtas...makaangat...makapagpatuloy.
      Parang gulong ang buhay sa mundo. Itinuturo ng kasabihang ito ang pagtitiis at pag-asa para sa isang magandang buhay.Paano naman kung mas nakakahigit ang mga panahong ikaw'y nasa ilalim at nabibilang sa dalawa ang mga pagkakataong ikaw ay nasa ibabaw? Kakapit ka ba sa patalim?
      Sa isang klase ng Edukasyon sa Pagpapahalaga, ang mga bata'y binigyan ng isang sitwasyon upang pag-aralan. Pinapili sila kung alin ang tama at maling gagawin. Kung gaano sila kadaling pumili ng sagot ay parang ganoon din kadaling pinangatwiranan ng mga ito kung bakit ito ay tama o mali.
      Kapansin-pansin ang hitsura ng isang batang babae nang tanungin sapagkat bukod sa atubiling tumayo ay tila hindi matukoy at mapangatwiranan ang anumang isasagot.
      Ngunit tumayo pa rin siya at banayad na nagsabi..."Mam...hindi ko po alam kung alin ang tama o mali...pwede bang bukas ko na lang sasagutin...kasi...tatanungin ko pa si Lord kung ano ang dapat kong gawin eh..."
      Sa oras ng pag-aatubili, pagkalito at kabagabagan...walang pinakamabuting gawin kundi ang magdasal.



Mam Eddie

Monday, August 27, 2012

Anyo


Change for the Better 
  Sa lahat ng mga nilalang ng Diyos sa mundo, tao lamang ang may kakayahang baguhin  ang kanyang panlabas na anyo.

  Ayon sa isang manunulat, ang pinakamalaking pagbabago sa henerasyon ng tao ay ang pagkakatuklas na mababago ng tao ang mga panlabas na aspeto ng kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbabago ng kanyang mga pananaw at kaisipan.

  May mga may-edad na nagiging bata sa tingin sa pamamagitan ng pag-iisip na maaari pa silang kumilos at maging bata sa tunay nilang edad.

  Ang ilang may mga kapansanan tulad ng pilay, sakang at iba pa ay gumagaling kapag natanim sa kanilang isipan ang paniniwalang sila ay may pag-asa pang gumaling. Ang isang drug addict ay magbabago kapag nagkaroon siya ng determinasyong magbago sa kanyang gawi at bisyo.

  Madalas nating marinig ang kasabihang ito sa Ingles, “Tell me who your friends are and I’ll tell you who you are.” Ito’y may malaking kaugnayan sa pagbabago ng tao. Kapag mahilig sa sine ang mga kaibigan mo, tiyak na magiging ganoon ka rin. Kung ano ang mga sinasabi, pinaniniwalaan at ginagawa nila ay tiyak na doon ka rin. Ang dating ikaw ay magiging sila. Ito’y sapagkat malaki ang impluwensiya ng kapaligiran sa pagbabago.

  Kung ilang istorya na ang ating narinig tungkol sa isang probinsiyanang naluwas ng siyudad na nagbago hindi lamang sa pag-uugali kundi maging sa hitsura at anyo. Ang dating ugali ay naging moderno at maski ang pananalita’y kariringgan ng pagbabago sa punto. Ang isang Pilipinong nanirahan sa ibang bansa, sa maikling panahon’y nakakalimutan ang sariling wika. Nakakatawang nakakalungkot!

  Maraming dahilan kung bakit ang tao’y nagbabago ganoon din ng mga paraan kung paano. Hindi masama ito. Ang panahon ay nagbabago, mas lalong ang tao’y dapat magbago.

  Kung ang pagbabago ay para sa kabutihan ng tao, ito’y lubhang kapuri-puri. Ngunit kung ito’y bilang pakikiayon sa iba at sa halip na makabuti ay lalong makasama…mas mabuti pang manatili sa kung ano ka.

LFC-Lay Formation Center. Ito’y  matatagpuan sa lungsod ng Dagupan, Pangasinan. Isang retreat at recollection center. Isang lugar upang makapagmuni-muni…at makakatulong upang makamit ang hinahanap na pagbabago sa aspetong ispiritwal.

