Sunday, October 21, 2012

Tsokolate


Ang istoryang ito ay mula sa isang kaibigan na masayang nagkwento ng kanyang karanasan noong kanyang kabataan.  (Huwag kang mag-alala…hindi ako plastic na kaibigan. Totoo ako at lahat ng sinasabi ko ay ginagawa ko. Hindi ako marunong mangako nang hindi ko kayang gawin. Kung ano ang nakikita mo sa akin ay iyon ang totoong ako.)

“Noong araw, madalas kong marinig ang noo’y maliliit kong tita at tito na nagpapabili ng tsokolate kay lola kapag pupunta ng palengke. Hindi nalalayo ang edad namin kasi medyo maagang nag-asawa ang mama ko na kapatid nila, panganay sa walong magkakapatid.
Tsokolate ang paborito nilang pasalubong, kahit anong klase basta tsokolate…masaya sila. Pati na rin ako siyempre. Unang pamangkin ako kaya kadalasang mas marami sa akin.
Pagdating ni lola, tandang-tanda ko pa…minsan may tsokolate pero kadalasan ay wala. Dangan kasi…”Nagtakbuhan ang mga intsik na nagtitinda sa bayan.”  Kaya wala daw siyang mabilhan. Magtiyaga na lang daw kami sa pop rice. Sa susunod na lang.

Habang lumalaki ako ay nagliwanag ang lahat. Walang dahilan para tumakbo ang mga intsik na nagtitinda ng tsokolate! Hindi lang pala mga intsik ang nagtitinda sa bayan. Pop rice ang pinakamurang uri ng tinapay! Hindi pala kaya ni lola ang bumili ng tsokolate kada araw ng palengke. At marami pang ibang katotohanan na madaling itago sa mga batang paslit.

Iyan ay noong mga panahon namin…ng aming kabataan.
Sa ngayon, natuklasan kong marami palang nakakatulad ng aking lola. Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa. Hindi ako nagtatampo sa kanya dahil lang sa mga munting panloloko niya sa amin noong araw. Naintindihan ko na iyon.

Sabi ko nga…maraming tao ang nakakatulad ni lola. Mangangako, magpa-asa sa  wala. Ang masakit taon ang lilipas bago mo malaman at matuklasan na pinaasa ka lang pala. Pinaniwala sa mga kuwentong puro kasinungalingan. At bilang konsolasyon, ibibigay sa iyo ang isang bagay na makapagpapahupa ng iyong sama ng loob, kahit paano.

Siguro, ganoon lang talaga ang buhay.  “Hindi ako maloloko kung hindi ako nagpaloko.” Kaya nga ito ang favorite kong kasabihan eh.

Hindi na ako bata ngayon. Natuto na ako nang maraming bagay. Wish ko lang
na sana, huwag akong ituring ninuman na parang bata. Pangangakuan  ng Toblerone…pero dahil pinaiwan ng pulis sa airport, kaya choconut na lang! Sabagay, gusto ko rin ng choconut…masarap din siya!

Pero kapag ganoon ang gagawin mo sa akin friend, hindi ko alam ang gagawin ko sa iyo. Sa tindi ng pananabik sa pangako mong mapapako..malupit! Hindi na talaga kita makakalimutan.  Kung hindi ako makakatulog sa susunod na tatlong gabi dahil sa ginawa mo…humanda ka kay San Pedro, malaking kasalanan  mo ‘yan sa kanya! Huh!"

No comments:

Post a Comment