Ang sumusunod na babasahin ay hango sa 2010
Secondary Education Curriculum- Gabay sa Pagtuturo ng Edukasyon sa
Pagpapahalaga II.
Likas ba sa tao
ang pakikipagkapwa?
ANG
PAKIKIPAGKAPWA
Ang tao ay likas na panlipunang
nilalang. Kailangan niyang mamuhay kasama ang kapwa tao dahil may mga
pangangailangan siyang dapat niyang tugunan upang makamit niya ang kanyang
tunguhin bilang tao. Ang pamumuhay kasama ang ibang tao ay likas na katangian
na pinagkakaiba ng tao sa ibang nilalang. Hindi niloob ng Diyos ang tao na
maging nilalang na nag-iisa (solitary being), ngunit nilikha siya bilang ‘panlipunang
nilalang’. Kaya ang buhay panlipunan ay hindi labas sa tao. Sa pamamagitan ng
paglilingkod sa kapwa at dayalogo, nalilinang ng tao ang kanyang mga talento,
uunlad siya at matatamo ang kanyang bokasyon bilang tao.
Ang panlipunang aspeto ng pagkatao ng
tao ay nagpapakita ng paglinang sa sarili at pag-unlad ng lipunan. Kailangan
niya ang mamuhay sa lipunan upang mabigyan siya ng proteksyon laban sa likas at
iba pang uri ng kapahamakan. May mga pangkultural din siyang pangangailangan na
hindi niya matutugunan kung siya ay nag-iisa lamang. Kasama sa aspetong ito ang
sining, musika, panitikan, kasaysayan, pilosopiya, at relihiyon.
Ngunit ang pinakamalaking patunay na
siya ay panlipunang nilalang ay ang kakayahan niyang magsalita (speech) o ang
kakayahan niya sa komunikasyon. Kung siya ay nakatakdang mapag-isa, hindi sana
siya pinagkalooban ng kakayahang magsalita. Kung nagkaganoon, hindi na niya
kailangang
ibahagi ang kanyang mga iniisip at damdamin.
Ang Kahalagahan
ng Pagkakaisa, Komunikasyon at Kooperasyon sa Pakikipagkapwa
Ang panlipunang aspeto ng pagkatao
ng tao ay hindi nangangahulugang magbubunga sa pakikiisa ng tao sa kanyang
kapwa. May inklinasyon ang tao na maging mapag-isa at dominahin ang kanyang
kapwa dahil sa kayabangan o pagmamalaki at pagdaramot. Kaya mahalaga ang pagsisikap na
makamit ang kabutihang panlahat. Nakikipag-ugnayan ang mga tao sa isa’t isa
dahil sa pagmamahal at ang layuning makamit kung ano ang makabubuti sa isa’t
isa. Kaya mahalagang pairalin ang pagkakaisa (solidarity), komunikasyon at
kooperasyon o pagtutulungan.
Ang Kahalagahan
ng Pagbubuo ng mga Samahan
Ang panlipunang aspeto ng pagkatao ng
tao ay ipinakikita sa iba’t ibang paraan. Ang bawat komponent ng lipunan ay may
tungkulin na bumuo ng nagkakaisa at kaiga-igayang kabuuan. Magagawa ito sa
paraang malilinang ang mga bukod-tanging katangian at kakayahang pamahalaan ang bawat isa.
Ang ibang komponent tulad ng pamilya at pamayanan ng mga laiko at relihiyoso ay
direktang tumutugon sa mga pangangailangan ng tao, samantalang sa boluntaryong
paraan lamang tumutugon ang ibang komponent tulad ng mga samahan
(associations).
Upang mapaunlad angpakikilahok ng
maraming tao sa buhay panlipunan, mahalaga ang pagbubuo ng boluntaryong samahan
sa loob at labas ng bansa, na tutugon sa mga pangangailangang pangkabuhayan at
panlipunan, pangpolitikal, pangkultural at paglilibang, ng isports, ng mga
propesyon. Ang pakikilahok na panlipunang ito (socialization) ay paraan ng
pagtugon sa mga pangangailangang hindi matatamo ng tao kung siya ay nag-iisa lamang.