Tuesday, August 21, 2012

Pangako


               Sa anumang mithiing nais makamit, lahat ay gagawin natin kahit kung minsa’y hanggang sa sukdulan. Sapagkat sino nga ba naman ang nais na mabigo? Masakit ang mabigo! Kung kaya’t sa tuwing halalan ay di nakapagtatakang maririnig ang mga pangako ng isang pulitikong nagnanais maluklok sa puwesto. Kung isa kang mangingibig, hindi nga ba’t lahat ay gagawin mo upang makuha ang matamis na “oo” ng iyong minamahal? Sukdulang mangako pa ng mga bagay na imposibleng magawa. Kung kaya’t pagdating sa punto ng tampuhan ng magkasintahan, madalas nating marinig ang mga ito. “Nasaan ang mga pangako mo? Ang sabi mo’y mahal mo ako! Sinungaling ka!”

               Tunay na masarap pakinggan ang mga matatamis na pangako ng isang tao. Maging ito’y mula sa isang pulitiko, sa isang manliligaw at sa kahit na sinong tao.  Masarap din ang umasa, ngunit kapag ang pangako’y napako, ano pa ang dapat asahan? Pagkamuhi, lungkot, sakit ng kalooban  at kawalan ng pagtitiwala ang ilan . At hindi po lingid sa atin ang pakiramdam ng mga nabanggit na asal.

              Hindi masaya ang mamuhay sa mundo kung ang puso’y puno ng hinanakit, lungkot at sama ng loob. Gayon din, ika’y dapat magpasalamat kung sa kabila ng lungkot at hinanakit na dulot sa kapwa ‘y nakakatulog ka pa ng mahimbing. Matigas ang iyong puso! At sadyang makapal na ang mukha ng taong di marunong tumupad sa kanyang pangako!

              It is better to erase your face than to erase your promises. Sapagkat sa oras ng iyong pangangako’y iniharap mo ang iyong mukha sa iyong kausap. Kung minsan ay itinuturo pa ang puso at pinagdadaup ang palad bilang tanda ng sinseridad.

              Hindi  masama ang mangako, huwag lamang po sanang mapapako. Lalong hindi masama ang umasa pagkat ito’y nakapagdudulot ng panibagong sigla sa buhay. Ngunit huwag umasa ng labis, pagkat kung mabibigo, ito’y magiging napakasakit.  

    Mam Eddie

Banal


Kabanalan sa Mundo ng Kasamaan
               “It’s easy to see and remember the mistakes of life, but don’t be too concern about these-instead, make good things and be like a blind so you won’t see faults and sins. Look for things that will make you holy.”
                  Si Mang Jose ay kilalang politiko. Nakapagsilbi siya ng maraming taon sa bayan at naging mabuti sa paghawak ng kanyang tungkulin. Sa kasamaang palad, ang kaisa-isang anak na lalaki ay napahalubilo sa masasamang tao at nadawit sa isang kaso. Ginawa ni Mang Jose ang lahat upang mapawalang sala ito at di sinasadyang nagamit ang pondo ng bayan na hindi nalingid sa kaalaman ng lahat. Ang reputasyon at karangalan ni Mang Jose ay nasira at tuluyan siyang kinamuhian ng mga tao. Kahit ang nawalang halaga’y naibalik, nananatiling nakaukit sa isipan ng lahat, si Mang Jose ay isang mangungurakot.
               Ang istoryang ito ay ilan lamang sa di mabilang na kaso ng kasawian sa buhay. Nagsisikap ang bawat isa sa atin na magkaroon ng mabuting reputasyon, karangalan at mabuting katayuan sa lipunan. Walang sinumang nilalang ang magnanais ng kabiguan, maging sawi at kasuklam-suklam sa paningin ng lahat. Ngunit may mga pangyayaring di kayang pigilan ng tao. Nangyayari ito sa mga pagkakataong hindi inaasahan. Nagkakamali ang tao! Bakit? Sapagkat siya’y tao. Maaaring siya’y nakahihigit sa lahat dahil sa mga natatanging katangian, ngunit dumarating sa puntong hindi niya nagagamit ang kanyang mga natatanging sangkap upang manatiling banal at kapuri-puri.
            Samantala, ang panlalait, pangungutya at pamimintas sa iba ay mga gawaing talamak sa tao. Bagama’t hindi direktang binabanggit o ipinapakita , maaaring ito’y nasa kaisipan at kalooban. Maaaring isipin ninumang gumagawa nito na hindi siya nagkakasala, pagkat walang nakikita sa gawa, ngunit sa isipan at kalooban, masahol pa siya sa taong gumawa ng mga lantad na pagkakasala. Ang paggawa ng kamalian ay hindi lang  sa gawa. Nagkakasala rin ang isipan at kaluluwa.
               Sa mga pagkakataong ganito, nararapat na ang sinuman ay humingi ng tulong sa Diyos upang mapagtagumpayan ang mga tukso sa kapaligiran at makabuo ng mga desisyon tungo sa kabutihan at higit… ang mailayo ang isip sa kasamaan tungo sa kabanalan…

