Ang mga Kalakasan ay Kahinaan Din!
Isang
paksa sa moral Recovery Program ng pamahalaan ay ang tungkol sa mga kahinaan at
kalakasan ng mga Pilipino. Ang mga ito’y nag-uugat sa maraming dahilan. Isa na
rito ang kapaligirang panlipunan. Hindi maikakaila sa atin ang malayong agwat
ng mayaman at mahirap. Ang una’y lalong yumayaman at ang huli’y lalong
naghihirap. Bagama’t hindi lamang dito sa ating bansa nangyayari ang ganito,
masasabing ito’y isang sanhi ng pagiging palaasa at pasibo ng mga Pinoy. Sa
gitna ng kahirapan at kagipitan, walang magagawa kundi umasa sa tulong ng mga
naka-aangat na kamag-anakan. Sa pamamagitan ng pakikiusap, magagalang na
pananalita at pagpapakumbaba ay umaasa siyang makakakuha ng pabor.
Likas
sa Pinoy ang pagiging makapamilya at tila ba isang napakabigat na kasalanan ang
hindi tumulong sa kamag-anak lalo na’t siya’y mahirap. Dahil dito, gustuhin
mang tumanggi ay napipilitan ang sinuman sa hangaring huwag mapintasan at
makasakit sa damdamin at di masabing makasarili.
Ang
pagmamahal sa pamilya ay isang hindi matatawarang lakas ng Pinoy. Hindi na
mabilang ang mga pamilyang umunlad dahil sa pagtutulungan at pagmamalasakit ng
bawat isa. Sa isang banda kung ito’y sobra ay nagiging kahinaan din. Sa halip
na tumayo sa sariling paa ay umaasa na lamang sa anumang maibibigay na biyaya
ng mga nakaririwasa.
Isa
pang halimbawa nito ay ang Political Dynasty na maituturing na sakit ng
lipunan. Ano ang mangyayari sa mga Pilipino kung ang kapakanan lamang ng iilang
tao ang nabibigyang pansin at napapaboran? At paano naman ang iba na may
angking talino at kakayahan sa pamumuno kung hindi mabigyan ng pagkakataong
maipamalas ang natatanging hangaring makapaglingkod sa bayan?
Ilang
kaso na ba sa hukuman ang nadaan sa areglo dahil sa pagtatakip at pagtatanggol
ng mga maimpluwensiyang kamag-anak?
Ang mga nabanggit na kaasalan ay masasabing di
kapuna-puna sa kasalukuyan. Ito ay maaaring dahil sanay na ang pinoy sa
ganitong sitwasyon at kalakaran. Ngunit kung pakasusuriin, malaki ang magagawa
ng mga ito sa indibidwal na pag-unlad ng isang tao. Ang kamalian ay hindi
maitutuwid. Ang pag-unlad ay napipigilan at nagiging malabo ang mimithing tagumpay
ng sinuman. Kung magkaganoon, ang pinapangarap na pag-unlad ng bansa ay magiging mabagal din ang pagdating.
Tunay na ang kaunlaran ng bansang Pilipinas ay
nakasalalay sa mga pagbabago ng asal, prinsipyo at mga pananaw ng bawat
mamamayang Pilipino.
No comments:
Post a Comment