Kung pipiliin niya o kung pilitin siya, may kakayahang mamuhay ang tao nang
nag-iisa. Ngunit mayroon siyang mga likas na magagawa o kakayahan na hindi malilinang
o mapauunlad kung mangyayari ito. Dito nalilinang ang mga pagpapahalaga ng tao
– lalo na ang pagkukusa at pagtupad ng tungkulin at naipahahayag niya ang
kanyang mga karapatang pantao.
Batay sa ating mga talento at
pagkakataon sa buhay, may pananagutan ang bawat isa sa atin na makapagbahagi sa
pag-unlad ng pamayanan sa aspetong panlipunan, politikal, pangkabuhayan, at
pang-ispiritwal. Sakop ng pamayanang ito ang ating pamilya, simbahan o
samahan,lipunan o bansa at ang kalipunan ng mga bansa. Ang layuning moral ng
pakikipamuhay sa kapwa ay ang pagtatayo ng pandaigdigang pamayanan batay sa
dignidad at pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao.
Ang pagkakaisa o solidarity o
pagkakapatiran (brotherhood) ang dapat makamit ng lipunang Pilipino.Isang hamon
sa ating mga Pilipino ang pagkakaisang ito – kahit na isa sa mga kalakasan
natin ang pakikipagkapwa. Ayon kay Licuanan, naipamamalas natin ito sa pagdama
at pag-unawa sa damdamin ng iba (empathy), sa pagiging matulungin, pakikiramay
at sa bayanihan (mutual assistance). Dahil sa ugaling pakikipagkapwa, sensitibo
tayo sa ating pakikipag-ugnayan at maligaya at panatag tayo kung maayos at
matiwasay ang ating mga ugnayan. Mayroon tayong kakayahan na magpakita ng
malasakit at pagmamahal sa iba.
Sa kabilang dako, ang ating
pakikipagkapwa ay maaaring maging dahilan ng kawalan ng katarungan at ng walang
pagsasaalang-alang sa mga tuntunin at hakbangin. Sa pag-iinagt nating makasakit
ng damdamin ng ating kapwa, di tuloy nakapagbibigay ng konstruktibong puna at
mahirap
pairalin ang mga
pamantayan.Mahalagang isaalang-alang ang resulta ng pananaliksik ni Licuanan
tungkol sa kahinaan nating mga Pilipino sa pagpapaunlad ng ating pakikipagkapwa.
Ikaw, bilang nagdadalaga o
nagbibinata, paano mo mapauunlad ang pakikipag-ugnayan mo sa iyong kapwa?
Narito ang ilang prinsipyo na makatutulong tungo dito:
Mga Prinsipyo sa Pagpapaunlad ng
Pakikipag-ugnayan sa Kapwa
1. Paggalang
sa Pagiging Indibidwal ng Kapwa.
Mahalagang kilalanin at igalang
ang pagkabukod-tangi ng kapwa. Bawat isa ay may pangangailangan
sa aspetong pangkatawan, intelektwal, emosyonal, panlipunan, pangkabuhayan at
pang-ispiritwal. Kailangang maging sensitibo sa kanyang pangangailangan. Ang
kusang pagbabahagi ng talento at kagamitan lalo na sa panahon ng mahigpit na pangangailangan
ay nagpapaunlad ng pakikipagkapwa.
Narito ang mga
paraan ng pagpapamalas nito:
a. Makinig at
sumagot nang ayon sa kanyang sinasabi.
b. Tumugon nang
may pagdama at pakikiisa sa kanyang damdamin (empathy).
c. Ipadama ang
pagmamalasakit at maging maaalahanin.
d. Gawin ang mga
bagay na magbibigay ng kasiyahan at kapayapaan.
Halimbawa, iwasan ang
pakikipagtalo.
2. Pagpapahayag ng mga Damdamin.
Kung ipinahahayag sa kapwa nang
maayos at nang angkop sa panahon ang damdamin, napauunlad ang pagkakaunawaan sa
isa’t isa. Nakapagbibigay ito nang suportang emosyonal at pinaglalapit ang nasa
ugnayan.