Mam Eddie

Saturday, August 11, 2012

Asal


Ang mga Kalakasan ay Kahinaan Din!
      Isang paksa sa moral Recovery Program ng pamahalaan ay ang tungkol sa mga kahinaan at kalakasan ng mga Pilipino. Ang mga ito’y nag-uugat sa maraming dahilan. Isa na rito ang kapaligirang panlipunan. Hindi maikakaila sa atin ang malayong agwat ng mayaman at mahirap. Ang una’y lalong yumayaman at ang huli’y lalong naghihirap. Bagama’t hindi lamang dito sa ating bansa nangyayari ang ganito, masasabing ito’y isang sanhi ng pagiging palaasa at pasibo ng mga Pinoy. Sa gitna ng kahirapan at kagipitan, walang magagawa kundi umasa sa tulong ng mga naka-aangat na kamag-anakan. Sa pamamagitan ng pakikiusap, magagalang na pananalita at pagpapakumbaba ay umaasa siyang makakakuha ng pabor.

        Likas sa Pinoy ang pagiging makapamilya at tila ba isang napakabigat na kasalanan ang hindi tumulong sa kamag-anak lalo na’t siya’y mahirap. Dahil dito, gustuhin mang tumanggi ay napipilitan ang sinuman sa hangaring huwag mapintasan at makasakit sa damdamin at di masabing makasarili.

      Ang pagmamahal sa pamilya ay isang hindi matatawarang lakas ng Pinoy. Hindi na mabilang ang mga pamilyang umunlad dahil sa pagtutulungan at pagmamalasakit ng bawat isa. Sa isang banda kung ito’y sobra ay nagiging kahinaan din. Sa halip na tumayo sa sariling paa ay umaasa na lamang sa anumang maibibigay na biyaya ng mga nakaririwasa.

      Isa pang halimbawa nito ay ang Political Dynasty na maituturing na sakit ng lipunan. Ano ang mangyayari sa mga Pilipino kung ang kapakanan lamang ng iilang tao ang nabibigyang pansin at napapaboran? At paano naman ang iba na may angking talino at kakayahan sa pamumuno kung hindi mabigyan ng pagkakataong maipamalas ang natatanging hangaring makapaglingkod sa bayan?

      Ilang kaso na ba sa hukuman ang nadaan sa areglo dahil sa pagtatakip at pagtatanggol ng mga maimpluwensiyang kamag-anak?

     Ang mga nabanggit na kaasalan ay masasabing di kapuna-puna sa kasalukuyan. Ito ay maaaring dahil sanay na ang pinoy sa ganitong sitwasyon at kalakaran. Ngunit kung pakasusuriin, malaki ang magagawa ng mga ito sa indibidwal na pag-unlad ng isang tao. Ang kamalian ay hindi maitutuwid. Ang pag-unlad ay napipigilan at nagiging malabo ang mimithing tagumpay ng sinuman. Kung magkaganoon, ang pinapangarap na pag-unlad ng bansa ay  magiging mabagal din ang pagdating.

     Tunay na ang kaunlaran ng bansang Pilipinas ay nakasalalay sa mga pagbabago ng asal, prinsipyo at mga pananaw ng bawat mamamayang Pilipino.


    Mam Eddie



Banig


Buhay at Pag-ibig sa Kapirasong Banig
         Madalas mag-away ang mag-asawang Mang Delio at Aling Sula sanhi ng reklamo ng huli kung paano pagkakasyahin ang perang kinikita ng asawa sa pagdya-dyanitor. Sa pang-araw-araw na gastusin sa bahay, idagdag pa ang baon sa araw-araw ng dalawang nag-aaral sa high school at isa sa elementaryang mga anak nila ay kulang na kulang ang sweldo ni Mang Delio. Hindi rin makasapat ang dagdag na kita ni Aling Sula mula sa pananahi. Magkaminsan , ang pag-aaway ng mag-asawa ay humahantong sa walang katapusang sisihan at paglalayas ng babae, na tumatagal lamang ng isa o dalawang araw at muling babalik kapag naalala ang tatlong anak na wala pang kamuwang –muwang sa buhay. Sa puntong ganito’y maririnig si Aling Sula na animo’y naglilitanya  sa kanyang walang kapantay na pagmamahal sa kanyang pamilya, na kung di dahil umano sa pagmamahal na yaon ay nungkang balikan niya ang piling ng kanyang “walang silbing esposo.”

