Wednesday, August 15, 2012

EP II Yunit II Aralin 1

        Ang sumusunod na babasahin ay hango sa 2010 Secondary Education Curriculum- Gabay sa Pagtuturo ng Edukasyon sa Pagpapahalaga II. 
Likas ba sa tao ang pakikipagkapwa?
                                             ANG PAKIKIPAGKAPWA
            Ang tao ay likas na panlipunang nilalang. Kailangan niyang mamuhay kasama ang kapwa tao dahil may mga pangangailangan siyang dapat niyang tugunan upang makamit niya ang kanyang tunguhin bilang tao. Ang pamumuhay kasama ang ibang tao ay likas na katangian na pinagkakaiba ng tao sa ibang nilalang. Hindi niloob ng Diyos ang tao na maging nilalang na nag-iisa (solitary being), ngunit nilikha siya bilang ‘panlipunang nilalang’. Kaya ang buhay panlipunan ay hindi labas sa tao. Sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa at dayalogo, nalilinang ng tao ang kanyang mga talento, uunlad siya at matatamo ang kanyang bokasyon bilang tao.
          Ang panlipunang aspeto ng pagkatao ng tao ay nagpapakita ng paglinang sa sarili at pag-unlad ng lipunan. Kailangan niya ang mamuhay sa lipunan upang mabigyan siya ng proteksyon laban sa likas at iba pang uri ng kapahamakan. May mga pangkultural din siyang pangangailangan na hindi niya matutugunan kung siya ay nag-iisa lamang. Kasama sa aspetong ito ang sining, musika, panitikan, kasaysayan, pilosopiya, at relihiyon.
          Ngunit ang pinakamalaking patunay na siya ay panlipunang nilalang ay ang kakayahan niyang magsalita (speech) o ang kakayahan niya sa komunikasyon. Kung siya ay nakatakdang mapag-isa, hindi sana siya pinagkalooban ng kakayahang magsalita. Kung nagkaganoon, hindi na niya
kailangang ibahagi ang kanyang mga iniisip at damdamin.

Ang Kahalagahan ng Pagkakaisa, Komunikasyon at Kooperasyon sa Pakikipagkapwa
            Ang panlipunang aspeto ng pagkatao ng tao ay hindi nangangahulugang magbubunga sa pakikiisa ng tao sa kanyang kapwa. May inklinasyon ang tao na maging mapag-isa at dominahin ang kanyang kapwa dahil sa kayabangan o pagmamalaki at pagdaramot. Kaya mahalaga ang pagsisikap na makamit ang kabutihang panlahat. Nakikipag-ugnayan ang mga tao sa isa’t isa dahil sa pagmamahal at ang layuning makamit kung ano ang makabubuti sa isa’t isa. Kaya mahalagang pairalin ang pagkakaisa (solidarity), komunikasyon at kooperasyon o pagtutulungan.