Sa kabilang dako, kapag hindi ipinahahayag ang tunay na damdamin,
nagkaka-agwat at nasisira ang ugnayan. Kaya mahalaga ang dayalogo upang makapag-usap
nang mahinahon. Mahalaga ang pakikinig nang obkektibo at nang walang
paghuhusga.
Paano ito
maipamamalas?
a. Ihanda ang
sarili bago ang dayalogo. Manalangin at magrelaks muna bago humarap sa kapwa.
Gawing layunin ang pagkakasundo. Sabihin ang sitwasyon ng di pagkakaunawaan at
banggitin ang epekto nito sa iyo.
Halimbawa:
Sitwasyon: Hinintay kita
nang matagal. Umuwi ka na pala nang di mo man lang sinabi. Di ka man lang nag-text.
Epekto sa akin: “Pakiramdam
ko, wala kang malasakit sa damdamin ko at hindi mo pinahalagahan ang pagiging
magkaibigan natin.”
Tandaan na mas positibo ang
ugnayan kapag nagsisimula sa pagsasabi ng iyong damdamin sa sitwasyon
kaysa akusahan o husgahan mo siya ng di maganda dahil sa pananaw
mo sa ginawa niya.
b. Makinig nang
matama (attentive). Maging handa
rin sa damdaming sasabihin niya, maging negatibo man ito. Mas uunlad ang
pang-unawa mo sa ibang tao kung sasanayin mo ang iyong kakayahan sa pakikinig.
3. Pagtanggap sa Kapwa.
Ito ay ang pagtanggap ng kanyang
kalakasan at kahinaan, ng maganda at di magandang katangian at saloobin at asal.
Ibig sabihin, di natin hinuhusgahan ang kapwa batay sa ating mga pamantayan o
tuntunin. Ang kanyang pagkatao ang ating tinatanggap, hindi ang kanyang
di magandang asal at saloobin. Di rin natin siya babaguhin batay sa mga
pamantayang ito. Mas madali itong sabihin o isulat kaysa isagawa, ngunit
mahalagang may kamalayan ka sa kahalagahan nito sa pagpapanatili ng mabuting
ugnayan.
Kapag tinanggap mo ang iyong kapwa, may inkliknasyon din siyang
tanggapin ka. Ngunit mangyayari lamang ito kung may pagtangggap ka rin sa iyong
sarili. Nakasalalay ang mabuting ugnayan sa kapwa sa pag-unlad ng kamalayan at
pagtanggap sa sarili. Nakapaloob dito ang paniniwala at pag-asa na mapabubuti
pa ang bawat tao anuman ang di magandang nangyari sa kanyang buhay; at sa
tulong ng pagninilay at pagkilala sa sarili, mababago ang pagtingin niya sa
sarili. Kapag nangyari ito, mapapabuti rin ang pagtanggap niya sa kanyang
kapwa.
Paano ito
maipamamalas?
Iwasan ang paghuhusga at ang pagpilit na
sundin niya ang iyong pamantayan at sumang-ayon sa iyong pananaw. Maaaring ang
mga bagay na inaakusa o hinuhusgahan natin sa ating kapwa ay taglay din natin.
Matutuklasan natin ito sa pagninilay. Ang paghuhusga ay ang kabaligtaran ng
pagtanggap.
4. Pag-iingat sa mga Bagay na
Ibinahagi ng Kapwa (Confidences).
Ito ang isa sa mga napakahalagang
prinsipyo ng pagpapaunlad ng
pakikipagkapwa.
Habang lumalalim ang ugnayan sa pakikipagkapwa, nagkakaroon ng pagbabahagi ng
mga personal o sensitibong bagay sa sarili. Mahalagang ingatan ang mga ito sa
pamamagitan ng di pagbabahagi o pagkwento nito sa iba. Kapag ginawa mo
ito, mawawala ang tiwala sa iyo ng iyong kapwa at baka tuluyan ng masira ang
inyong ugnayan o pakikipagkaibigan.
