Monday, August 27, 2012

Huwad


First Love Never Dies
     Ito po’y isang matandang kasabihan hindi lamang  angkop sa mga damdaming nararamdaman patungkol sa ibang kasarian. Mandi’y maaaring maging akma rin sa mga kaisipan, interes o hilig, ambisyon, mga gawi at ibang bagay na may kinalaman sa ating kalikasan bilang tao.
          Bakit may mga taong sa kabila ng kaalwanan sa buhay ay nakakaramdam pa rin ng kahungkagan? Hindi masumpungan ang kaligayahang akala’y matatamo sa sandaling makamit ang tagumpay at matatagpuan na lamang nila ang mga sariling bumabalik sa kahapon, sa buhay at lugar na dati’y iniwan at pilit tinakasan.
         There is no place like home…sabi ng iba. Ano ang silbi ng kayamanan at marangyang buhay kung nag-iisa at malayo sa pamilya at mga kaibigang tunay na nagmamalasakit?
         Ganito rin ang nangyari sa isang babaeng unang nakaranas ng gawaing sinasabi ng iba, ay mahalay at masagwa. Gaano man ang pagbabagong naisin niya ay muling binalikan ang gawaing nakapagbigay sa kanya ng ibayong saya at maraming pera!
        May mga taong sa kabila ng angking tagumpay ay hindi masaya sa kanilang ginagawa. Kaipala’y hindi yaon ang tunay na pangarap gawin sa kanyang buong buhay. Huwad ang mga ngiti at sayang ipinapakita ng kanyang mukha. Kaya’t sa kabila ng lahat…patuloy pa rin sa paghanap ng paraan upang mabigyang laya ang mga naunang mithiin at pangarap sa buhay.
        Para sa isang guro na ang kapiling ay hindi mabilang na gawain …ay heto at nagsisikap pa ring makabuo ng isang sulatin at maipahayag ang nilalaman ng damdamin….simple lamang ang dahilan…hindi namamatay ang unang pag-ibig!
        Ikaw…ano ang first love mo?
        Nawa, ang lahat ay makasumpong ng ligaya at tuwa, kapanatagan ng kalooban at damdamin at kapayapaan, anuman ang kalagayan sa buhay at gawaing pinagkakaabalahan.
        Hindi masamang balikan ang nakaraan, hanapin ang kaligayahan at muling isipin ang nakalipas. Huwag lamang kalilimutan ang kasalukuyan…sapagkat mas mahalaga pa rin ito kaysa nakaraan.


SiTita, si Tito at si Baybi.
 "Tita, naniniwala ka ba  sa kasabihang First love never dies?”
“Naku…wala ‘yan…kasabihan lang ‘yan!”
“Eh, ikaw tito?”
“Naiisip ko pa rin ang first love ko…pero di ibig sabihin na love ko pa rin siya…”
“Owwss…charing!”

No comments:

Post a Comment