Ang Kahalagahan ng Pagbubuo ng mga Samahan
                 Ang panlipunang aspeto ng pagkatao ng tao ay ipinakikita sa iba’t ibang paraan. Ang bawat komponent ng lipunan ay may tungkulin na bumuo ng nagkakaisa at kaiga-igayang kabuuan. Magagawa ito sa paraang malilinang ang mga bukod-tanging katangian at kakayahang pamahalaan ang bawat isa. Ang ibang komponent tulad ng pamilya at pamayanan ng mga laiko at relihiyoso ay direktang tumutugon sa mga pangangailangan ng tao, samantalang sa boluntaryong paraan lamang tumutugon ang ibang komponent tulad ng mga samahan (associations).
            Upang mapaunlad angpakikilahok ng maraming tao sa buhay panlipunan, mahalaga ang pagbubuo ng boluntaryong samahan sa loob at labas ng bansa, na tutugon sa mga pangangailangang pangkabuhayan at panlipunan, pangpolitikal, pangkultural at paglilibang, ng isports, ng mga propesyon. Ang pakikilahok na panlipunang ito (socialization) ay paraan ng pagtugon sa mga pangangailangang hindi matatamo ng tao kung siya ay nag-iisa lamang. Kung pipiliin niya o kung pilitin siya, may kakayahang mamuhay ang tao nang nag-iisa. Ngunit mayroon siyang mga likas na magagawa o kakayahan na hindi malilinang o mapauunlad kung mangyayari ito. Dito nalilinang ang mga pagpapahalaga ng tao – lalo na ang pagkukusa at pagtupad ng tungkulin at naipahahayag niya ang kanyang mga karapatang pantao.
              Batay sa ating mga talento at pagkakataon sa buhay, may pananagutan ang bawat isa sa atin na makapagbahagi sa pag-unlad ng pamayanan sa aspetong panlipunan, politikal, pangkabuhayan, at pang-ispiritwal. Sakop ng pamayanang ito ang ating pamilya, simbahan o samahan,lipunan o bansa at ang kalipunan ng mga bansa. Ang layuning moral ng pakikipamuhay sa kapwa ay ang pagtatayo ng pandaigdigang pamayanan batay sa dignidad at pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao.
                Ang pagkakaisa o solidarity o pagkakapatiran (brotherhood) ang dapat makamit ng lipunang Pilipino.Isang hamon sa ating mga Pilipino ang pagkakaisang ito – kahit na isa sa mga kalakasan natin ang pakikipagkapwa. Ayon kay Licuanan, naipamamalas natin ito sa pagdama at pag-unawa sa damdamin ng iba (empathy), sa pagiging matulungin, pakikiramay at sa bayanihan (mutual assistance). Dahil sa ugaling pakikipagkapwa, sensitibo tayo sa ating pakikipag-ugnayan at maligaya at panatag tayo kung maayos at matiwasay ang ating mga ugnayan. Mayroon tayong kakayahan na magpakita ng malasakit at pagmamahal sa iba.
             Sa kabilang dako, ang ating pakikipagkapwa ay maaaring maging dahilan ng kawalan ng katarungan at ng walang pagsasaalang-alang sa mga tuntunin at hakbangin. Sa pag-iinagt nating makasakit ng damdamin ng ating kapwa, di tuloy nakapagbibigay ng konstruktibong puna at mahirap
pairalin ang mga pamantayan.Mahalagang isaalang-alang ang resulta ng pananaliksik ni Licuanan tungkol sa kahinaan nating mga Pilipino sa pagpapaunlad ng ating pakikipagkapwa.
            Ikaw, bilang nagdadalaga o nagbibinata, paano mo mapauunlad ang pakikipag-ugnayan mo sa iyong kapwa? Narito ang ilang prinsipyo na makatutulong tungo dito:

Mga Prinsipyo sa Pagpapaunlad ng Pakikipag-ugnayan sa Kapwa
1. Paggalang sa Pagiging Indibidwal ng Kapwa.
                Mahalagang kilalanin at igalang ang pagkabukod-tangi ng kapwa. Bawat isa ay may pangangailangan sa aspetong pangkatawan, intelektwal, emosyonal, panlipunan, pangkabuhayan at pang-ispiritwal. Kailangang maging sensitibo sa kanyang pangangailangan. Ang kusang pagbabahagi ng talento at kagamitan lalo na sa panahon ng mahigpit na pangangailangan ay nagpapaunlad ng pakikipagkapwa.

Narito ang mga paraan ng pagpapamalas nito:
a. Makinig at sumagot nang ayon sa kanyang sinasabi.
b. Tumugon nang may pagdama at pakikiisa sa kanyang damdamin (empathy).
c. Ipadama ang pagmamalasakit at maging maaalahanin.
d. Gawin ang mga bagay na magbibigay ng kasiyahan at kapayapaan.
               Halimbawa, iwasan ang pakikipagtalo.