        Maraming Delio at Sula sa kasalukuyang panahon, mga mag-asawang nahaharap sa iba’t-ibang krisis ng buhay. Kung tutuusin, ang kaso nila’y nararanasan ng lahat hindi lamang ng mga pamilyang mahirap kundi pati ng mga mayayaman. Kasabihan nga, konti at maraming pera, meron at merong problema.

       Ano nga ba ang tunay na isyu? Bakit humahantong sa pag-aaway ng mag-asawa? Ang iba nga ay humahantong sa hindi maintindihang problemang pampinasyal. Sa pera madalas mag-away ang tao. Hindi nga ba’t madalas magtalo ang  tindero at mamimili dahil sa maling sukli o sobrang taas ng presyo? Nagtatalo din ang tsuper at pasahero dahil sa sobrang taas ng metro? Ang mga estudyante ay nagra-rally dahil sa tuition fee! Atbp. Kaya’t hindi nakapagtataka na may mga mag-asawa na nagtatalo dahil sa pera!

        Narito ang isang lumang kasabihan…”kapag maliit ang kumot, matuto kang mamaluktot! At sa kapirasong banig, ikaw’y magtitiis.” Hindi kaya ilan sa atin ay nagkakagulo dahil sa kawalan ng tiyaga sa buhay…lalo na sa hirap ng buhay? Marami sa atin ang hindi marunong tumanggap sa katotohanan na sa mundong ito, hindi lahat ay pantay-pantay, may mahirap, may mayaman. May mapera at walang-wala. Ang ilan ay hindi rin makontento sa kayamanag nasa harap nila. Ang resulta nito’y lungkot, paggawa ng kasamaan at pagkasira ng tahanan.

        Sa makatwid, kailangan nating tanggapin ang anumang bagay na mayroon tayo. Pagkasyahin ang salaping mapasakamay natin, magtiis at huwag maghangad ng labis sa kaya nating kamtin.
Ang mga pagpapahalagang ito’y makakatulong ng malaki upang ang ating pamilya’y manatiling buo sa gitna ng mga pagsubok sa buhay….


Mam Eddie





Sekreto

Takot at mga Pangamba…Alipin ka ba nila?
      Madalas kaysa hindi, ang mga takot at mga pangambang nararanasan natin sa buhay ay daig ang sakit na unti-unting nagpaparalisa sa ating katawan. Sa paglipas ng araw, kung magpapatuloy ito’y higit ang bilis ng pagdating ng kabiguan kundi man ay ang kinatatakutang kamatayan!

      Si Jane ay isa sa mga babaeng marahil ay hindi na iba sa karaniwan. Minsan sa loob ng dalawang buwan kung umuwi ang kanyang asawa mula sa malayong destino sa trabaho. Ang pag-iisa niya ay nakagawian sa una, ngunit pagkaraan ay nahaluan ng pagkatakot at pag-aalala sa sitwasyon. Ano ang posibleng mangyari sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa? Hanggang kailan sila makapagtitiis na laging malayo sa isa’t-isa? Sa oras ng pag-iisa’y nananatili pa kayang tapat ang kanyang asawa? Ang alalahaning ito’y patuloy na gumugulo sa kanyang isipan. Kung kailan at saan magwawakas ay hindi niya alam. Ang tanging nalalaman niya, natatakot siya, nalulungkot sa pag-iisa at mukhang bigo sa inaasahan sa kanyang pag-aasawa.

     Iba-iba ang sanhi ng ating takot at mga pangamba, kasingdami rin ng magiging negatibong resulta kung hindi natin alam lutasin ang mga ito. Dalawa lamang ang uri ng pagkatakot, ang normal at abnormal. Normal kung ito’y nakakatulong upang protektahan tayo bilang babala sa isang napipintong kapahamakan. At nagiging abnormal ito kung ang utak ay hindi makontrol sa pag-iisip ng mga bagay na lampas sa karaniwan.

       Natural lamang ang tumili kapag nakikita mong malapit ng bumangga ang iyong sinasakyan o ang umiyak sa pangambang hindi malampasan ang isang malubhang karamdaman. Ngunit ang isang taong nalulungkot at natatakot dahil sa labis na pag-iisip ng mga bagay na hindi pa nangyayari at imposibleng mangyari ay hindi na karaniwan. Aalipinin siya ng mga pangamba hanggang sa tuluyang sumuko ang kanyang katawan at maaaring maging mitsa ng lalong matinding kapahamakan…maaaring kamatayan.