Ang pag-iingat sa mga
bagay na ibinahagi sa iyo (keeping confidences) ay nagpapakitang kamalayan sa
pangangailangan ng kapwa na ingatan ang aspeto ng kanyang sarili na maaaring
magdulot ng kahihiyan o maglagay sa kanya sa kapahamakan. Ito rin ay ang
pag-iwas
sa padalus-dalos
na pagbabahagi ng ganitong mga sensitibo o personal na impormasyon tungkol sa
kapwa, kahit hindi niya sinabi sa iyo na “Huwag mong sabihin kahit kanino.”
Kapag nangyari ito,
magsisimula ang tsismis o pagkukwento ng mga personal na aspeto ng tao na
pinag-uusapan o pinagbubulungan ng marami. Ito ay nakasisira ng pagkatao hindi
lamang ng taong pinag-usapan kundi ng mismong taong nagbahagi.
Paano
maipamamalas ito?
Iwasan ang pagrerelakmo
sa ibang tao tungkol sa kahinaan ng kapwa. Mahirap gawin ito, ngunit sa
pagsisikap na magkaroon ng panahon para sa regular na pagninilay at panalangin,
magkakaroon ka ng lakas na paglabanan ang kahinaang ito.
Ang paglinang ng sarili
upang maging mabuting kapwa ay isang prosesong pinagdaraanan ng bawat isa
araw-araw; kaya bawat araw binibigyan tayo ng pagkakataong baguhin natin ang
ating sarili. Sabi nga ni Gorospe sa “Moral Philosophy in a Philippine
Context”, ang pagmamahal sa kapwa, kapag pinagsikapang makamit ng bawat
Pilipino, ay kakalat sa buong kapuluan. Maidaragdag natin na: Maipamamalas din
ito sa buong daigdig sa gabay ng Diyos at ng mabuting tunguhin at sa tulong ng
mga makabagong teknolohiya.
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa
yellow paper. (For II-Genesis and II-SSC Galileo)
a. Bakit
kailangan ng tao ang mamuhay sa lipunan?
b. Anu-ano ang
mga pangangailangan ng tao na natutugunan dahil sa kanyang pakikipagkapwa? Ipaliwanag ang bawat isa.
c. Anu-ano ang
mga pangkultural niyang pangangailangan na hindi niya matutugunan kung siya ay nag-iisa lamang?
d. Ipaliwanag:
“Ang pinakamalaking patunay na ang
tao ay panlipunang nilalang ay ang kakayahan niyang magsalita (speech) o ang
kakayahan niya sa komunikasyon.”
e. Ipahayag ang
pagsang-ayon o pagtutol sa pangungusap:
“Ang panlipunang aspeto ng pagkatao ng tao
ay hindi nangangahulugang magbubunga sa pakikiisa ng tao sa kanyang kapwa.”
f. Bakit
kailangan ng taong mapabilang sa mga samahan? Patunayan batay sa iyong
karanasan.
g. Anu-ano ang
mga likas na magagawa ng tao na hindi malilinang o mapauunlad kung hindi siya
nakikipamuhay kasama ang kanyang kapwa? Ipaliwanag.
h. Paano
nalilinang ang mga pagpapahalaga sa pamamagitan ng pakikipagkapwa?
i. Ipaliwanag kung
bakit ang pakikipagkapwa ay kalakasan at kahinaan din ng mga Pilipino.
Pagninilay
Sumulat ng isang
pagninilay.Ituon ang nilalaman nito sa mga sumusunod:
a. Mahalagang
kaisipan na natutunan sa aralin
b. Magagandang
butil ng aral na nakuha mula sa mga gawain at pagtalakay
c. Repleksyon
ukol sa naging pagbabago sa iyong pananaw o paniniwala dahil sa aralin
d. Ang pansariling
komitment para sa paglilingkod sa kapwa
Pagsasabuhay
24. Magbalangkas/Gumawa
ng mga paraan kung paano makagagawa ng paglilingkod sa paaralan, kapitbahayan o
pamayanan o barangay.
Galingan ninyo! Good luck!
Mam Eddie