2. Pagpapahayag ng mga Damdamin.
                Kung ipinahahayag sa kapwa nang maayos at nang angkop sa panahon ang damdamin, napauunlad ang pagkakaunawaan sa isa’t isa. Nakapagbibigay ito nang suportang emosyonal at pinaglalapit ang nasa ugnayan. 
               Sa kabilang dako, kapag hindi ipinahahayag ang tunay na damdamin, nagkaka-agwat at nasisira ang ugnayan. Kaya mahalaga ang dayalogo upang makapag-usap nang mahinahon. Mahalaga ang pakikinig nang obkektibo at nang walang paghuhusga.

Paano ito maipamamalas?
a. Ihanda ang sarili bago ang dayalogo. Manalangin at magrelaks muna bago humarap sa kapwa. Gawing layunin ang pagkakasundo. Sabihin ang sitwasyon ng di pagkakaunawaan at banggitin ang epekto nito sa iyo.
 Halimbawa:
Sitwasyon: Hinintay kita nang matagal. Umuwi ka na pala nang di mo man lang sinabi. Di ka man  lang nag-text.

Epekto sa akin: “Pakiramdam ko, wala kang malasakit sa damdamin ko at hindi mo pinahalagahan ang pagiging magkaibigan natin.”
              
                 Tandaan na mas positibo ang ugnayan kapag nagsisimula sa pagsasabi ng iyong damdamin sa sitwasyon kaysa akusahan o husgahan mo siya ng di maganda dahil sa pananaw mo sa ginawa niya.

b. Makinig nang matama (attentive). Maging handa rin sa damdaming sasabihin niya, maging negatibo man ito. Mas uunlad ang pang-unawa mo sa ibang tao kung sasanayin mo ang iyong kakayahan sa pakikinig.

3. Pagtanggap sa Kapwa.
                   Ito ay ang pagtanggap ng kanyang kalakasan at kahinaan, ng maganda at di magandang katangian at saloobin at asal. Ibig sabihin, di natin hinuhusgahan ang kapwa batay sa ating mga pamantayan o tuntunin. Ang kanyang pagkatao ang ating tinatanggap, hindi ang kanyang di magandang asal at saloobin. Di rin natin siya babaguhin batay sa mga pamantayang ito. Mas madali itong sabihin o isulat kaysa isagawa, ngunit mahalagang may kamalayan ka sa kahalagahan nito sa pagpapanatili ng mabuting ugnayan.               
                   Kapag tinanggap mo ang iyong kapwa, may inkliknasyon din siyang tanggapin ka. Ngunit mangyayari lamang ito kung may pagtangggap ka rin sa iyong sarili. Nakasalalay ang mabuting ugnayan sa kapwa sa pag-unlad ng kamalayan at pagtanggap sa sarili. Nakapaloob dito ang paniniwala at pag-asa na mapabubuti pa ang bawat tao anuman ang di magandang nangyari sa kanyang buhay; at sa tulong ng pagninilay at pagkilala sa sarili, mababago ang pagtingin niya sa sarili. Kapag nangyari ito, mapapabuti rin ang pagtanggap niya sa kanyang kapwa.

Paano ito maipamamalas?
             Iwasan ang paghuhusga at ang pagpilit na sundin niya ang iyong pamantayan at sumang-ayon sa iyong pananaw. Maaaring ang mga bagay na inaakusa o hinuhusgahan natin sa ating kapwa ay taglay din natin. Matutuklasan natin ito sa pagninilay. Ang paghuhusga ay ang kabaligtaran ng pagtanggap.