       Ang buhay sa mundo ay panandalian lamang. Bakit uubusin natin ito sa kalungkutan at pag-aalala? Bakit iisipin natin lagi ang mga kalungkutan? Bakit pipigilin mo ang sarili mo sa pagsasaya halimbawang ang panganay mo ay nagtapos at nagkamit ng medalya?  Walang karapatan ang sinuman na sabihing “Huwag kang masyadong tumawa, masama ang labis na katuwaan…ang kasunod nito’y kalungkutan.” Hindi ba’t ito’y kaisipang sa demonyo lamang nagmumula?

       Kung tayo’y dapat magsaya ay huwag pigilin ang sarili para dito. Ngumiti ka, tumawa at maglibang. Kalimutan ang mga problema at isipin ang mga magagandang bagay. Huwag ding kalilimutan ang paghingi ng tulong sa Lumikha. Ito ang sekreto ng matiwasay, maligaya at masiglang pamumuhay.



Mam Eddie





Thursday, August 9, 2012

Tag-ulan

         Paghandaan ang tag-ulan!
         Bahala Na at May Awa ang Diyos!!! Maaaring negatibo at positibo ang kahulugan nito sa matamang pagsusuri. Sa kabila ng mga krisis at suliraning nararanasan ng Pinoy ay nananatiling matatag ito at laging nandoon ang tiwala sa kapangyarihan ng Diyos. Ito ang nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob upang mapagtagumpayan ang mga problema sa buhay. Sa isang banda, ito ay negatibo sapagkat ipinapakita ang pagwawalang bahala sa isang maselang sitwasyon. Pagiging palaasa at katamaran din ang kahulugan sa iba, sapagkat sa halip na kumilos at magsikap ay nananatiling parang tuod na umaasa sa tulong ng kapwa at biyayang mula sa langit.
         
            Madaling tumanda ang tao kapag palaging seryoso! Ito naman ang madalas ipayo ng isang kaibigan. You eat, laugh and be merry,,, for tomorrow you die!! Bakit mo iisipin ang problema sa buhay? Mag-alala sa mga bagay na hindi pa nangyayari? Magpakapagod para kumita? Mag-ipon ng pera? Para saan...?
          Tunay na ang buhay sa mundo ay panandalian lamang. Kung kaya't maaaring makatwiran ang sabihing gawin ang lahat ng nais natin dahil hindi na muling maibabalik pa ang panahong nagdaan. Ngunit dapat ding itanim sa isip na ang mamuhay sa mundo ay hindi puro saya at kasaganaan. Sabi nga, kung may ligaya, may kalungkutan, at kung may kasaganaan ay mayroon ding kahirapan.
           
            Mapalad na marahil ang mga taong hindi nakakaranas ng kalungkutan at hirap. Ngunit maging ang pinakamayaman mang tao sa mundo ay nakakaranas din ng kagipitan...
            Bihira sa atin ang hindi nakakaalam sa istorya at magandang asal na ipinapakita ng mga langgam. Malayo pa man ang tag-ulan, makikita nang unti-unti na silang nagtitipon ng sapat na pagkain para rito. Umulan man ng malakas at matagal, hindi sila maguguton at maghihirap.
           
            Tulad ng mga langgam, dumarating din ang "tag-ulan" sa ating buhay, at hindi masamang ito'y paghandaan. Ang biglaang pagkakasakit, pagpapakasal, pagpapa-aral ng mga anak, maging ang kamatayan ay maituturing na "tag-ulan" sa buhay ng tao.
           Sa panahong ito ng sari-saring problema at krisis ang bigla na lamang dumarating, kahanga-hanga ang sinumang hindi mangangapa sa dilim. Kapuri-puri ang taong nagtitipon at naghahanda para sa biglaang pangangailangan. Maihahalintulad siya sa isang taong matalino...nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay matibay...umulan man at bumagyo...makakakain at makakatulog siya ng mahimbing at may kapayapaan.


 Note: Ang sanaysay na ito ay isa sa mga nailathala kong akda sa Philippine Weekly, sa aking kolum na Moral Values Plus,..isang lokal na pahayagan sa aming lugar...maraming taon na ang nakalipas...di ko na maalala kung kaylan...pero sa tingin ko, ang mensahe ay akma pa rin sa kasalukuyang panahon..
Note: Para sa mga estudyanteng nag-aaral ng Edukasyon sa Pagpapahalaga.