4. Pag-iingat sa mga Bagay na Ibinahagi ng Kapwa (Confidences).
                     Ito ang isa sa mga napakahalagang prinsipyo ng pagpapaunlad ng
pakikipagkapwa. Habang lumalalim ang ugnayan sa pakikipagkapwa, nagkakaroon ng pagbabahagi ng mga personal o sensitibong bagay sa sarili. Mahalagang ingatan ang mga ito sa pamamagitan ng di pagbabahagi o pagkwento nito sa iba. Kapag ginawa mo ito, mawawala ang tiwala sa iyo ng iyong kapwa at baka tuluyan ng masira ang inyong ugnayan o pakikipagkaibigan.
                     Ang pag-iingat sa mga bagay na ibinahagi sa iyo (keeping confidences) ay nagpapakitang kamalayan sa pangangailangan ng kapwa na ingatan ang aspeto ng kanyang sarili na maaaring magdulot ng kahihiyan o maglagay sa kanya sa kapahamakan. Ito rin ay ang pag-iwas
sa padalus-dalos na pagbabahagi ng ganitong mga sensitibo o personal na impormasyon tungkol sa kapwa, kahit hindi niya sinabi sa iyo na “Huwag mong sabihin kahit kanino.”
                        Kapag nangyari ito, magsisimula ang tsismis o pagkukwento ng mga personal na aspeto ng tao na pinag-uusapan o pinagbubulungan ng marami. Ito ay nakasisira ng pagkatao hindi lamang ng taong pinag-usapan kundi ng mismong taong nagbahagi.

Paano maipamamalas ito?
                      Iwasan ang pagrerelakmo sa ibang tao tungkol sa kahinaan ng kapwa. Mahirap gawin ito, ngunit sa pagsisikap na magkaroon ng panahon para sa regular na pagninilay at panalangin, magkakaroon ka ng lakas na paglabanan ang kahinaang ito.
                     Ang paglinang ng sarili upang maging mabuting kapwa ay isang prosesong pinagdaraanan ng bawat isa araw-araw; kaya bawat araw binibigyan tayo ng pagkakataong baguhin natin ang ating sarili. Sabi nga ni Gorospe sa “Moral Philosophy in a Philippine Context”, ang pagmamahal sa kapwa, kapag pinagsikapang makamit ng bawat Pilipino, ay kakalat sa buong kapuluan. Maidaragdag natin na: Maipamamalas din ito sa buong daigdig sa gabay ng Diyos at ng mabuting tunguhin at sa tulong ng mga makabagong teknolohiya.




Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa yellow paper. (For II-Genesis and II-SSC Galileo)
a. Bakit kailangan ng tao ang mamuhay sa lipunan?

b. Anu-ano ang mga pangangailangan ng tao na natutugunan dahil sa kanyang pakikipagkapwa?   Ipaliwanag ang bawat isa.

c. Anu-ano ang mga pangkultural niyang pangangailangan na hindi niya matutugunan kung siya ay   nag-iisa lamang?

d. Ipaliwanag:
             “Ang pinakamalaking patunay na ang tao ay panlipunang nilalang ay ang kakayahan niyang magsalita (speech) o ang kakayahan niya sa komunikasyon.”

e. Ipahayag ang pagsang-ayon o pagtutol sa pangungusap:
   “Ang panlipunang aspeto ng pagkatao ng tao ay hindi nangangahulugang magbubunga sa   pakikiisa ng tao sa kanyang kapwa.”

f. Bakit kailangan ng taong mapabilang sa mga samahan? Patunayan batay sa iyong karanasan.

g. Anu-ano ang mga likas na magagawa ng tao na hindi malilinang o mapauunlad kung hindi siya nakikipamuhay kasama ang kanyang kapwa? Ipaliwanag.

h. Paano nalilinang ang mga pagpapahalaga sa pamamagitan ng pakikipagkapwa?

i. Ipaliwanag kung bakit ang pakikipagkapwa ay kalakasan at kahinaan din ng mga Pilipino.

Pagninilay
Sumulat ng isang pagninilay.Ituon ang nilalaman nito sa mga sumusunod:

a. Mahalagang kaisipan na natutunan sa aralin
b. Magagandang butil ng aral na nakuha mula sa mga gawain at pagtalakay
c. Repleksyon ukol sa naging pagbabago sa iyong pananaw o paniniwala dahil sa aralin
d. Ang pansariling komitment para sa paglilingkod sa kapwa

Pagsasabuhay
24. Magbalangkas/Gumawa ng mga paraan kung paano makagagawa ng paglilingkod sa paaralan, kapitbahayan o pamayanan o barangay.


Galingan ninyo! Good luck!

Mam Eddie









No comments:

Post a Comment

Post a Comment